MATAMANG tinitigan ni Atticus ang dalawang pares ng kulay honey'ng mga mata ni Malina. Nakangiti ang dalaga pero nakikita niyang seryoso ito sa itinanong nito. Gusto niya sanang tanungin kung saan nito nalaman ang bagay na iyon—ang tungkol sa nakaraan niya—pero naalala niya ang isang pagkakamaling nagawa—ang tanggapin ang friend request nito. Tumikhim siya bago ibinaling sa malayo ang tingin. Inabala niya ang sarili sa pagtanaw sa mga paruparo na lumilipad sa mga bulaklak na nakahilera sa gilid ng daan. Inilapit lalo ni Malina ang mukha sa kaniya at ngumuso ito. "Sinagot ko ang mga tanong mo. Bakit ayaw mong sagutin ang akin?" Bahagya niyang inilayo ang mukha nang sa paglingon niya ay bumungad sa kaniya ang mukha ng dalaga. Halos isang dangkal na lamang ang layo nito sa mukha niya. "P