NANG makalabas ng ospita, agad na hinanap ng mga mata ni Malina ang mukha ng lalaking kanina pa niya gustong makita. Bumaba siya ng hagdan ng ospital at binaling ang tingin sa punong nasa hindi kalayuan mula sa kinatatayuan niya. Naroon at nakasilong ang taong kanina pa niya hinahanap. Agad na sumilay ang malapad na ngiti sa mga labi niya. Kumaway siya rito at patakbo itong nilapitan. . "Bakit nagpunta ka rito?" nakangiti niyang tanong sa lalaki. Hinubad ni Atticus ang suot na salamin at binitin iyon sa gitna ng collar ng suot nitong classic shirt. Sumilay ang mabining ngiti sa mga labi nito habang nakatitig sa mga mata niya. "Umiyak ka?" untag ng binata. Naglaho ang ngiti sa mukha niya nang muling maalala ang nangyari sa kaniyang daddy, pati na rin ang naging sagutan nila ni Cielo.