WALANG pagsidlan ang galak sa puso ko sa loob ng isang linggong inilagi namin ni Reagan sa bahay na iyon. Nakilala ko si Aling Cristy na siyang mayordoma raw namin at kasalukuyang nangangalaga sa bahay namin kasama ang apo nitong babae na dose anyos. May kuwarto ang mga ito sa ibabang bahagi ng bahay. Napag-alaman ko na silang dalawa na lang ang magkasama sa buhay kaya dito na lamang ito pinatira ni Reagan. Magiliw din ako sa apo nitong si Agnes dahil masipag ito at sanay sa hirap. Naalala ko tuloy bigla ang kapatid kong si Nene sa kanya. Nakikita ko kay Agnes ang mga trabahong ginagawa ni Nene na sa murang edad ay marunong na nang mga gawaing bahay. Mabait ang mag-lola. Si Aling Cristy ay parang si Manang Tess sa akin. Mabait ito at masarap magluto kaya naman madali ko rin siyang nakapa

