CHAPTER 11

1953 Words
Kung magkaka-stiff neck siya bukas, kasalanan ng lalaking katabi niya ngayon sa magarang kotse. Paano’y panay ang sulyap niya rito. Nagtataka kasi siya dahil simula pinasakay siya sa sasakyan nito ay hindi na ito nagsalita. Napapanis na ang kanyang laway. “Ehem…” Tumikhim siya. Hindi na siya nakatiis. Mag-i-initiate na siya ng conversation, ng kahit anong topic. “Don’t say anything,” subalit ay mabilis na pigil sa kaniya ng binata. Ang sasabihin niya ay nilunok nga niya. Ay, ambot! Sa kaniyang inis ay pinigilan na niya ang kaniyang leeg. Hindi na talaga niya nilinga o sinulyapan si Reedz. Nilibang na lamang niya ang kaniyang sarili sa pagtanaw sa kanilang nadadaanan. Buti na lang at nasa bandang Makati na sila; maganda sa mata ang mga nagtataasang mga building at ibang mga establisyemento. Naisip niya na mas maganda ang music habang nagmumuni siya. Tiningnan niya ang stereo ng magarang sasakyan, at may pipindutin sana siya. “Don’t touch that,” subalit ay pigil na naman sa kaniya ni Reedz. Inirapan niya ito. Ang damot talaga! Namumula na ang mukha niya sa inis na ibinalik ang tingin niya sa labas ng bintana. Diyos ko, bakit ba naging ganito kakumplikado ang buhay ko? Ang hirap magtimpi po! Kumalma rin naman siya agad. Nag-speculate. Naisip niyang marahil ang ikinikilos ni Reedz ay dala pa rin ng pagiging heartbroken nito. At hindi niya ito masisisi na nadagdagan pa ang pagkabugnutin nito dahil katulad ni Miss Avy ay ni-reject din niya ito. Napalabi siya. Hindi rin naman niya gusto iyon. But come to think of it, hindi naman tama na pakakasal sila dahil lang sa hindi puwedeng mapahiya ito sa mga tao. Para sa kaniya, ang kasal ay sagrado. Ginagawa lamang iyon ng dalawang taong nagmamahalan. Sino’ng shunga ang magpapakasal sa lalaking ngayon lang nakilala tapos sobrang suplado at sungit pa? Kumikibot-kibot ang mga labi niyang nag-isip pa nang nag-isip. At hindi nagbago ang desisyon niya, never siyang papakasal kay Reedz Rovalez. Unless, ligawan siya nito muna at paibigin. Asa ka, Calynn! kantyaw sa kaniya ng sarili na kaniyang sinang-ayunan. Nga naman, asa siya na maglalaan ang oras ang lalaking ito para manligaw. Ang impatient nga sa mga simpleng bagay, sa panliligaw pa kaya? Hindi nagtagal ay tumigil ang sasakyan sa tapat na ng inuupahang apartment nina Calynn. Ayon nga’t nakita niya agad ang medyo tsismosang kapatid niya na nakasilip sa may bintana. Hindi malamang pumasok na sa school ang bruha. “Salamat po sa paghatid, Sir,” kiming paalam na niya kay Reedz. “Don't forget the family dinner tomorrow night,” paalala naman nito sa kaniya nang akma na siyang bababa. “Pero, Sir, sinabi ko na po ang sagot ko about sa—” “Wala akong pakialam kung ano’ng sagot mo. Basta maghanda ka bukas para sa family dinner. I will pick you up around seven o'clock,” subalit pamumutol na naman ni Reedz sa dapat ay kaniyang sasabihin. Napakunot na si Calynn. Isang malakas na alert sound ang parang narinig niyang tumunog sa tuktok ng kaniyang ulo. Alert sound na nagsasabing beware dahil isang malaking red flag talaga ang lalaking nasa harapan niya ngayon. Hindi tumatanggap ng desisyon ng ibang tao ang lalaki, tapos feeling entitled agad. Paano pa kaya kung naging misis na siya nito? Aangal pa rin sana siya pero dahil biglang may kumatok sa bintana ng kotse banda niya ay nagulantang siya. “Ate, okay ka lang?! Ate?!” Ang buka ng bibig ni Gela nang tingnan niya ito. Mamaya ay babatukan niya ito dahil muntik na siyang atakihin sa puso. “Sige po, Sir. Ingat po sa pag-uwi,” paalam na talaga niya’t hinawakan na ang door handle. Ang hindi niya inasahan ay bababa rin si Reedz pati ang dalawang bodyguards nito na nakasunod pala ang kinasasakyan sa kanila. Napangiwi siya dahil biglang dami ng tao na nakiusyoso. Akala yata ng kapitbahay nila ay may naligaw na artista. Kung bakit ba naman kasi bumaba pa ang tipaklong. “Ate, okay ka lang? Wala silang ginawa na masama sa iyo?” usisa sa kaniya ni Gela. Makasuri sa kaniya ay parang nabawasan siya ng isang paa o kamay. “Ayos lang ako,” aniya sa kapatid na binawi ang kamay dahil kulang na lang pati daliri niya ay itsetsek nito at baka siyam na lang. “Um, Sir, may kailangan pa po kayo?” baling niya kay Reedz nang lapitan siya nito. “Saan kayo diyan nakatira?” tanong ng binata. Simple lang naman ang pagkakapamulsa nito, pero ang angas na ng dating nito. Nakakalaglag panty na maluwag ang garter. “Iyang unang pinto po.” “I see.” Tumango-tango si Reedz na pinasadahan ng tingin ang kabuuan ng labas ng apartment. Wala itong pakialam sa mga taong tinitigan ito’t kinukuhanan pa ng picture. “Um, Sir, hindi na po kita yayayain sa loob kasi magulo po,” pagpapaunawa niya kahit ang totoo ay ayaw niya talaga itong yayain. Nahihiya siya. Kung ikukumpara sa tinitirhan nitong penthouse sa five-star hotel, kung doon nga ito nakatira, baka ang halaga ng bahay nila ay kasing halaga ng basahan lang sa penthouse. “Oo, baka makaapak ka lang po sa loob ng bra at panty,” ang hindi niya inasahan ay isesegunda ni Gela. “Hoy!” nanlalaki ang mga matang saway niya rito. Pinalo niya pa ito sa braso. Bastos na bata, eh. “Alright, I'll go ahead then,” napilitang paalam na nga ni Reedz. Tumalikod na ito at walang lingon-lingon na pumasok sa kotse. Doon na ito sumakay sa likod dahil isa sa mga bodyguard na nito ang nagmaneho ng kotse. “Angas, dala-dalawa ang kotse dala-dalawa pa ang bodyguard,” bulalas ni Gela nang inihahatid nila sila ng tanaw. “Pero ayaw ko pa rin sa kaniya. Parang ang yabang talaga.” Binigyan ni Calynn ng masamang tingin ang kapatid. “Ay, bakit? Hindi ba?” pagrarason naman nito. “Calynn, manliligaw mo ba iyon o boyfriend mo? Ang guwapo, ah?” usisa ng isang kapitbahay nila sa kaniya. “Hindi po,” sagot niya. Hindi naman talaga. “Ay, sayang naman. Bagay na bagay pa naman kayo,” komento na rin ng isa. Nginitian lamang sila ni Calynn at hinila na niya ang kapatid papasok sa inuupuhan nilang unit ng apartment. “Grabe, hindi ako makahinga,” aniyang pasalampak ng upo sa kanilang maliit na sofa. “Bakit ano ba’ng nangyari sa pag-uusap niyo?” “Ayon, ang sabi pakakasalan talaga niya ako.” Nanlaki ang mga mata ni Gela. “Ano? Eh, ano’ng sabi mo?” Pailing-iling na sumagot siya. “Sabi ko ayoko.” “Aba’y mabuti naman. Sinasabi ko na sa iyo, Ate, hindi magandang asawa ang tulad ni Reedz Rovalez. Aapihin ka lang doon sa kanila. Kita mo naman iyong tatay niya, tingin palang mapanliit na sa tao.” “Oo na nga,” tamad niyang wika. Lalo pa siyang humilata sa mahabang sofa at animo’y masakit ang ulong hinilot-hilot ang kanyang noo. “Eh, bakit parang nanghihinayang ka?” akusa na naman sa kaniya ng kapatid. “Hindi, ah,” napamulagat niyang sabi. “Sure ka?” “Oo.” “Kahit guwapong lalaki at sobrang yaman ang tinanggihan mo ng kasal hindi ka nanghihinayang?” “Oo nga!” “Weh?” Dinampot niya ang throw pillow at ibinato niya rito. Ang kulit talaga, eh. PAGSAPIT NG GABI, hindi malaman ni Calynn kung ano ang gagawin maalis lang sana sa balintataw niya ang anyo ni Reedz Rovalez. Hindi tuloy siya makatulog sa kaiisip sa binata. At kung kanina wala talaga siyang nararamdamang panghihinayang na ni-reject niya ang proposal nito na kasal, ngayon parang nag-iba ang ihip ng hangin. Guwapo? Check. Mayaman? Check. Sikat? Check CEO? Check. Paanong nagawa niyang tanggihan ang lalaking kumpleto rekados sa mga pinapangarap niyang oppa? Gayong ang tagal na niyang pangarap na magkaroon ng dyowa na katulad nina Lee Dong-wook at Song Kang? Parang ang shunga pala yata niya. Kinuha niya ang unan at itinapik niya sa kaniyang mukha. Kulang na lang ay i-suffocate niya ang sarili nang matigok na siya dahil sa katangahang naging desisyon niya. Kung paanong naging mahimbing ang tulog niya kalaunan, iyon ang hindi na niya alam. Pagpasok naman niya sa Golden Pawn kinabukasan ay agad siyang pinagkaguluhan ng mga kasamahan. Dinagsa siya ng tanong at halos mapigtas ang daliri niya sa ginawa ng mga ito na pagtingin sa diamond ring na suot-suot niya. “Ano? Hindi mo tinanggap ang offer niya na kasal?” ngani-ngani ay sabunutan din siya ni Yeyet. “Hindi ko naman siya boyfriend, eh?” nakausli ang nguso niyang pagrarason. May ipini-print siyang resibo ng kauna-unahan nilang customer na nagpadala ng pera. “Kahit na. Sa guwapo ni Reedz Rovalez, kung ako ang inalok niya ng kasal, aba’y yes agad ako.” Medyo nailang pa si Calynn dahil napangiti sa kaniya ang customer. Nakikinig sa usapan nilang magkaibigan. Tipid din niya itong nginitian. “Alam mo bang napakadaming nakapila na babae na mapansin lang niya?” sabi pa ni Yeyet. “Bakit naman? Dahil mayaman?” “Isa na iyon doon, ang pagiging CEO niya. Pero syempre nangunguna ang dahil sa kakisigan niya. Alam mo bang ilan sa mga artista ay crush din siya? Pati mga sikat na vlogger.” “Ano ngayon?” “Gaga ka talaga. Sinayang mo ang napakalaking suwerte sa buhay mo. Isa pa ay alam mo bang anak din siya ng beteranang actress na si Gloria Gazzer-Rovalez? Aba’y sana all, magiging biyenan ang isang super star na Gloria Gazzer?” “Talaga ba?” Nanlaki ang mga mata niya. Paano’y kung hindi siya nagkakamali ay paboritong artista noon ng nanay niya si Gloria Gazzer. Wow! “Oo, kaso nga lang patay na siya. Sumalangit nawa ang kaniyang kaluluwa.” Tumingala sa taas si Yeyet at napaantada. Napangiwi naman si Calynn. Sayang nga. Sayang dahil may ipagmamalaki na sana siya sa nanay niya kapag may oras ulit siyang dalawin sa sementeryo. Malamang kapag ibabalita niya na mapapangasawa niya si Reedz na anak ng idol nito ay mapabangon pa iyon sa hukay. Pero huwag naman sana. Lol! “Aminin mo nanghihinayang ka na, ano?” may panunukso ang tinging daldal pa sa kaniya ni Yeyet. Lumabi siya. Hindi man niya lantarang inamin na nanghihinayang nga siya, na kagabi pa, ay alam niyang naunawaan na iyon ni Yeyet. “Bawiin mo kapag kinausap ka niya ulit.” Kinilig na nga ang bruha. Ibinigay at pinapirmahan niya muna sa customer ang resibo at hinintay na makaalis bago niya hinarap ulit ang kaibigan. “Hindi ba parang mali naman iyon? Ang magpakasal ako sa isang lalaking hindi ko kilala at hindi ko mahal?” “So, type mo nga siya? May atraksyon ka ring naramdaman?” “Syempre naman. Hindi naman ako bato para hindi kiligin sa kaniya. Ang bango-bango rin kaya niya.” “Ano’ng amoy?” “Amoy expensive. Kahit siguro umaga-gabi ko siya aamuyin ay hindi magsasawa ang mga nostril ko,” natawang sagot niya. Hawak-kamay na impit silang nagtilian ni Yeyet pagkuwan. Nagmistula silang luka-luka, pero dahil biglang labas ang manager nila sa maliit nitong opisina ay natigil din sila agad. “Kung may atraksyon kang nararamdaman sa kaniya sapat na iyon kasi katagalan ang atraksyon nagiging love din naman bandang huli. Kung ako sa iyo, besh, just let things happen. Uso naman sa mga mayayaman ang annulment, eh. Kapag hindi mag-work ang kasal niyo, for sure ia-annul ka rin naman niya,” patuloy ni Yeyet sa usapan nila nang dalawa na ulit sila. “Ah, bahala na,” sabi lang naman niya. Oo, bahala na mamaya kung totoo ngang susunduin siya ni Reedz para sa family dinner daw. Bahala na si Batman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD