LORABEL Dalawang araw kaming nanatili dito sa isla ni Uncle Zarex. Ayaw ko pa sanang umuwi dahil nagustuhan ko talaga ang lugar na ito, pero kailangan na naming bumalik sa Maynila. Ang sarap manatili dito sa isla, lalo na sa umaga at sa hapon kapag palubog na ang sikat ng araw. Maganda ang tanawin, presko rin sa pakiramdam, kaya lagi akong antukin. Si Uncle Zarex naman, nagsu-surfing siya sa gabi kasama ang kaniyang tauhan. Magaling pala siyang lumangoy at mamingwit ng isda, kaya laging sariwa ang pagkain namin dito sa isla. Sagana rin sa seafood, bagay na ngayon ko lang naranasan dahil kahit noong buhay pa si Mama at buo pa ang pamilya ko, ay hindi ako nakapagbakasyon sa probinsya. Ayaw ni Papa na nagbabakasyon kami kung saan-saan dahil magastos daw at nagsasayang lang kami ng pera.