Chapter 14

2039 Words
THERESA Daig pa namin ni Blake ang nag-aapoy na bulkan ang mga katawan, na sa tuwing madidikit sa bawat isa ay naglalagablab agad. Nakakapagod at masakit ang katawan ko, pero nag-eenjoy naman ako. Siguro ay nadadala na ako sa panunukso ng lalaking kasama ko, kaya kapag hinihimas at inaakit niya ako ay bumibigay agad ako. Dahil napagkasunduan namin ni Blake na mamasyal ngayong gabi, kaya imbes na motor niya ang gagamitin sana namin ay ang sasakyan ko na lang. Malamig kasi, tapos umaambon kanina bago kami umalis at ayaw naming mabasa ng ulan kung lalabas kami. For the first time, hinayaan kong ipagmaneho ako ng isang lalaki, dahil hindi pumayag si Blake na ako ang magmaneho habang kasama ko siya. Sa park kami humantong at tama nga si Po1 Cadag, maganda nga rito dahil nasa mataas na lugar, tapos nakikita ang buong bayan at ang nagki-kislapan na mga ilaw. Nakatayo ako sa tapat ng railing kung saan nasa ilalim ng waiting shed na ginawa para sa mga namamasyal dito sa gabi. May upuan na gawa sa semento at may masisilungan na bubong, kaya kahit bahagyang umuulan ay hindi kami nababasa. Mahangin rin at malamig ang weather. Sumandal ako sa balikat ni Blake na nakatayo sa likuran ko at nakayakap ang mga braso sa bewang at katawan ko habang tulad ko ay pinagmamasdan namin ang buong bayan. I didn't expect na mag-e-enjoy ako sa liblib na bayan na ito. Napunta na ako sa iba't ibang lugar, pero dito lang ako nakaramdam ng katahimikan. Para bang may kakaiba sa lugar na ito. Hindi ko maipaliwanag, pero nakaramdam ako ng kaunting kirot sa dibdib ko, dahil alam kong hindi ako p'wedeng magtagal dito. "Ang lalim naman yata n'yan," mahinang sabi ni Blake ng marinig niyang nagpakawala ako ng isang malalim na buntong-hininga. "May problema ba, Lara?" Umiling lang ako at hindi sumagot. Gusto kong manatili dito at damhin ang katahimikan sa lugar na ito. I never had a peaceful night in my entire life, simula ng mangyari ang aksidente at malagim na trahedya sa pamilya ko. Ngayon ko lang ulit naranasan ito at sa lugar na ito. Sa apat na gabing narito ako, nagagawa kong matulog magdamag na hindi nagigising at binabangungot sa gabi. Maghapon rin na nakakaya kong manatili sa bahay ni Blake na walang ibang iniisip at nakatulog ng maayos sa araw. Ayaw kong masanay, dahil alam kong pansamantala lang ang lahat at hindi magtatagal, kailangan kong umalis at kapag natapos na ang misyon ko ay hindi na ako p'wedeng makita pa ni Blake. Walang namagitang usapan sa amin ni Blake. Basta nakatayo lang ako at yakap niya, habang pinagmamasdan ang buong lugar. Gusto kong namnamin ang katahimikan sa paligid ko, na ngayon ko lang naranasan at hindi gaya sa Maynila na kahit saan ako magpunta ay laging pinapaalala sa akin ang nakaraan ko. "Tara na, umuwi na tayo, Blake," mahinang sabi ko sa lalaking kasama ko at tahimik na nakayakap pa rin sa akin para samahan ako. "Pagod ka na ba?" tanong ni Blake, pero umiling ako. Sanay akong nakatayo kahit magdamag pa. Kasama ito sa naging training ko noon para palakasin ang stamina ko, habang nasa gitna ng ulan sa gubat. Marami akong pinagdaanan bago naging top agent at assasin ng organisasyong kinabibilangan ko. Fully trained ako sa tubig, sa gubat, maging sa mga combat training at pati na rin sa dagat for survival. Intense ang naging training ko with Lord Sebastian sa Bangladesh, lalo na ng napunta ako sa Iran for final test. Doon nasubok ang tatag ng sikmura ko, hindi lang bilang assassin kung 'di bilang babae. "Okay lang kung gusto mo ng umuwi," sabi ni Blake na pumukaw sa malalim kong pag-iisip. "Malamig na kasi Blake. Isa pa, hating-gabi na rin," mahinang sagot ko, dahil mas malakas ngayon ang ihip ng hangin at mukhang hindi magtatagal ay uulan na naman. "Sige, pwede naman tayong bumalik dito sa ibang araw," sagot ni Blake na lumuwag ang pagkaka-yakap sa akin at ginagap ang kamay ko. Sabay kaming naglakad papunta sa nakaparadang sasakyan ko. Si Blake na rin ang nagmaneho pabalik sa bahay niya at nasa passenger seat naman ako. Mabuti na lang at nakauwi na kami ng biglang lumakas ang ihip ng hangin at bumagsak ang malakas na ulan. Nanood na lang kami ng pang-gabing balita. Pareho kaming hindi pa dalawin ng antok, kasi halos hindi na kami bumangon ni Blake maghapon sa ibabaw ng kama at natulog. "Lara, taga saan ang pamilya mo?" bigla ay tanong ni Blake sa tabi ko, dahilan para matigilan ako. "Bakit?" pormal at seryosong tanong ko. "Gusto ko lang malaman. Wala kasi akong kahit anong alam tungkol sa iyo, maging sa pamilya mo," paliwanag ni Blake. Nag-iwas ako ng tingin at hinatak ko ang kanang kamay kong hawak ni Blake, na nakapatong sa ibabaw ng hita niya. Kanina pa niya marahang hinahagod at hinahaplos, gamit ang hinlalaking daliri ang likod ng palad ko. Naghahatid ito sa akin ng kakaibang pakiramdam at tila ba may libo-libong boltahe ang nanunuot sa bawat himaymay ng ugat ko at bumibilis ang tîbok ng puso ko. Hindi ko kayang sabihin kay Blake ang buong pagkatao ko, lalo na ang tungkol sa nangyari sa pamilya ko. Kahit minsan, hindi ko sinabi kahit kanino ang karumal-dumal na sinapit nila at hindi excepted si Blake doon. "Ulila na ako, wala na akong pamilya, pero huwag mo ng tanungin kung bakit. Hindi ko kayang pag-usapan ang tungkol doon." Tanging maikling 'okay' lang ang narinig ko mula kay Blake. Hindi na siya nag-tanong tungkol sa personal kong buhay, kaya nauwi ako sa malalim na pag-iisip. Pumikit na lang ako at sumandal sa sofa. Hinayaan kong tahimik na nanonood ng balita si Blake at hindi na kinausap pa. Bigla ay nakaramdam ako ng pamilyar na kudlit sa puso ko at kalungkutan ng maalala ko, kung paano nasunog ng buhay ang buong pamilya ko at tanging ako lamang ang nakaligtas. Simula ng nangyari iyon, naging miserable ang buhay ko sa kamay ng mag-asawang kumupkop sa akin. Pinili ko ang magpaalam kay Blake na matutulog na. Gusto kong kalimutan ang lahat pansamantala at muling mag-pokus muna sa misyon ko. Nagpaalam akong gagamit ng banyo, dala ang cellphone ko at tiningnan ko ang tracker na nakakabit sa katawan ni Mayor Rosales. Siya ang main reason, kaya ako narito sa Zambales. Hindi ako dapat mawala sa pokus. Tanging si Mayor Rosales ang dapat na priority ko at isasantabi ko muna ang mga personal issue ko. Base sa nabasa kong mga balita ngayong araw online, may lumabas na arrest warrant para kay Mayor Rosales, pero nagtatago na ito at walang nakakaalam kung nasaan ngayon. Napangiti ako, gamit ang fake account, nag-send ako ng email sa mga local tv station dito sa Zambales, maging sa national channel na alam ko, kung saan nagtatago ngayon si Mayor Rosales. Siguradong magkukumahog sa pinagtataguan niya ang demonyong si Mayor Rosales, kapag nalaman niya ang balitang lalabas bukas. Nakahiga na si Blake sa kama ng pumasok ako sa silid niya at tumabi sa kanya. "Masama ba ang pakiramdam mo, Lara?" malambing na tanong ng kasama ko na sinagot ko ng mahinang iling. "Ang tamlay mo kasi." Yumakap sa bewang ni Blake ang braso ko at sumiksik ang mukha ko sa dibdib niya. "Minsan kasi, gusto kong tahimik lang, mas nag-eenjoy ako, kasi may peace of mind ako, malayo sa trabaho ko." Sincere ako sa sinabi ko. Totoo iyon, dahil gano'n talaga ang nararamdaman ko. "Kung sabagay, grabe rin ang pressure sa trabaho mo. Pwede kang pumunta dito, anytime na gusto mong magpahinga at magbakasyon, Lara." Lihim na napangiti ako. Tama si Blake, risky nga ang trabaho ko at wala siyang ideya tungkol dito. Baka nga kapag nalaman niya kung sino ako at hindi naman totoong abogado ay baka ikulong niya agad ako. Masarap ang naging tulog ko magdamag at tanghali na nagising. Naging payapa ang tulog ko at hinayaan naman ako ni Blake. Hindi pa rin siya pumasok sa trabaho ngayong araw at sinamahan akong pumunta sa bukirin ng isa sa mga kakilala niya sa kabilang barangay, para manguha ng buko. Tuwang-tuwa ako, ang dami kong nainom na buko juice. Ang bigat tuloy ng tiyan ko dahil talagang sinulit ko ang pagpunta namin sa bundok. Sumakay lang kami ng motor ni Blake, bagay na na-enjoy ko talaga, dahil minsan lang ako manatili dito sa probinsya. Pabalik na kami sa bahay ni Mang Gener na siyang may-ari ng bukirin at niyugan ng may nakita akong puno. Tuwang-tuwa ako ng may nadaanan kaming puno ng bayabas. Ang daming bunga, kaya kinalabit ko si Blake at sinabi kong manguha kami. Mahilig talaga ako sa prutas. Isa ito sa dahilan kaya maganda ang balat at katawan ko. Maraming benefits ang bayabas, lalo na at native at walang preservative. Fresh from the tree at hindi gaya sa mga nabibili sa grocery store sa Maynila. "Blake, tingnan mo, mas malalaki doon sa taas, oh!' Malakas na turo ko, habang pareho kaming nakatingala sa puno. "Sandali, aakyat ako, para makuha natin," sagot agad ni Blake. Wala na ang kasama namin, kaya kami na lang dalawa ni Blake ang manguha ng bayabas. Pabalik na sana kami sa bahay ni Mang Gener, pero dahil nakita kong maraming bunga ang puno ay pareho kaming huminto muna ng kasama ko. Ang sabi ni Mang Gener, pupuntahan daw niya ang nakataling kabayo, para ipastol sa ibang lugar. Dahil alam naman pala ni Blake ang pasikot-sikot dito sa bukid, kaya pumayag na siyang maiwan kami at sinabing sa bahay na lang niya kami magkikita. Para kaming mga batang nangunguha ng bayabas ni Blake. Umakyat siya sa taas ng puno at naiwan ako dito sa baba na nagtuturo sa nakikita kong bunga para kunin niya. Out of excitement, tumapak ako sa naka-usling bato at inabot ko ang sanga. Mahigpit na hawak ko ito at nangunyapit para makakuha rin ng bunga. May nakuha naman ako, bago nabali ang sanga at sumalampak ang p'wet ko sa basa at maputik na lupa. Napatalon si Blake mula sa taas ng puno ng makita ang nangyari sa akin. "Okay ka lang ba, Lara?" tanong agad nito nang makalapit at akmang tutulungan akong makatayo. "Oo," natatawang sagot ko. Sa buong buhay ko, hindi ko naranasan ang ganito, kaya talagang nag-e-enjoy ako. Imbes tumayo, hinatak ko ang kamay ni Blake at bumagsak sa ibabaw ko, sabay gulong, kaya dalawa kaming bumagsak sa putikan. Daig pa namin ang mga batang pinakawalan ng mga magulang. Tawang-tawa ako ng makita kong madungis si Blake at ako rin naman. Dahil nasa gilid ng ilang kwadradong palayan ang puno ng bayabas, pareho kaming bumagsak sa malambot at bagong tanim na palay. Panay ang tawa ko habang hindi maipinta ang mukha ng kasama ko. "Sir, bakit nandyan kayo sa uma? Anong nangyari sa inyo? Nadulas po ba kayo?" magkasunod na tanong ni Mang Gener, na agad lumapit sa amin, habang pareho kaming nakalubog ni Blake ang katawan sa malambot na putik sa taniman ng palay. "Nanguna po kami ng bayabas, tatang," naka-ngising sagot ko, habang nakasalampak ang buong katawan sa palayan. "Ah, nahulog po kayo," sabi ni Mang Gener na gumawa ng sariling conclusion. Lalo akong napa-ngisi ng makita kong madungis na tumayo si Blake. Napa-iling pa ito ng makita ang itsura ko. Para kaming mga humihingang rebulto, dahil puro putik mula sa mukha at buhok, maging ang katawan naming nalubog sa putikan dito sa palayan. "Sir, mabuti pa po ay maligo agad kayo at dito na kayo mag-hapunan sa amin," sabi sa amin ni Mang Gener na kakilala ni Blake. "Nakakahiya naman po, Tatang Gener. Naabala na namin kayo," nahihiyang sabi ko, dahil ilang oras na namin siyang kasama sa niyugan. "Paano tayo uuwi sa bahay, kung ganito ang itsura natin at hindi maliligo? Baka kapag may nakasalubong tayo mamaya sa daan kapag madilim na ay tumakbo sa takot," sagot ni Blake na pinalis ang makapal na putik sa mukha. "Ang pilya mo, Lara. Nabasa at narumihan ka tuloy, tapos wala tayong dalang extrang damit mo," mahinang sabi ni Blake habang maingat na inalalayan akong tumayo. "Minsan lang 'to, kaya huwag kang kìll joy, Blake," natatawang sagot ko at bumaling sa matandang kasama namin na, napabuntong-hininga na lang ng makita ang madungis na itsura naming dalawa ni Blake.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD