CHAPTER 8 - BLACKMAIL

1649 Words
Josh, Every love story is beautiful. But ours is my favorite... Hyacinth Pagkatapos kong tumulong kay Mommy sa kusina para sa mga kakainin namin ngayon sa get-together ay minabuti kong gumawa na lang ng project ko sa may garden namin sa likod ng bahay. Lahat ay obligadong magpunta every Saturday kung saan man ang venue. Kasama ang asawa, at mga anak. Sa Friday pa naman ang pasahan nitong project ko, pero ito lang ang paraan para maiwasan ko si Josh. Hanggang ngayon ay naiinis pa rin ako sa ginawa niya kagabi. Ang lakas ng loob niyang gawin ‘yun, palibhasa pinagkatiwalaan siya ni Daddy na bantayan ako. Subukan lang niyang gumawa na naman ng hindi ko magugustuhan, isusumbong ko siya kay Ninong Judd! Maya-maya ay tumunog ang message alert ng phone ko. Ang nasa isip ko ay si Athena ang magte-text sa akin, pero napakunot-noo ako nang number lang ang nakita ko. Sino kaya ito? Binuksan ko ang message para malaman ko kung kaninong number iyon. From: 09176955210 Hey, it's me! Peyton. Busy? Napangiti ako. Kanino kaya niya nakuha ang number ko? Malamang kay Athena. Kanino pa ba? To: 09176955210 Oh, hi! Hindi naman. Minabuti kong i-save na agad iyung number ni Peyton. From: Peyton Can I call? Nakaramdam ako ng excitement pagkabasa ko sa message niya. To: Peyton Sure! Mayamaya lang ay narinig ko na ang ringing tone ng phone ko. Peyton calling... Sasagutin ko na sana yung tawag nang may umagaw ng phone ko. "Josh!?" Tiningnan niya ang screen ng phone ko. "Peyton, ha...." sabi nito, habang nakatingin pa rin sa screen ng phone ko. Tumayo ako, at saka pilit inagaw sa kanya ang phone ko. "Give me back my phone!" May pinindot si Josh sa screen ng phone ko, pagkatapos ay nawala ang tunog ng ring tone nito. Malamang ay ni-reject ni Josh iyung tawag ni Peyton. "Akin na sabi ang phone ko!" inis na sabi ko dito. "Eh, di kunin mo sa akin," nanghahamong sabi nito, na may kasama pang pag-ismid. Muli na namang tumunog ang ringtone ng phone ko. Paniguradong si Peyton uli ‘yun! Mas lalo akong lumapit kay Josh, pero mas itinaas pa nito ang phone ko. Pilit kong inabot pa lalo ang phone ko. "Josh, isa!" babala ko dito. Pero inismiran lang ako ng mokong. Sinubukan kong talunin ang phone ko para makuha ko sa kanya. Sa pagtalon ko, sabay na nahawakan ko ang braso ni Josh. Pero pagbagsak ko ay sa paa niya ako napatapak, kaya nawalan ako ng balanse dahilan para mahatak ko ang braso niyang hawak ko. Matutumba sana kami kung hindi ako mabilis na nahawakan ni Josh sa beywang ko dahilan para sobra kaming magkalapit. Ilang sandali rin kami sa ganung nakakailang na posisyon. Ewan ko ba, kung bakit hindi ako agad nakakilos. Kung hindi pa tumunog uli ang phone ko ay hindi ko maiisipang nakakailang nga pala ang puwesto namin kaya bigla ko siyang naitulak, at dali-dali akong bahagyang lumayo sa kanya. Nag-iwas ako ng tingin sa kanya, dahil hindi ko matagalan ang tingin niya sa akin, na tila nakakapanghina. "A-Akina sabi ‘yang p-phone ko!" "Tawag ka ni Ninong. 'Yun ang dahilan kung bakit ako nagpunta dito," walang ekspresyong sabi ni Josh, at hindi makatingin nang derecho sa akin. "Akin na muna yan," giit ko sa kanya. Akala ko ay ibibigay na ni Josh sa akin ang phone ko, pero bigla na lang siyang sumigaw. "Ninong, may kausap si Blaire sa phone niya, eh! Lalaki...." Napamaang ako. Ang kapal din naman ng mukha ng lalaking ‘to! Dali-dali kong iniligpit ang mga gamit ko, at saka ko tinalikuran si Josh. Walang lingon-likod na naglakad ako papasok ng bahay namin, at saka dere-derechong umakyat sa kuwarto ko. At wala na akong planong bumaba pa. Sobrang bad trip na ako sa Josh Cedric KJ Madrigal na ‘yun! Nahiga ako sa kama ko. Wala naman akong planong matulog. Gusto ko lang kumalma ang pakiramdam ko. Pakiramdam ko kasi, konting-konti na lang at sasabog na ako. Maya-maya ay may narinig akong mga katok. Pero hindi ko na lang pinansin. Wala ako sa mood makipag-usap ngayon kahit kanino. "Blaire, eto nang phone mo!" narinig kong tawag ni Josh sa labas ng pintuan. Napadilat ako bigla. Tapos ngayon, ibabalik mo? Hmp! "Sa’yong-sa’yo na ‘yan! Isaksak mo sa baga mo!" inis kong sagot sa malakas na boses. "Blaire! Lumabas ka na diyan. Hinahanap ka na sa ibaba," sabi pa uli ni Josh sa labas. "Wala ako sa mood! Go away!" pagtataboy ko sa kanya. Wala na akong narinig na sagot mula kay Josh. Siguro ay nagsawa na, at umalis na. Hinagilap ko ang remote control ng TV. Iniumang ko na ang remote sa TV para buksan ito, nang biglang bumukas ang pintuan ko. "Tinotopak ka na naman, baby..." nakangiting sabi ni Josh, sabay lapag ng phone ko sa kama ko. Baby-hin mong mukha mo! "Bumaba ka na dun. Hinahanap ka na nila," pagka-usap sa akin ni Josh, at saka naglakad papunta sa pintuan. Hawak na nito ang doorknob nang bumaling ito sa akin. "Be down there in five minutes. Kung hindi, sasabihin ko kay Ninong na nakikipagtawagan ka lagi kay Peyton." “Ano?? How dare you!" Nagkibit-balikat lang ito sa akin. Lalabas na sana si Josh ng pinto, pero natigil ito nang magsalita ako. "Bakit mo ba ako bina-black mail? Bakit mo ba ako pinapakialamanan?" inis kong tanong. "I am just protecting you," mahinahon nitong sabi. "Bakit? Kapatid ba kita para protektahan mo ko? I am not your sister!" at saka ko ibinaling ang tingin ko sa screen ng TV. Narinig kong huminga ito nang malalim. Pero pinigilan ko itong tingnan. Naiinis na talaga ako sa kanya! "Pasalamat nga ako, at hindi kita kapatid," narinig kong sagot nito. Narinig ko na lang ang pagsara ng pintuan ng kuwarto ko. Napalingon ako doon kahit alam kong nakalabas na si Josh. Naiwan akong nakatanga. Nakatingin lang ako sa saradong pintuan ng kuwarto ko. So, nagpapasalamat pa siya at hindi niya ako naging kapatid... Pwes, kung ayaw niya akong maging kapatid, mas lalong ayaw ko rin! Mabigat ang loob na bumaba ako sa kama ko. Pinasadahan ko sandali ang itsura ko sa salamin at saka lumabas na ng kuwarto ko para maki-join sa kanila sa ibaba. Mahirap na, baka may masabi na naman si Josh kay Daddy. Kung noon ay pinapakita ni Daddy na wala itong tiwala kay Josh, kabaligtaran iyun ngayon. HINDI na ako magtataka kung wala na ‘yung number ni Peyton sa phonebook ko. Wala na rin akong na-receive na tawag, or text mula sa kanya. Lagi na rin naming kasabay ni Athena si Josh at Jett tuwing recess. Pero this time, pagdating namin ni Athena sa cafeteria ay si Jett lang ang andun. "Oh, himala! Mag-isa ka lang ata ngayon?" tanong dito ni Athena. "Susunod na rin si Josh. Naharang kasi ni Taylor kanina nung papunta na kami dito," sagot naman ni Jett. Hmp! Hindi matiis na hindi lumandi! "Jett, samahan mo muna akong bumili," aya ni Athena. "Sure." "Pabili na lang ako ng Baked Mac, please," sabi ko kay Athena, at saka inabutan siya ng pera. Tumayo na ang dalawa, at saka pumila sa counter. Nagulat pa ako nang may magsalita sa harapan ko. "Hi!" Pagtingin ko ay isang nakangiting Peyton ang nakita ko. "H-Hi..." nahihiya kong bati sa kanya nang maalala ko iyung mga pamba-block na ginawa ni Josh. Naupo ito sa tapat ko. "Bi-nlock mo ba ako kahapon?" malungkot na sabi nito. "Uhm... so-sorry. Si… si Daddy kasi..." "I understand..." Bahagya itong ngumiti. Bwisit kang Josh ka! Natututo tuloy akong magsinungaling... "Akala ko kasi may nagbabawal..." sagot ni Peyton, sabay kamot nito sa ulo niya. Lalo tuloy siyang naging cute sa aksiyon niyang iyon. Napatingin kami ni Peyton nang may tumikhim sa gilid. Nakatayo doon si Josh, at matamang nakatitig kay Peyton. "Sige, Hyacinth... una na ko," bigla namang paalam ni Peyton. May gusto akong itanong sana kay Peyton, pero sa klase ng tingin dito ni Josh alam kong dapat ko na siyang hayaang umalis. "Si-Sige." "Bro," maigsing bati ni Peyton kay Josh, bago ito tuluyang naglakad palayo. Pagkaalis ni Peyton ay tinabihan ako ni Josh. Nakita kong naupo si Peyton sa isang mesa sa di kalayuan. "Na-late lang akong dumating, nakapag-usap na agad kayo?" sumbat nito. Tumaas ang isang kilay ko. "Ano bang problema mo sa amin ni Peyton? Nag-usap kayo ni Taylor bago ka nagpunta dito. May narinig ka ba sa akin?" sabi ko sa kanya. "Mas gusto ko nga kung sisitahin mo ako tungkol kay Taylor, eh," sabi ni Josh na lalong nakapagpataas sa kilay ko. "Ano?" naguguluhan kong tanong. “Tama na yan. Ikain n'yo na lang yan." Bigla na lang may naglapag ng Baked Mac sa harap ko. Dumating na pala si Jett at Athena nang hindi namin namalayan ni Josh. Tahimik kong kinuha iyong pinggan ng Baked Mac, at saka nag-umpisang sumubo. Pagkatapos ng ilang subo ay inilapag ko ang tinidor sa gilid ng pinggan para uminom ng tubig. Nagulat na lang ako nang kunin ni Josh iyong tinidor na ginamit ko, at saka tumusok ng Baked Mac at saka isinubo. Nagmukha tuloy kaming mag-syota na nagse-share ng pagkain. Napatingin ako sa mesang kinakitaan ko kanina kay Peyton, at nakita kong nakatingin ito sa amin ni Josh. Bigla tuloy akong na-conscious. Paniguradong nakita niya ang ginawa ni Josh. At hindi pa natapos si Josh. Pagkatapos niyang kumain sa pinggan ko gamit ang tinidor na ginamit ko ay uminom din siya sa basong ininuman ko. "That's mine. Bakit hindi ka bumili ng sa iyo?" sita ko dito. "Dati naman tayong ganito, ah! Kahit pa nung maliliit pa tayo. Bakit nagrereklamo ka na ngayon?" sagot nito. "Dati ‘yun! Eh, kung makita ni Taylor iyang ginagawa mo? Eh, di inaway ako nun!" nabigla kong sagot. Napansin kong bahagyang ngumiti si Josh. Hala! Baliw ba siya? Ano bang nakakatuwa sa sinabi ko? ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD