Josh
I choose you. And I'll choose you, over and over and over. Without a pause, without a doubt, in a heartbeat. I'll keep choosing you.
Hyacinth
Nakaparada na ang dalawang sasakyan sa labas ng gate ng mga Madrigal. Nagpaalaman muna kami ni Athena bago kami nagkanya-kanyang sakay na sa mga sasakyan.
Sa kotse ako ni Ate Cass sasakay. Kami ni Josh. May sarili na kasing kotse si Ate Cass. Advance birthday gift ni Ninong Judd para sa nalalapit na eighteenth birthday niya.
Sumakay na ako sa back seat. Nasa driver's seat na si Ate Cass, at nasa tabi niya si Josh.
"Okay ka lang dyan, baby girl? Gusto mo, patabihin ko sa’yo diyan si Josh?" tanong ni Ate Cass, habang isinusuksok ang susi sa ignition.
Bigla akong nag-panic sa sinabi ni Ate Cass. "Ay, okay na po, Ate Cass. Okay lang ako dito. Tara na, alis na tayo!" sagot ko habang pinipigilan ko ang sariling tingnan ang lalaking masungit.
"May LQ talaga kayo ha, baby girl..." panunukso ni Ate Cassandra, sabay mabilis na tumingin sa kapatid niya.
Hindi na lang ako kumibo. Ayaw ko na lang pahabain ang usapan namin. Hindi nagtagal ay nakarating na kami sa bahay namin. Magkalapit lang naman ang mga subdivision namin.
Pero dito rin sa subdivision namin ang bahay ng mga magulang ni Ninang Clover. Bahay kasi ng Lola ni Daddy ang tinitirhan namin ngayon. Dito siya lumaki kasama ni Lola Amelia. May mga pinagawa lang na minor renorvations si Daddy sa bahay para maging moderno ang dating, pero karamihan ay nanatili sa original niyang ayos, lalo na ang tree house na tambayan pa noong bata pa si Daddy.
Pagkababa namin sa kotse ni Ate Cass ay agad sumalubong si Ace sa amin.
"Kuya Josh, asan na ang spaghetti ko!?" sigaw nito. Tingnan mo itong kapatid ko, mas inuna pang salubungin si Josh kaysa sa Ate niya!
"Ikaw talaga, baby Ace... kaya ang lusog-lusog mo, eh! Payakap nga si Ate Cass..." sabi ni Ate Cass kay Ace.
Niyakap naman nito si Ate Cassandra.
"Ate Cassandra, lalo ka pong gumaganda araw-araw..." puri ni Ace dito.
"Binobola mo naman ako Ace, eh!"
"Hindi po! Totoo po ang sinasabi ko! Promise, Ate Cass..." pagtatanggol pa ni Ace sa sarili niya.
"Eh, baby Ace, hindi naman tayo araw-araw nagkikita eh..."
Nagtawanan kaming lahat habang kamot-kamot ni Ace ang ulo niya.
"Naku! Ikaw, Ace ka... sampung taon ka pa lang pero marunong ka nang mambola... mabuti pa, kainin mo na ‘yang Spaghetti na dala ng Kuya Josh mo," sabat ni Mommy na nakalapit na pala sa amin.
Kumamot uli sa ulo niya si Ace. "Si Mommy naman eh... ako na naman ang nakita...Tara na, Kuya Josh! Turuan mo na lang uli ako sa Math," aya nito kay Josh na dala pa rin ang bag ko.
"Ninang!" sabay lapit ni Ate Cassandra kay Mommy, at saka humalik dito.
"Mabuti naman at naalala mo pa ang Ninang mo?" ganting-bati naman ni Mommy kay Ate Cass.
"Ninang, talaga... busy lang po sa school. Anyway, 'Nang... malapit na po ang birthday ko... kaya ako napapunta dito," sabi ni Ate Cass, sabay abot ng invitation kay Mommy.
"Naku... tumatanda na talaga kami ng Mommy mo. Biruin mo, mage-eighteen ka na?" nakangiti namang sabi dito ni Mommy.
"Si Ninong po?"
"Ah, baka nagbibihis pa. Kadarating lang din kasi nun. Pasok ka muna sa bahay, matagal na tayong hindi nakapag-kuwentuhan," sagot ni Mommy.
"Hindi na po muna, Ninang. Pupunta muna ako kila Lola. Nag-promise akong doon magdi-dinner sa kanila ngayon, eh. Pagsundo ko na lang po kay Josh mamaya. Panigurado naman pong magpapaiwan pa ‘yun, eh," sabay tingin nito sa akin.
Para bang nagkaintindihan silang dalawa, at sabay pa silang tumawa. Bakit pakiramdam ko, pinagkakaisahan nila akong tatlo ni Ninang Clover?
"Mauna na po muna ako, Ninang... baby girl!"
"Sige, ingat ka Cassandra."
"Ikaw naman baby, wala ka bang homework?" baling ni Mommy sa akin, pero halata ko agad ang panunukso niya sa akin sa tawag ni Josh sa akin na baby.
Binalewala ko na lang ang panunukso niya, at nagkunwari akong hindi ko iyon napansin. Normal ko siyang sinagot. "Aakyat na po ako, 'My."
Pumasok na ako sa loob ng bahay namin. Nadaanan ko pa sa sala si Ace at Josh na gumagawa ng homework ng kapatid ko. Tahimik kong dinampot ang bag ko na nasa tabi ni Josh, at saka umakyat na ako papunta sa kuwarto ko.
Nagpahinga muna ako nang konti, at saka nag-shower nang mabilisan. Hindi ko ugaling mag-lock ng pintuan ko ever since. Lumabas ako mula sa sarili kong banyo nang nakatapis lang ng tuwalya, at saka dumerecho sa walk-in cabinet ng kuwarto ko. For the first time, hindi ko madesisyunan kung ano ang isusuot kong damit.
Shocks! Si Josh lang naman 'yung nasa ibaba, bakit ba namimili pa ako ng isusuot?
Nagkasya na lang ako sa isang simpleng stripes na shirt at itim na shorts. Nagpatuyo muna ako ng buhok bago nagbuklat ng mga notebooks ko. Ayokong may makaligtaan akong homework. Kailangan kong patunayan kila Mommy at Daddy na responsable na ako sa edad kong ito. Nang makarinig ako ng mahinang pagkatok sa pinto.
"Come in!" malakas kong sabi.
Bumukas ang pinto, at iniluwa noon ang seryosong si Josh. Buti na lang at nakabihis na ako.
"Pinapasundo ka ni Ninang. Kakain na raw..." tila naman naiilang na sabi nito.
"Okay."
Pagkasabi ko nun ay agad ding lumabas si Josh ng kuwarto ko. Anong nangyari dun? Parang napapaso dito sa kuwarto ko. Dati naman silang tumatambay ni Jett dito, ah!
Minabuti kong lumabas na ng kuwarto at dumerecho sa dining kung saan andun na silang lahat. Kabilang na si Josh. Hindi na bago na dito kumakain si Josh. Kung madalas akong kumain ng meryenda sa kanila ay ganun din naman siya kadalas kumain ng hapunan sa amin. Sila ni Jett. Pero mas madalas si Josh. Actually sa dalas ng pakikikain niya dito sa amin ay naging official na puwesto na niya iyong puwesto sa tabi ng regular na puwesto ko.
Pagka-upo ko ay nag-lead na ng prayer si Ace. Gustung-gusto niya itong ginagawa.
"Papa Jesus, thank you po sa masarap na pagkain sa mesa namin ngayon. Papa Jesus, sana po lagi po kaming may masarap na pagkain. Marami po sana laging customers ang business ni Daddy para makakapagluto si Mommy ng masasarap na pagkain. At sana rin po laging may pa-Spaghetti sa akin si Kuya Josh, para po lagi namin siya nakakasama sa dinner at para po nakakatabi niya lagi si Ate Hya ko nang walang dahilan. Amen."
What the...
Hindi ko napigilang hindi mag-angat ng mukha at tingnan si Ace, nakayuko pa rin at mukhang seryoso sa dasal niya. Si Mommy naman ay nakapikit pero pigil ang ngiti sa labi niya. Si Daddy naman ay nakapikit din pero magkasalubong ang mga kilay. Pinigilan kong tingnan si Josh na nasa tabi ko.
"Amen!" narinig ko na lang na sabi ng lahat nang matapos ang dasal ni Ace.
'Ano 'yung sinabi mo, Ace?" agad na tanong ni Daddy kay Ace.
"Mamaya na 'yan. Joke lang 'yun, eto naman... Oh! Kain na, Josh. Huwag mong pansinin itong Ninong mo..." pag-aasikaso ni Mommy, habang nilalagyan ng ulam ang plato ni Daddy.
Nakatingin kasi si Daddy kay Josh, na halata kong hindi mapakali sa tabi ko.
"Kumusta naman ang school, Hyacinth?" tanong ni Daddy sa akin.
"Okay naman po, Dad!" nakangiti kong sagot.
"May crush na po ‘yan sa school, Ninong," biglang sabi ni Josh, kaya napalingon ako sa kanya.
Anong karapatan niyang magsabi ng kung anu-anong balita sa Daddy ko? Hindi naman nakatingin sa akin ang si Josh, kaya hindi ko siya mawarningan sa tingin man lang.
"Hyacinth, ilang linggo pa lang nag-uumpisa ang klase, may crush-crush na agad?" kunot-noong tanong ni Daddy.
"Oo nga, 'Nong. Kaya po pala siya nanood ng try-out namin sa basketball kanina, kasi andun iyung crush niya," dagdag pa ni Josh.
Napaawang ang mga labi ko, sabay tingin kay Josh. Ano bang sinasabi mo, Josh?
"So, he’s a player?" muling tanong ni Daddy, kaya napatingin ako sa kanya.
"Yes, ‘Nong. Nakapasa din po siya sa try-out namin kanina."
Parang bigla akong nawalan ng ganang kumain sa tinatakbo ng usapan ni Daddy at ni Josh. Pero pinilit ko pa ring sumubo, dahil ayaw na ayaw ni Mommy na hindi namin inuubos ang pagkain sa plato. Narinig kong tumikhim si Daddy.
"Hyacinth, starting tomorrow hindi ka na pwedeng tumuntong sa school gym, or manood ng practice o games ng basketball. Josh, ikaw na ang bahalang magbantay diyan sa kinakapatid mo."
Napa-angat ako mukha, sabay tingin kay Daddy. "Daddy??"
Hindi ako makapaniwalang seseryosohin niya ang mga sinabi ni Josh. At take note, hindi man lang niya ako tinanong kung totoo ba 'yun.
"Adam... crush lang ‘yun. Parang hindi ka naman nagdaan sa ganun..." seyosong sabi ni Mommy kay Daddy.
As usual, to the rescue si Mommy.
"Kahit pa. Ang bata-bata pa niya, may nalalaman nang crush-crush," sagot sa kanya ni Daddy.
"Bakit? Ano bang edad ko nung nagka-crush ako sa’yo? Eh, ikaw nga nun, girlfriend mo na si Gracie nung ganung edad!" depensa ni Mommy.
"Baby, past is past… huwag na nating pag-usapan ‘yan. Baka in the end, mag-away pa tayo..." malumanay na sabi sa kanya ni Daddy.
"Hmp! Guilty ka lang..." sabi naman ni Mommy, at saka sumubo ng pagkain.
"Baby... ang tagal nang panahon ‘yun. Ano pa bang gusto mo to prove my love for you? Pwede na nga ako mabigyan ng Loyalty Award, eh," seryosong sabi ni Daddy.
Ngumiti lang si Mommy.
"I'm just kidding... kain na. Mamaya mo na lang patunayan ‘yang love na ‘yan," nakangiti nitong sabi, kaya nginitian din siya ni Daddy.
After all these years, obviously, they are happily in love. Binalingan ni Daddy si Josh.
"Basta, Josh. You will be my eyes sa school. Bantayan mong mabuti iyang si Hyacinth. Okay?"
Asus! Akala ko pa naman, topic closed na.
"You can count on me, Ninong!" nakangiting sagot ni Josh kay Daddy, at saka ngingiti-ngiting sumubo na.
Ngiting tagumpay? Nakakuha ka ng kakampi, Madrigal?
***