"Liam, halika na, bilisan mo male-late ka na!" Maliksi ang mga kilos ni Dina, bitbit nito ang bag at lunch box ni Liam nang lumabas siya sa silid nito. "Okay," walang ganang sagot ni Liam, simula nang nawala si Selena ay hindi na ito masigasig na mag-aral. Lumabas ang bata sa kaniyang silid na yuko ang ulo. "Ako na ang maghahatid sa kaniya sa school, Dina," sabi ni Selena, paggising niya ay wala na si Marcus sa tabi niya. Sinisi niya ang sarili dahil hindi siya nagising ng maaga para asikasuhin ang kaniyang asawa kaya naman kay Liam na lamang siya babawi. "Ah, talaga, mabuti naman, naghihintay ang mga labahan ko sa akin. O ito, kunin mo na!" Walang pakundangang ibinigay sa kaniya ni Dina ang bag at baunan ni Liam. Pababa na ng hagdan si Dina ngunit bumalik ulit at lumapit kay Selena.