NAGISING kinabukasan na masakit ang ulo ni Kieran. At alam niyang dahil iyon sa nainom niyang alak. Nang sandali siyang pumikit at alalahanin kung paano siyang nakarating sa kama, gayong halos hindi na niya kinayang makatayo kagabi dahil sa kalasingan ay kaagad nagsibalikan sa kaniyang gunita ang mga pinagsasabi niya sa kaniyang Lolo Aurelio. Bigla siyang napabangon para mapaupo. Inamin niya sa kaniyang Lolo Aurelio ang tungkol kay Maria. Ang babaeng gusto niyang pakasalan. At halos maglumuhod siya rito kagabi. Napalunok siya. Pagkatapos niyon, wala na siyang maalala pa kung ano na ang sunod na nangyari. Napatingin pa siya sa may pinto ng kaniyang silid nang bumukas iyon. Pumasok si Bert. Mayroon itong dalang tray. Mayroong mangkok na laman na siguradong mainit na sabaw ang laman. An

