HALOS ITABON ni Ahtisa sa kaniyang pagmumukha ang suot na salakot sa ulo nang pumasok siyang muli sa trabaho sa ubasan, kinabukasan. Hindi naman niya magawang iwan ang trabahong iyon dahil mas nalilibang siya roon kaysa sa Casa Mariana.
Kung hindi pa nga siya gigisingin kanina ni Ayrah, tiyak na hindi siya magigising kaagad dahil sa p*******t ng kaniyang katawan at sa puyat dahil sa lalaking estranghero na hinalikan na lang niya basta kahapon.
Ang lalaking mahilig mangupit ng ubas sa ubasan.
Napapailing na naman si Ahtisa nang maalala ang lalaking iyon.
Pero hindi niya maitatanggi na nuknukan ng guwapo ang lalaking iyon.
Napatulala pa si Ahtisa sa ubas na dapat ay kaniyang pipitasin.
“Maria!”
Napakislot si Ahtisa nang marinig ang pagtawag sa kaniya. Nalingunan niya si Chloe.
“Bakit tinititigan mo lang ‘yang ubas? Kumilos ka. Baka makita ka pa ng mataray na bantay rito. Malilintikan ka. Kahit maganda ka, ‘di ka oobra doon.”
Napalunok si Ahtisa. “Pasensiya na,” hingi niya ng paumanhin bago nagpatuloy na sa kaniyang ginagawa.
Nang magkaroon sila ng breaktime, hindi nangahas si Ahtisa na mag-uli pa. Naupo na lang siya sa tabi ng basket na siyang pinaglalagyan niya ng ubas at doon ay uminom ng tubig na dala niya.
Mamaya na siya magsasalin ng tubig sa lunch break. Mayroon naman doong libreng malamig na tubig.
Magkaiba ang napuntahan nilang area ni Ayrah kaya hindi rin niya ito matatanaw kung sakali. Napakalayo nila sa isa’t isa.
Napasulyap si Ahtisa sa basket na maraming ubas at sa harapan niya na nagsabit pa rin ang mga ubas.
Tempting ang mga ubas. Pero hindi siya nangangahas tikman ang mga iyon. Baka bigla pa siyang mahuli.
Pumasok na naman sa isip niya ang lalaking iyon.
“Ahtisa,” saway pa niya sa kaniyang sarili na may pagpilig pa sa kaniyang ulo.
Pasok sa puwedeng maging ama ng magiging anak niya ang lalaking iyon. Pero sinampal naman siya nito nang malutong na hindi raw siya nito type. Seryoso ba ito sa sinabi nito?
Siya?
Hindi nito type?
Bulag ba ito, o malabo na ang mga mata? Hindi ba nito nakikita na isa siyang biyaya ng Diyos sa mga kalalakihan?
Baka kapag nakita nito ang alindog niya, makalimutan nito kung sino ito.
“Tss. Hindi type my ass,” bulong pa niya.
Abala si Ahtisa sa pamimitas ng ubas nang mayroon siyang makita sa kaniyang peripheral vision na bulto ng katawan sa may bandang gilid niya na hindi niya pinagtuunan ng pansin. Nagpatuloy siya sa kaniyang ginagawa.
Bawal din doong makipagtsismisan kaya akala mo ay mayroon silang sariling mundo habang namimitas ng mga ubas.
Pasalamat talaga ang ubasan na iyon dahil kahit paano, nag-e-enjoy pa siya sa kaniyang ginagawang pamimitas.
“Pahawak nitong ubas,” anang isang tinig ng lalaki.
Napatingin pa si Ahtisa sa ubas na inilahad sa kaniyang tabi. Kaya natitiyak niya na sa kaniya iyon pinahahawak.
Wala sa sariling tinanggap niya iyon.
Nang hawak na niya ang mga ubas sa kaniyang mga palad ay nadagdagan pa iyon.
“Tikman mo kung matamis.”
Bago pa makakontra si Ahtisa ay isinubo na iyon ng lalaki sa kaniyang bibig.
Sandali nga, bakit pamilyar ang boses na iyon?
Akmang titingala siya upang makita ang pagmumukha ng lalaking iyon nang bigla siya niyong hawakan sa magkabila niyang balikat at pihitin paharap sa may bandang likuran niya.
Saktong mayroong papalapit na nag-i-inspeksiyon sa ubasan.
“Boss, paano ba ‘to? Tumitikim ng ubas dito sa ubasan?” sumbong pa ng lalaking nasa may likuran niya.
Naibuga bigla ni Ahtisa ang ubas na nasa kaniyang bibig.
“H-hoy! Hindi, ah!” mabilis niyang kontra.
“Ano’ng hindi? Kitang-kita na may ubas kang ibinuga galing sa bibig mo.”
Inis na kumuwala si Ahtisa sa lalaking may hawak sa kaniyang balikat at siyang may pakana ng lahat. Kung nakamamatay lang ang tingin ay tiyak na bumulagta na iyon sa lupa nang harapin niya.
“Ikaw—”
Hindi naituloy ni Ahtisa ang kaniyang sasabihin nang makita ang mukhang iyon ng lalaki.
Sandali siyang natigilan.
Ang lalaking iyon ay walang iba kung ‘di ang ninakawan niya ng halik kahapon.
“Ano’t namamapak ka ng ubas dito?!” galit na tanong ng inspector na lumapit sa kanila.
Napatingin doon si Ahtisa. “H-hindi ho ‘yon totoo.”
“Ano’ng tingin mo sa akin? Bulag? May idinura kang ubas galing sa bibig mo. Kuuu,” gigil pa niyong wika. “Ano’ng silbi niyang kaputian at kagandahan mo kung patay-gutom ka naman?”
Patay-gutom?
Sobra naman ang sinabi ng matandang ito. Baka sampalin niya ito ng beef steak na mayroong kasamang gold!
Naiinis man, sinikap pa rin ni Ahtisa na huwag magpadala sa kaniyang emosyon.
“Ano’ng parusa ang puwedeng ibigay sa kaniya para hindi tularan?”
Napakurap-kurap pa si Ahtisa nang marinig na naman ang boses ng lalaking iyon.
Gumaganti ba ito sa ginawa niya ritong pagnakaw ng halik kahapon?
Pero grabe naman kung gumaganti nga ito. Halos yurakan ng matandang babae ang kaniyang pagkatao.
Aaah! sigaw ni Ahtisa sa kaniyang isipan.
Humanda talaga ang lalaking ito sa kaniya. Ang sarap lang pasakan ng maraming-maraming ubas ang bibig para manahimik. Talagang idiniin siya sa kasalanang hindi naman niya ginawa.
Siya naman ngayon ang gusto nitong mapagbintangan na mandurugas ng ubas.
Mabilis niyang ipinatong sa basket ang mga ubas na hawak niya. “Ma’am, hindi po totoo ang sinasabi niya. Maniwala kayo sa akin,” pagmamakaawa niya.
“Para magtino ka, magbilang ka ng mga ubas sa kamalig.”
Kamalig?
Ano ‘yon?
“Sandali lang po,” pigil ni Ahtisa sa pag-alis niyon. Pero nagpatuloy lang iyon sa paglalakad palayo.
“Narinig mo? Magbilang ka raw ng ubas sa kamalig.”
Mariing ipinikit ni Ahtisa ang kaniyang mga mata at tatlong beses ding huminga nang malalim upang alisin ang inis sa lalaki.
Marahas ang ginawa niyang pag-alis sa kaniyang ulo ng suot niyang salakot at halos maningkit ang mga mata nang pumihit siya paharap muli sa lalaki. Buong talim pa niya itong tiningnan.
“Tingin mo ba, nakakatuwa ang ginawa mo? Pagbibilangin ako ng ubas dahil sa lakas ng trip mo sa buhay!” impit niyang wika sa gigil na paraan.
Pero ang lalaki, para bang hindi natitinag sa panggagalaiti niya rito.
“Naririnig mo ba ‘yong sinasabi ko?” asik niya rito. “‘Wag mong sabihin na binangungot ka kagabi kaya gumaganti ka ngayon? Huh! Bakit ba nagising ka pa?”
“Tapos ka na?” balewalang tanong ng lalaki na seryoso lamang ang guwapong mukha. May itinuro pa ito. “‘Yong natatanaw mong may bubong, ‘yon ang malaking kamalig dito sa ubasan. Puntahan mo na at magsimula ka ng magbilang ng mga ubas doon,” anang lalaki na nilampasan na siya na para bang wala itong ginawang kasalanan sa kaniya.
Napaawang naman ang mga labi ni Ahtisa dahil sa ginawa niyon.
Lalong nagsalimbayan ang inis niya para sa lalaking iyon.
Humanda talaga ito sa kaniya.
Magsisisi ito na pinag-trip-an siya nito sa araw na iyon.
Akala ba nito, hindi siya gaganti? Puwes, maghintay lang ito.