Josh,
I love it when you call me 'baby'...
Hyacinth
Malapit na ang Foundation Day ng St. Andrews. One week ding walang lectures ‘yun sabi ng kambal. Puro programs and events lang daw ang mangyayari sa buong isang linggo. Bawat section sa year namin ay may nakalaang booth. Marriage booth ang napunta sa amin.
Isang araw, ipinatawag ako ng adviser namin. Kadarating lang namin ni Athena sa cafeteria noon. Wala pa ang kambal kaya iniwan ko muna doon si Athena.
Hindi nagtagal at pabalik na ako sa cafeteria. Malayo pa lang ay kita ko na si Jett at Athena na okupado ang paborito naming mesa doon.
Hmp! Nakikipaglandian na naman siguro si Josh sa Taylor niya kaya wala dito!
"Oh, Hyacinth. Bakit ka pinatawag ni Mam Beron?" nag-aalalang tanong ni Jett nang makalapit na ako.
Pinaikot ko ang mga mata ko.
"Wala talagang maililihim sa inyong dalawa, ‘noh? Hindi pwedeng isikreto sa isa’t isa, eh," pagsita ko.
Natawa lang si Jett, samantalang tila na-guilty naman si Athena sa sinabi ko.
"Eto naman... concerned lang kami pare-pareho sa’yo... Bakit nga? Sabihin mo na," sagot ni Jett.
Napangiti ako. Hindi ko kasi mapigilan. Wala pa sana akong balak i-reveal dahil andito si Jett, pero hindi ko talaga mapigilan ang excitement!
"Tinanong ako ni Mam kung gusto kong sumali sa Mr. & Ms. St. Andrew’s!!"
"Wow! Hyacinth... go ka na dun!" sabi ni Athena.
"Magpapaalam pa ako kina Mommy at Daddy... pero for sure, papayag naman sila!" pagyayabang ko.
"Ay... sana nga payagan ka nila... excited na rin ako!" sagot ni Athena.
"Nasaan pala ‘yung lalaking pakialamero?" hindi ko mapigilang itanong kay Jett.
"Pinatawag ni coach, eh. Mukhang may meeting ang mga team captains. Andun din si Taylor, eh," sagot ni Jett.
"Oh? Eh, hindi naman team captain pa si Josh, ah!" nagtataka kong sagot.
"Wala kasi si captain. May sakit daw. Iyung next in line naman nasa Math competition. Eh, siya ata ang sinuggest ni Taylor kay coach," paliwanag ni Jett.
Hindi ko napigilang palihim na umirap sa hangin. Siyempre! Para may meeting na, may landian pa!
"Bibili ka ba? Ako nang pipila para sa iyo. Baka sabihin naman ni Josh pinapabayaan kita kapag wala siya," narinig kong sabi ni Jett.
Hindi ko alam kung nanunukso o nang-iinis itong si Jett, eh. Tiningnan ko iyong mga wala nang laman nilang pinggan.
"Huwag na! Tama na itong sandwich na baon ko. Nang-iinis ka pa, eh!" sabay irap ko dito.
Actually, kanina gutom ako, at feel kong kumain ng Baked Mac. Pero bigla akong nawalan ng ganang kumain, sa isiping magkasama, at malamang magkatabi pa sa upuan si Josh at Taylor.
NAGTAKA ako na walang Josh na sumalubong sa akin paglabas ko ng classroom, at tanging si Jett lang ang nandoon.
"Bakit mag-isa ka lang? Si Josh?" tanong ni Athena dito.
Buti na lang inunahan ako magtanong ni Athena. Nag-aalanganin kasi akong itanong kay Jett.
"May ginagawa pa. Mauna na daw tayo. Babalikan na lang siya ni Kuya Lando," sagot ni Jett.
Nag-umpisa na kaming maglakad. Nasa unahan ko iyung dalawa. Masaya silang nagkukuwentuhan, nang biglang humarap sa akin si Jett.
"Ako na’ng magdadala ng bag mo.”
"Naku! Huwag na. Ang dami mo nang dala."
Dala-dala pa niya iyung bag ni Athena.
"Okay lang ‘yun. Baka sumbatan ako ni kambal, eh," sagot nito.
"Ano ka ba! Okay lang ako. Sige na. Lakad na kayo."
Nag-umpisa na uling humakbang iyung dalawa. Para namang bigla kong na-miss si Josh.
Miss? Hindi ‘noh! Wala lang kasi akong tagadala ng bag ko kaya naalala ko iyong mokong na ‘yun!
Humakbang na rin ako at humabol kina Jett at Athena. Hindi ako masyadong lumapit sa kanila para mabigyan ko naman sila ng privacy. Akala siguro ng dalawang ito ay wala akong napapansin sa kanila. Sobra nilang close sa isat-isa. Isang araw ay kokornerin ko si Athena, at paaminin ko.
Nang malapit na kami sa sasakyan nila Jett ay sinigawan ko sila.
"Jett sa una na ako mauupo!" sabi ko.
Nakangiting lumingon sa akin ito, at ibinuka ang bibig nang walang sound.
"Thank you," iyun ang pagkaintindi ko.
Nginitian ko rin siya. Sabi na nga ba, may something sa dalawang ito...
AS USUAL, Biyernes ngayon kaya wala uli sila Mommy at Daddy. Hindi naman pumapalya iyung dalawang iyon sa Fri-date nila. Maliban na lang kung merong may sakit sa aming dalawa ni Ace.
Hindi naka-online si Athena. Kakain daw sila sa labas ngayon ng Mama niya, kasi birthday ng huli. Since wala akong magawa att maka-chat, at Biyernes nagyo, nag-browse na lang ako sa social media ko. Hindi ko inaasahan ang biglang sumulpot na notification. Ni-like ni Jett iyung photo status ni Taylor na naka-tag si Josh.
"The future Team Captain of Hotshots!"
Kanina lang siguro itong picture na ito. Nag-meeting nga sila kanina di ba, sabi ni Jett.
At si Taylor pa talaga ang naka-akbay kay Josh? Kapal din ng mukha ng babaeng ‘to, eh!
Naintriga ako kaya ini-stalk ko ang account ni Josh. Puro picture pa rin naman naming dalawa o naming tatlo ni Jett at ng pamilya niya ang nakita ko dun. Expect mo bang may makikita kang pictures nila ni Taylor?
Sunod kong pinuntahan ang account ni Taylor. Doon ko nakita ang maraming picture ni Josh. Bukod sa in-upload ngayon ni Taylor ay may iba pang pictures doon na karamihan ay kuha sa gym. Mga stolen shots ang karamihan. Sa practice ng Hotshots, meron ding pareho silang naka-sports uniform. Meron pa roon na kasama ni Josh ang Women's Volleyball team na karamihan ay mga nasa same year ni Taylor.
Kailan pa natipuhan ni Josh ang mas may edad sa kanya? Nagsawa na ba siya na siya lagi ang nag-aalaga katulad ng ginagawa niya sa akin? Kaya ang gusto na niya ay iyung siya na ang binebeybi?
Tila may konting kurot akong naramdaman sa dibdib ko. Hindi na ba ako special kay Josh?
Siguro nga, nagsawa na siyang alagaan ang isang pa-baby na katulad ko. Di ba nga sabi niya, buti na lang hindi niya ako naging kapatid? Sakit ng ulo na lang ba ako para sa kanya ngayon?
Nagulat na lang ako nang maramdaman kong basa ang isang pisngi ko. Hindi ko namalayang naiyak na pala ako. Marahas ko iyong pinunasan. Nag-log out na ko sa account ko, at saka sinara ang laptop ko.
Pagkaligpit ko sa laptop ko ay pinatay ko na ang ilaw, at saka nahiga. Nakatitig lang ako sa kisame ng kuwarto ko na may mga nakalagay na glow-in-the-dark stars. Napangiti ako nang mapait.
Eh, dyan pa lang sa mga glow-in-the-dark na ‘yan, halatang baby ka pa nga, Hyacinth Blaire…
Pumikit na ako para matulog, pero ipinangako ko na kung ano man ang nararamdaman ko ngayon para kay Josh ay kakalimutan ko na simula bukas. Promise!
"HI, HYACINTH! Dalaga ka na, ah!" bati sa akin ni Ate Ysa, panganay na anak ni Tito Klarence.
Dito kasi ang venue ngayon ng get-together kila Tito Klarence. "Hello po, Ate Ysa! Ang ganda mo talaga..." nakangiting bati ko sa kanya.
"Huwag mo na akong bolahing bata ka. Sagot ko na ang gown mo sa debut mo. Ilan ang gusto mong gown?" nakangiting sagot nito.
Bahagya akong natawa. “Ilan talaga?”
“Oo. Para ngayon pa lang, makapag-deisgn na si Tita Pepper.”
"Eh, ate… ang tagal pa ng debut ko. Baka by that time, out of style na iyung designs ni Tita,” natatawa kong sagot.
Natawa rin si Ate Ysa. Tapos ay bigla akong tinabihan nito sa sofa. Luminga-linga muna ito bago may pabulong na sinabi. "Kumusta naman kayo ni Josh?"
"Ha?” naguguluhan kong tanong sa kanya.
“Tsk! Kunwari pa ito. Halata namang may something sa inyong dalawa.”
“Ate Ysa! Walang ganun..." naiilang kong sabi.
"Don’t tell me, hindi pa rin nagsasabi? Takot siguro ‘yun kay Ninong Adam," at saka bahagya itong natawa.
"Ate Ysa, talaga..."
"Ano ka ba… at least, kapag si Josh ang nakatuluyan mo, kilala mo na siya pati pamilya niya," nakangiting sabi nito sabay kindat sa akin.
“Like you and Kuya Zyrus?” nanunuksong tanong ko sa kanya.
“Hmp! Ewan ko dun sa pakipot na ‘yun! Kalalaking tao, playing hard-to-get!” Humaba pa ang nguso ni Ate Ysa, kaya natawa ako sa kanya.
"Uy... tumingin sa atin si Josh. Malakas ang radar. Alam na pinag-uusapan natin siya.” Sandali akong natigilan. Pinigil kong mapalingon sa gawi ni Josh.
“Huminga ka, Hyacinth. Huwag kang mag-panic. See you later!" nakangiting paalam ni Ate Ysa sa akin.
Si Ate Ysa talaga…
Tumayo ako, at saka naglakad papunta sa mesa na kinauupuan ni Mommy. Naupo ako sa tapat niya. "Hyacinth, kinontrata mo na ba si Tita Pepper mo sa isusuot mo sa Ms. St. Andrew's?" bungad sa akin ni Mommy pagkaupo ko.
Natigilan ako. Oo nga at sinabi ko na iyun kay Mommy, pero hindi pa kay Daddy. Nakita kong she's giving me signals dahil inginunguso niya sa akin si Daddy na kasalukuyang nakayuko at busy sa pagkain.
"Hi-Hindi pa po, My... hinihintay ko ang basbas ni Daddy..."
Tila naman noon lang naging aware si Daddy na kasali siya sa usapan, at bigla siyang nag-angat ng tingin.
"Ano ‘yun? Bakit narinig ko ang pangalan ko?" tanong niya, na nagpalipat-lipat ang tingin sa aming dalawa ni Mommy.
"Eh, Dad… sasali po kasi sana ako sa Ms. St. Andrew's. Ako po ang napili ng adviser namin na maging representative ng year namin," simula ko.
"Ano’ng gagawin dun?" tanong ni Daddy.
"Pageant 'yun, Dad," maikli kong sagot.
"Ibig sabihin, Adam, maganda itong anak mo, kaya isinasali ng teacher niya," segunda ni Mommy.
"Siyempre naman, baby! Hindi naman maipagkakailang maganda iyang anak kong iyan. Kanino pa ba magmamana? Eh, di sa asawa kong maganda..." sabi pa ni Daddy na nakapagpangiti sa akin.
Kapag ganyan ang dialogue ni Daddy malamang na payag na ‘yan!
"Eh, Ninong... paniguradong magsusuot ng swimwear dun. Pageant, eh." Napatingin ako kay Josh, na hindi ko alam kung saan nanggaling at bigla na lang sumulpot sa tabi namin. Ewan ko ba, pero bigla akong kinabahan.
"Wait. Oo nga, ‘noh?" Napa-isip naman si Daddy.
Tumingin ako kay Josh, at saka pinaningkitan ko ito ng mga mata. Pero tila sinasadya niyang hindi ako tingnan.
"Gusto mo ba talagang sumali doon, anak?" tanong ni Daddy sa akin, kaya nabuhayan ako ng pag-asa.
Tumango ako nang sunod-sunod.
"Gusto mo ‘yun, Hyacinth? Iyung ilalantad ang legs mo sa mga lalaki dun sa school?" singit na naman ni Josh, na tumingin na sa akin this time.
Kung kanina ay hindi niya nakikita ang matalim na tingin ko sa kanya, nagkaroon ako ngayon ng pagkakataon na panlakihan ko siya ng mga mata.
Makuha ka sa tingin, Josh Cedric Madrigal!
"I think, may point si Josh. Huwag ka na lang sumali doon, anak. Isa pa may bad memory ako sa mga pageant-pageant na ‘yan. Medyo may trauma ako sa pageant, sa mga beauty contest... ganun."
Napansin kong makahulugan niyang tiningnan si Mommy na sinagot lang ng irap ni Mommy. Parang bomba sa pandinig ko iyung sinabi ni Daddy. At pag ganoon ang tono ng pananalita ni Daddy, it means end of discussion.
Nilingon ko si Josh, nakita ko ang walang kaekspre-ekspresyong mukha nito habang sumusubo ng pagkain. Hindi ko napigilang hindi maningkit ang mga mata ko sa kanya kahit hindi naman siya nakatingin sa akin.
You want war Josh Cedric Madrigal? I will give you war!
***