ALAS-SINGKO ng hapon nakalabas ng opisina si Janna dahil hinintay niya si Jin na may meeting sa production staff. Kung hindi pa niya tinawagan si Jin at nagpaalam ay baka abutin siya ng gabi roon. Hindi naman kasi ito sumagot sa text niya. Nasa rooftop parking lot na siya nang lumabas din si Jin bitbit ang handbag nito. Siya ang nagdala ng laptop nito at ibang papeles. “Bakit narito ka pa?” tanong nito, nagsasalubong ang mga kilay. “Sabi mo kasi hintayin kita rito,” nakasimangot niyang sagot. Nakasandal lang siya sa harapan ng kotse. “I said, wait mo ako sa bahay.” Iiling-iling ito. “Wala akong narinig na bahay.” “God! Kung hindi pala ako lalabas dito hanggang gabi, maghihintay ka rito?” may iritasyong sabi nito. “Hindi, no! Wala kang sagot sa text ko. Malay ko ba kung ano ang plano