TAPOS na ang dinner party sa malawak na pavilion, sa may Club House ng UHB Leisure Club. Muling inilibot ni Chrislynn ang tingin sa paligid. Nagbabakasakali na makita kahit anino ni Kirst. Pero hindi niya maramdaman ang presensiya nito roon. Simula nang ihatid siya nito kanina sa Yadoya Hotel ay hindi na niya ito nakita pa. Umalis na ba ito? Ipinilig niya ang ulo. Imposibleng umalis na ito. Hindi ito aalis ng hindi nagpapaalam sa kaniya. “Na-enjoy mo ba ‘yong foods?” nakangiti pang tanong sa kaniya ni Maryey. Nginitian niya ito bago tumango. “Sobra.” Lahat ng inihain sa kanila ay masasarap. Kaya maging ang tiyan niya ay hindi makahindi sa mga pagkaing inihahain sa kaniya ng mga waiter. Ganoon daw talaga sa Leisure Club. Once a month ay may gathering kung saan naroon ang lahat ng member