CHAPTER 7 - AATRAS?

2390 Words
Mula nang lumabas kami sa opisina ng HR hanggang sa nakasakay na kami sa elevator, maraming sinasabi si Ms. Joyce. Pero wala akong naintindihan isa man sa sinabi niya, o kahit isang salita na naiwan sa isip ko. Ang isip ko ngayon ay abala sa pag-iisiip ng paraan kung paano ko lulusutan itong sitwasyon na napasukan ko. Paano ako haharap sa masungit na CEO na ‘yun? Baka wala na kaming ginawa maghapon kung hindi ang magsagutan. Pero magagawa ko nga bang sagutin siya? Baka ikatanggal ko na iyon dito sa Verizon kapag nagkataon. Eh, kung umatras na kaya ako? Pwede pa naman siguro akong umatras, di ba? “Ang suwerte mo, Stella! Lagi mong makikita ang guwapong mukha ng CEO natin. Well, hindi man araw-araw. Pero siyempre, kapag kailangan ng reliever ni Ms. Cathy, ‘yung secretary niya, ikaw na lagi for sure ang ia-assign. Napalingon ako kay Ms. Joyce. Ano raw? Suwerte ako? Baka sa kabaligtaran! “Marami kayang empleyado rito ang gustong mapuwesto dun sa sixth floor kahit isang beses lang. For sure, marami ang maiinggit sa ‘yo!” Pinilit kong ngumiti, “eh, Ms. Joyce, bakit kaya hindi na lang sila ang papuntahin natin ngayon dun? Hehe… Kung ganung willing naman pala silang matoka dun kay CEO,” pangangatwiran ko. Umikot ang mga mata ni Ms. Joyce, bago ako sinagot. “Naku. Walang magagawa at walang matatapos na trabaho kapag sila ang inilagay doon. For sure, walang gagawin ang mga iyon kung hindi titigan at mag-flirt kay boss Brandon.” Eh, ako ba? May matatapos kaya akong trabaho dun? Eh, baka wala rin akong magawang trabaho dun sa kakasermon niya sa akin! “Ms. Joyce, pwede pa kayang umatras?” lakas-loob kong tanong. Napamaang si Ms. Joyce sa akin. “Ha? Bakit naman? May nasabi ba akong hindi maganda? Na hindi mo nagustuhan?” sunod-sunod niyang tanong, habang tila iniisip niya kung ano-ano ba ang mga sinabi niya sa akin. Umiling ako, “wa-wala naman. Baka lang kasi… alam mo na, Ms. Joyce, OJT lang ako, baka mamaya magkamali-mali ako. Eh, CEO ‘yun, Ms. Joyce. Hindi naman ordinary boss ‘yung si Brandon– I mean si Sir Brandon. For sure, perfectionist ‘yun!” pangangatwiran ko. Nakita kong lumunok nang malaki si Ms. Joyce, at saka tumikhim. “Ahm, m-medyo…” Kinabahan na naman ako sa nakita kong reaksyon ni Ms. Joyce. Kung dati ay gustong-gusto ko na mapalapit kay Brandon. Pero sa naranasan ko sa kanya kanina, nagbago na ang isip ko. Kinapa ko ang sarili ko. Crush ko pa ba si Brandon Hizon? Pero bago ko masagot ang sarili kong tanong, tumunog na ang elevator. Bago pa man tuluyang bumukas ang pintuan ng elevator, nagpasya na ako. “Ms. Joyce, hindi na talaga ako tutuloy. Pasensiya na talaga.” “Ha?” nagtatakang sabi ni Ms. Joyce. “Hay, salamat… nandito na kayo. Siya ba ang magiging reliever ko?” Sabay kaming napalingon ni Ms. Joyce sa labas ng elevator. Tuluyan na palang nagbukas ang pintuan nito. At nakangiting nakatayo roon ang isang magandang babae. Siya siguro si Ms. Cathy. “Tara na, Stella.” Nagulat pa ako sa biglang paghatak ni Ms. Joyce sa kamay ko na para bang iniisip niyang baka magpaiwan pa ako sa loob ng elevator kung hindi niya ako hahatakin palabas doon. Sabagay, iyon naman talaga ang nasa isip ko ngayon, di ba? Maputi si Ms. Cathy. Flawless. Hindi ko alam kung anong foreign blood meron siya at ganito kakinis ang balat niya. Espanyol siguro na may halong Chinese? “Ms. Cathy, siya si Stella. Siya ang makakapalitan mo kapag kailangan mong mag-leave. Sabi ni Attorney, pwede mo na raw siya i-orient ngayon para may background na siya sa magiging trabaho niya kapag wala ka,” paliwanag ni Ms. Joyce. Ano ba ‘to? Wala na bang atrasan ‘to? Hindi na ba ako pwedeng umatras? Di ba sinabi ko na kay Ms. Joyce na umaatras na ako? “Ah, sige. Kung ganun, iwanan mo na siya sa akin,” nakangiti namang sagot ni Ms. Cathy. Gustong-gusto ko nang humabol kay Ms. Joyce na pasakay na ng elevator ngayon. Kung hindi nga lang magiging unprofessional ang dating ko kapag ginawa ko iyon, baka kanina ko pa ginawa. Isa pa, ayokong magkaroon ng pangit na marka sa evaluation ko. “Dito tayo, S-Stella… tama?” Kimi akong ngumiti. Humakbang na si Ms. Cathy papunta sa area niya. Hindi ako sumunod sa kanya. Sinadya kong magpa-iwan. Nakailang hakbang na si Ms. Cathy nang bigla itong huminto at lumingon sa pinag-iwanan niya sa akin. Nahalata niya siguro na walang nakasunod sa kanya. “May problema ba?” Dahan-dahan akong umiling, habang hindi ko alam pa ang isasagot ko kay Ms. Cathy. “Ahm… sa tingin ko, hindi ako nababagay dito, Ms. Cathy,” sa wakas ay naisipan kong isagot. Kumunot ang noo ni Ms. Cathy, tapos ay nakangiting naglakad pabalik sa akin. Hinawakan niya ang kamay ko nang makalapit na siya sa akin. “Ano ba’ng sinasabi mo? Bagay na bagay ka kaya rito. Anong department ka ba naka-assign?” “Marketing…” “Kaya pala.” “Ano pong kaya pala?” “Naku! Huwag mo akong pino-po. Magagalit ako sa’yo niyan.” Bahagya niya akong pinandilatan ng mga mata. Wala akong nagawa kung hindi kagatin ang ibabang labi ko. Bahagya akong na-guilty kahit hindi ko naman sinasadya. May katwiran naman si Ms. Cathy. Hindi pa nga naman siya katandaan kumpara sa edad ko. “Okay. Ibig kong sabihin kaya pala ikaw ang napili para maging reliever ko kasi kapag sinabi mong Marketing, for sure, magaganda! Alam mo, medyo may pagkapintasero kasi itong big boss natin. Kaya hindi pwedeng hindi maganda ang ipapadala ni HR dito. Kung hindi, makakatikim sila ng salita kay boss,” nakangiting paliwanag ni Ms. Cathy. This time, ako naman ang napakunot-noo. Pintasero? Hah! Hindi lang pala masungit, pintasero pa. Ano pa kayang mga pangit na ugali meron ang lalaking ‘yun para mawala na ang paghanga ko sa kanya? Nang hilahin ako ni Ms. Cathy hindi na ako nakapagreklamo, pero nasa dibdib ko pa rin ang pag-aalangan. Dinala niya ako sa isang cubicle sa labas ng isang kuwarto na may nakalagay na CEO’s OFFICE sa taas ng pintuan nito. Nang mabasa ko ang karatula na iyon, muling bumangon ang kaba sa dibdib ko. Kung magtatagal akong magtrabaho dito sa opisina na ito, hula ko, bago matapos ang OJT ko, magkaka-nervous breakdown na ako dahil lagi na lang akong kakabahan tulad ng nararanasan ko ngayon. Napansin ko, mula nang papunta pa lang ako dito, hindi na natapos-tapos ang kaba sa dibidb ko. “Bakit parang tense na tense ka?” Nilingon ko si Ms. Cathy. “Eh, Ms. Cathy… baka kasi hindi ko magampanan iyong trabaho dito. Alam mo na… CEO ang magiging boss ko dito. Ano bang malay ko sa mga ginagawa rito? Saka… hindi ako marunong makipag-usap sa mga ganyang klaseng mga tao.” Iyong tipong masungit ba. Idadagdag ko sana, pero siyempre hindi ko sasabihin iyon. Eh, kung isumbong ako ni Ms. Cathy sa masungit na ‘yun? Eh siyempre, boss niya ‘yun. Bahagyang tumawa si Ms. Cathy. “Don’t worry… mga basic na bagay lang naman ang kailangan mong gawin. Katulad ng tamang pagsagot sa phone. Siyempre, dahil CEO si boss Brandon, kaya mga VIP at hindi basta-basta na mga tao ang usual na tumatawag sa kanya. So, kailangan monitored mo ‘yung mga tumatawag, kung nagpapa-appointment, itatanong mo ‘yun kay boss. Sasabihin naman niya sa iyo kung magre-return call siya or ipapa-schedule na lang niya sa iyo na tumawag uli. Ang importante lang, mai-log mo lahat ‘yun dun sa calendar niya.“ “Parang ang hirap magkamali, Ms. Cathy,” nag-aalalang sabi ko sa kanya. “Siyempre sa una, medyo may mga error… hindi naman maaalis ‘yun. Pero masasanay ka rin. Tapos, sisiw na ‘yun sa ‘yo,” pagbibigay lakas ng loob ni Ms. Cathy sa akin. Wala akong nagawa kung hindi bumuntong-hininga at kagatin ang ibabang labi ko. Tumawa na naman si Ms. Cathy. “Ano ka ba? Huwag mong masyadong dibdibin. Kapag medyo napagalitan ka ni boss, pasok mo lang sa isang tenga mo, tapos labas sa kabilang tenga. Ganun lang. Para hindi ka ma-stress. Siyempre minsan, may mga oras na masungit si boss. Normal na sa kanya ‘yun. Pero ganun lang ‘yun. Mayamaya, wala na. Okay na ulit siya. Masasanay ka rin.” Masasanay? Masasanay saan? Sa kasungitan ni Brandon? “Tapos, iyong itinerary niya for the day. Importante na masabi mo iyon sa kanya sa umaga pagdating niya, para alam niya ang schedule niya sa maghapon, or kung kaya pa niya magsingit ng mga biglaang appointment.” Hindi ko alam kung tuwa ba ang naramdaman ko o hindi sa kaalamang posibleng araw-araw kong makikita at kakausapin si Brandon. Pero siyempre, depende iyon kung ilang araw mawawala si Ms. Cathy. “Um… hindi ba pwedeng i-text ko na lang sa kanya? O kaya, isulat ko na lang sa papel, tapos iwan ko sa mesa niya?” Humagikgik si Ms. Cathy. “Ang cute mo, Stella…” nakangiting sabi niya sa pagitan ng mga hagikgik, “mag-practice ka nang humarap sa mga tao. Marketing ang course mo, di ba? Dapat diyan, matapang ang dibdib at makapal ang mukha.” “Aray ko naman, Ms. Cathy sa makapal ang mukha…” “Okay, sorry. Sige. Malakas ang loob na lang.” “Mas maganda pakinggan ‘yan, Ms. Cathy!” Sabay pa kaming natawa. “Cathy.” Sabay kaming napalingon ni Ms. Cathy sa tumawag sa kanya. Ewan ko kay Ms. Cathy, pero ako, may kasabay na pagtahip ng dibdib ang reaksyon ko. Dahil kilalang-kilala ko ang boses na iyon. “Boss.” Hindi nakatakas sa paningin ko ang mabilis na pagsulyap ng tingin sa akin ni Brandon. Natatandaan kaya niya ako? Malamang! CEO ‘yan kaya dapat natatandaan niya lahat ng dumadaan sa kanyang mga papeles at mga pinag-usapan nila ng mga taong nakakasalamuha niya. Sabagay, mas mabuti na nga sigurong matandaan niya ako, para tanggihan niya ako at humingi siya uli ng kapalit ko sa HR. “What is she doing here?” tanong pa niya. Perfect! Mukhang naalala nga niya ako. Sunod na niyang sasabihin na ayaw niya sa akin. “Ah, boss… si Stella. Kapag wala ako siya na muna ang uupo dito sa labas. Pati itinerary mo for the day, sa kanya ko muna ipagbibilin,” sagot ni Ms. Cathy. Muli akong sinipat ng tingin ni Brandon. Hindi ko makaya siyang tingnan, kaya nag-iwas ako ng tingin. “Siya na ba agad? Hindi man lang tayo pinapili ng HR?” tila inis na tanong uli ni Brandon. Bumangon ang inis sa dibdib ko. Bakit? Sa tingin ba niya ako, may choice rin ba ako? Huwag nga siyang maarte. Mabuti nga at pagtitiyagaan ko ang kasungitan niya! Sa halip tuloy na ayoko nang tumuloy bilang reliever ni Ms. Cathy, parang gusto ko na para magagawa kong inisin ang CEO na ito kapag ako ang nakatoka dito. “Not sure, boss. Pero siya na iyong in-endorse sa akin kanina Joyce.” Tumango si Brandon. “Okay. Nandiyan na ’yan, eh. Turuan mo na lang,” tapos ay tumingin siya sa akin, “ang kailangan natin dito eh iyong mabilis ang pick-up at saka hindi pasaway.” Pinigilan kong umigkas ang isang kilay ko sa patama niya sa akin. Pasalamat siya at ayaw ko nang ulitin ang subject na ito. Bigla namang bumukas ang pintuan ng opisina ni Brandon, at saka iniluwa nun si Kimberly Bernal. Nanlaki ang mga mata ko pagkakita ko sa kanya na nanggaling sa loob. Hindi ba at siya ang endorser ng Verizon Communications? So, totoo ba ang bali-balita na may relasyon sila ni Brandon? Inaayos-ayos muna nito ang kulay pula niyang damit na hakab na hakab sa katawan niya. Bahagya niyang inikot iyon na para bang nawala iyon sa ayos. “Let’s go, babe?” maarteng sabi niya kay Brandon, tapos ay kumapit nang kusa ang isang kamay niya sa braso ni Brandon. “Yes. May ipinagbibilin lang ako kay Cathy at saka dito sa magiging reliever niya kapag magli-leave siya.” Namilog ang mga mata ni Kimberly, at saka malapad na ngumiti. “Ay, oo nga pala.. mag-aasikaso ka na ng kasal mo, Cathy… ang saya siguro ano? Ako kaya, kailan ko kaya ma-experience ang pakiramdam ng nag-aasikaso ng kasal, babe?” “Hindi ko na sasagutin iyan. Dahil alam mo ang sagot ko sa tanong mo na ‘yan,” seryosong sabi ni Brandon sa babae. Nagtaka naman ako sa sagot ni Brandon. Hindi ko man naiintindihan, pero parang may hindi tama. Napansin kong bahagyang sumimangot si Kimberly, pero agad din niyang binawi sa pagngiti. “Tara na, babe. Nagrereklamo na talaga ang tiyan ko. Ginutom mo kasi ako,” maarte na namang sabi niya. Bahagyang tumaas ang isang kilay ni Brandon habang nakatingin sa mukha ni Kimberly. Pero saglit lang iyon dahil humakbang na siya kaya sumunod na sa kanya si Kimberly na nakakapit pa rin sa braso niya. Pero hindi pa sila lubusang nakakalayo nang huminto sila, tapos ay lumingon si Brandon sa gawi namin ni Ms. Cathy. Saglit na nagtama ang mga mata namin ni Brandon sa paglingon niya na ’yun. Agad namang tumahip ang dibdib ko. “Ah, Cathy… hindi na ako babalik dito. Bahala ka na,” bilin niya kay Ms. Cathy, pero sinulyapan din niya ako pagkatapos ka Ms. Cathy. “Yes, boss,” sagot naman ni Ms. Cathy, na tila may lihim silang pagkakaintindihan ni Brandon sa sagot niya na iyon. Muli nang naglakad si Brandon at Kimberly papunta sa elevator. Narinig ko ang boses ni Ms. Cathy na mukhang may itinuturo na uli sa akin, pero ang atensyon ko ay nandoon pa rin sa dalawang pareha sa harap ng elevator. Ang ulo ni Kimberly ay nakasandal sa braso ni Brandon. Dahil matangkad si Brandon kaya hindi abot sa balkat ng lalaki ang ulo ni Kimberly. Nakayuko naman sa mukha niya si Brandon. Hindi ko matukoy kung nakatingin lang siya sa mukha ni Kimberly, o may sinasabi lang siya rito, o hinahalikan ang harot na babaeng ‘yun. At sa harap pa talaga ng elevator! Hmp! Hindi sana kayo matunawan sa kakainin n’yo! ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD