MAY ilang minuto silang binalot ng katahimikan habang nakatitig sa isa't isa. Hindi nagawang magsalita ni Atticus at nanatili lang itong tahimik habang nakatingin sa kaniya. Nakaramdam naman siya ng kirot sa puso sa paraan ng pagtitig nito. Para bang sinasabi ng mga mata nito ang pagkadisgusto sa ginawa niyang paghalik dito. Wala siyang nagawa kundi panatilihin ang ngiti sa mga labi. Makalipas ang ilang sandali ay bumuntong-hininga ito at ibinaling sa kausap ang atensiyon. "Asawa ko, si Malina," anito mula sa walang kalatoy-latoy na boses. Tila ba napipilitan pa itong ipakilala siya sa kasama nito. Mula sa mukha nitong tila walang gana, nabaling ang tingin niya sa lalaking kausap nito. Mabilis siyang yumukod nang bahagya at ngumiti sa lalaki. Nakasuot ito ng puting polo at black jeans.