"SIYA ang..." "A-ang Pambihirang Sero!" sambit bigla ng isa sa mga nanonood. Doon nga'y biglang may nakaalala sa isang binatang may kasamang batang babaeng may gintong buhok na minsa'y makikitang naglalakad sa siyudad ng Cleyanero. Sila ay ang dalawang Sero. Napangisi naman nang bahagya si Hikin nang marinig ang bulung-bulungan sa paligid. Nagpapakita na si Mars ng isang kapana-panabik na laban, at ito'y nasasaksihan na ng marami. Samantala, sa itaas naman ng entabladong kinalalagyan ng mga Maharlika, bigla namang nagulat si Prinsipe Alpiro sa nakita. "A-ama, asul na apoy iyon?" biglang tanong nito. "Tama ka... Ang asul na apoy. Pangalawa sa pinakamalakas na apoy. Ito ang kulay na pumapangalawa... Pangalawa sa maalamat na gintong apoy," seryosong sagot naman ng hari.

