NAKATULOG si Janna sa kuwarto at gabi nang muli siyang magising. Ayaw pa sana niyang bumangon pero kinulit siya ni Aster. “Kakain na, friend. Naghihintay na si Jin,” sabi nito habang hinihila ang kanang kamay niya. Napilitan na siyang bumangon. Kahit walang air-con ay malamig na roon. Ang sarap itulog ng klima. Mabuti na lang may water heater sa banyo at nakaligo siya. Mabilisang ligo ang ginawa niya dahil ayaw siyang tantanan ni Aster. Nagsuot siya ng sweater dahil nanunoot ang ginaw sa kaniyang balat. Pagdating sa dining ay maligamgam naman ang klima. Mayroon palang heater doon. Manipis na puting kamiseta lang ang suot ni Jin at pajama. Si Aster ay ternong pajamas din pero makapal at long sleeve. “Ang ginaw lalo habang palalim ang gabi,” sabi niya nang makaupo sa silya katapat ni Jin