ISANG malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Atticus habang nakakrus ang dalawang kamay sa tapat ng dibdib. Kanina pa niya pinipilit ang sarili na matulog ngunit hindi niya magawa dahil sa asawa. Nagbuga siya ng hangin at muling idinilat ang mga mata. Nilingon niya sa inuupuan nito sa harap ng aquarium ang babae at nakita itong nakatalikod pa rin sa kaniya habang nakatitig sa aquarium. Mukhang kagaya kagabi ay hindi na naman ito matutulog at tutulala na lang sa harap niyon. Hindi niya matukoy kung ginagawa ba iyon ng babae dahil sa galit ito sa kaniya at ayaw siya nitong makatabi. Naiiling na bumangon siya at nilingon ang orasan sa ibabaw ng mesang katabi ng kama. Alas-dos na ng madaling araw. Nagdesisiyon siyang tumayo at walang ingay na lumabas ng silid. Nauuhaw siya at gusto ni