BUO na ang desisyon ni Janna na bumalik sa bahay nila. Hindi na siya umasa na pipigilan siya ni Jin, ni hindi siya nito kinakausap matapos nilang magkasagutan sa ospital. Lalong naghirap ang kaniyang damdamin nang mapagtanto na anak lang talaga ang mahalaga kay Jin. At ngayong tapos na ang tungkulin nito sa kaniya at natupad ang pangako sa papa niya, wala na siyang silbi rito. Dalawang linggo na ang nakalipas magmula noong umalis siya sa bahay ni Jin. Umalis siya na wala itong sinabi, hinayaan siyang mag-empake. Mabigat sa loob niya na iwan ito pero mas mahirap na manatili siyang ganoon ang sitwasyon na isusumbat pa rin sa kaniya ni Jin ang pagkawala ng anak nila. Nagpapagaling na ang papa niya sa bahay, ganoon din siya. Nanghihina pa rin siya pero hindi siya maaring magpadaig sa lungko