Part 8

2040 Words
Part 8 "Ipinakita at pinatunayan sa atin ni Jose Carlo sa pamamagitan ng kanyang liham na walang kinikilalang mukha ang pag-ibig. At kung minsan ay mayroong malalim na rason o dahil kung bakit natin nakikilala ang isang tao. Maaaring ito ay tinakda sa atin ng kapalaran at maaari ring ito ay nakaukit na sa ating mga palad. "Tiyak kong maligaya sila ngayon lalo't natagpuan nina Lesly at Jose Carlo ang tahanang uuwian sa piling ng isa't isa at iyon ang mga bagay na dapat nilang ipagpasalamat. At ngayon ay batid ko rin na hinding hindi na sila mag iisa. Magulo man ang kanilang pagtatagpo ay ligaya pa rin ang dulot nito sa huli. "At natunghayan nating lahat ang kwento ni "BEKI GANGSTER". Ngayon ay inihahandog ko ang awiting pinasikat ni Michael Martin kina Lesly at Jose Carlo bilang themesong ng kanilang kwento. Ito ay may pinamagatang “Maybe This Time". Sana po ay nagustuhan niyo ang ating kasaysayan ngayong gabing ito. "Para naman po sa nais magpadala ng kanilang liham, maaari nyo po itong isend sa number 89 bldg. Dreame Romance Radio, New Avenue City. Ako po si DJ Midnight, magandang hating gabi," ang wika ko at dito ay pinatugtog ang kanta habang itinutupi ang liham na aking binasa. Matapos ang aking segment ay agad akong nag-ayos ng gamit at nag-abang ng taxi pauwi sa amin. Hindi ko maiwasang isipin kung ano na naman ang magiging reaksyon ng mga nakapakinig bukas ngunit alam ko naman maganda ang kwento at maganda rin ang aking pagkakalahad nito. Ito ang mga bagay na nasa isip ko habang nakatanaw sa bintana ng taxi. "Sir, ikaw po ba si DJ Midnight?" tanong ng lalaking driver. "At paano mo naman naisip na ako nga iyon?" tanong ko naman habang nakangiti. "Ramdam ko lang sir, saka bagay na bagay sa mukha mo yung lambing ng boses mo. Kakatapos ko nga lang pakinggan si Beki Gangster, tawa ako ng tawa dito," ang hirit nito. "Bolero. Bakit ginagabi ka naman yata ng husto sa pamamasada?" tanong ko naman. "Double kayod, nag-aaral ang bunso kong kapatid at may sakit si inay. Pag ddrive lang ang alam kong gawin dahil hindi naman ako nakatapos ng pag aaral," ang wika niya na may halong hiya. "Kung gaano ay mag iingat ka kapag ganitong oras dahil maraming masasamang loob," ang wika ko. "Pauwi na rin ako sir DJ, ako nga pala si Robert Esguera, pwede po bang pakibati naman ako bukas sa radyo?" tanong niya. "Oo naman, sure!" ang sagot ko. "Aabangan ko yan sir ha," nakangiti niyang tugon. "Oo naman, o paano pakitabi na lang dyan sa gawing kanto," ang tugon ko sabay abot ng aking pamasahe, dinadagdagan ko na ito. "Sir, sobra sobra po ito," ang wika niya sabay balik ng sobra. "Sa iyo na iyan, ibili mo ng gamot ang nanay mo tapos ay umuwi ka na dahil delikado na mamasada ng ganitong oras. Baka maya maya ay masamang tao pa ang madale mong isakay," ang pananakot ko. “Naku nakakahiya naman, salamat po sir, hindi ko tatanggihan ito dahil malaki talaga ang pangangailangan ko ngayon,” ang wika niya na may kasamang pagkahiya. “Ayos lang iyon, mag ingat ka,” ang tugon ko habang nakangiti. Si Robert ay nasa edad 24 at may taas na 5’7, halos kasing tanda ko lamang siya, ngunit makikita sa kanya ang pagnanais na makaalpas sa araw araw na pagsubok kaya inaabot ng hating o umaga sa pamamasada sa kanyang taxi. Gayon pa man ay masaya akong may maitulong sa kanya kahit sa simpleng bagay lamang. Lahat naman ng tao may kanya kanyang problema sa buhay, kahit naman ako isang malaking pagsubok rin sa akin ang pag-aalaga kina lolo at lola dahil mas madalas na silang nagkakasakit ngayon dala ng katandaan. Kaya naman every week end ay sinasahan ako ni Anna sa clinic para dalhin at ipa check up yung dalawang matanda. KINABUKASAN “Hijo, wala ka bang pasok? Bakit nandito ka pa, tanghali na,” ang wika ni lola habang nag aayos ng almusal. “La, linggo po ngayon, wala akong pasok. Kaya gagayak kayo at magpapa check up tayo sa doktor mainam na yung namomonitor natin ang kalusugan niyo,” ang tugon ko naman. “Naku yang lolo mo, ayaw uminom ng vitamins, ang laging sinasabi ay malakas pa daw siya at hindi niya ito kailangan, madiwari na talaga iyang matandang iyan,” ang hirit ni lola. “Alam mo naman si lolo medyo mataas ang pride, ayaw na ayaw masasabihan na siya ay nanghihina,” ang wika ko habang natatawa, gayon pa man ay malakas pa rin talaga si lolo kahit paano. Alas 10 ng umaga, nagpasya ako dalhin sina lola sa clinic upang kuhanan ng mga gamot. Habang naabang kami ay huminto ang isang taxi sa aming harapan, “sir sakay na!” ang wika nito habang nakangiti. Ito ay si Robert Esguera yung taxi driver na naghatid sa akin kagabi, natawa ako isinakay sina lola at lola sa kanila. Siya na rin ang naghatid sa amin sa clinic na hindi masyadong kalayuan. Pagdating doon ay tinulungan niya akong alalayang ibaba ang dalawang matanda na may kahinaan na rin ang tuhod. “Kasipag mo naman pala, wala ka talagang pahinga?” ang tanong ko sa kanya. “Kailangan kumayod sir kaya hindi uso ang araw ng Linggo sa akin. Ang swerte ng lolo at lola mo dahil nandiyan ka para alagaan sila, yung mga grand parents ko ay hindi ko naabutan,” ang wika niya habang nakapila. “Silang dalawa lang ang mayroon ako,” ang sagot ko naman. “Nasaan yung mga magulang mo?” tanong niya na may halong pag aalangan. “Ang nanay ko ay namatay noong ipanganak ako tapos yung tatay ko naman ay bumili lang ng suka sa tindahan tapos ay hindi na ito bumalik,” ang sagot ko sa kanyang tanong. “Literal? Seryoso yung tungkol sa tatay mo?” pagtataka niya “Oo, iyon talaga ang nangyari sa maniwala ka man o sa hindi. At iyon rin ang usapan ng mga tsimosa doon sa compound, mabuti nga wala na yung tatay ko kaya tumigil na rin ang tsimisan nila. Ang sabi natakot daw ito sa responsibilidad kaya ayun, nagtatakbo palayo. Ikaw bukod sa nanay mo? Nasaan yung tatay mo?” tanong ko naman. “Wow, ngayon ko lang narealize na nandito na tayo sa “getting to know” stage,” hirit niya sabay tawa, pero maya maya ay binawi rin niya ito, “ang tatay ko ay pumanaw na noong 3 years old ako dahil sa prostate cancer, ang nanay ko na lang at ang kapatid ko ang mayroon ako ngayon kaya heto doble kayod ako para sa kanila,” ang tugon niya. “Ikinilulungkot kong marinig ang tungkol sa tatay mo, pero anyway mamasada ka na dahil baka malate ka pa,” ang wika ko sabay lagay ng pera sa bulsa ng kanyang tshirt bilang upa sa paghahatid niya sa akin, may sukli itong 10 pesos pero hindi ko na kinuha. “Teka, paano kayo? Ihahatid ko na rin kayo pabalik,” ang wika niya. “Hindi na, sa haba ng pila ay baka abutin pa kami ng tanghalian dito, alam mo naman itong clinic ni Doctor Perez, bukod tanging kilinika na bukas ng linggo dito sa bayan kaya marami talaga ang pipila,” ang tugon ko naman sabay tapik sa kanyang balikat. Wala siyang nagawa kundi ang sumakay sa kanyang taxi at ituloy ang pamamasada, ako naman ay nakabantay lang kina lola sa pilahan sa lobby ng pagamutan. Ang hindi ko lamang maunawaan sa akin sarili na kung bakit kapag pinag uusapan ang aking tatay ay tila may inis akong nararamdaman bagamat iniisip ko kung nasaan na ba siya ngayon, siyempre ay kulang pa rin ang pagkatao ko at kailangan ko siyang makilala, para sumabatan, awayin at sermunan tungkol sa pang iiwan niya sa amin, pero ewan ko lang kung magagawa ko ba ito kapag kaharap ko na siya. “Lolo, iwas po tayo sa matatamis na pagkain at iwasan na rin ang pag inom inom,” ang wika ng doktor. “Oh, lo narinig mo ba yun? Sabihin mo kay mang Andoy na huwag na muna kayo iinom dahil bawal,” ang hirit ko naman dahilan para mapakunot ang noo ni lolo. “Anong bawal bawal? Walang bawal bawal!” ang asar na wika ni lolo. “Ano ka ba, bawal nga daw, huwag ngang matigas ang ulo mo,” ang hirit ni lola sabay katok sa kanya. Tawanan kami. “Anyway Vincent, im so proud of you, hindi ako mapaniwala na yung batang tinuli ko noon sa bukid ay isa pa palang DJ ngayon, naalala ko pa noong maghabulan tayo sa bukid dahil natatakot ka sa tuli. Pero ngayon ay naririnig na ang boses mo sa buong bansa. Batiin mo naman ako at banggitin mo ang kilnika natin. Gabi gabi akong nakikinig ng segment mo at natutuwa ako dahil may iba’t ibang inooffer ang mga story at liham mo doon. Assorted kumbaga hindi katulad doon sa ibang station na puro kalandian lang ng babae at lalaki ang binabasa. Mabuti ang pag offer ng iba’t ibang tipo ng pag ibig sa mga nakikinig upang hindi sila mag asawa. Hayaan mo at susulat rin ako ng love story ko para may maibahagi ako sa bansa,” ang wika ng doktor habang nakangiti. “Salamat po dok, huwag po kayong mag-alala dahil ako na ang bahala magbasa ng love story mo ON AIR,” ang sagot ko naman habang nakangiti. Alas 4 ng hapon noong makauwi kami nila lola galing sa bayan, pagkatapos kasi sa clinic ay ipinasyal ko pa sila at pinakain sa labas, binilhan ko rin sila ng mga vitamins at bagong damit. Pagdating namin sa bahay naabutan ko si Anna na umiiyak kaya naman nag alala ako at agad ko siyang nilapitan, “Anong nangyari sayo? Saka bakit nakapangkasal ka?” tanong ko sa kanya dahil nakasuot ito ng bestidang puti na lagpas tuhod. “Ano ka ba casual wear ko lang ito! Ang sakit sakit mas matindi pa sa papa bunot ko ng buhok sa ilong!” ang pag iyak niya. “Bakit ba kasi?” ang tanong ko ulit “Nakipag blind date ako, tapos pagdating ko doon ang akala ko ay magkaka boyfriend na ako pero mali pala dahil naghahanap lang siya ng dancer sa club at ako yung gusto niyang gawing bomba star doon!” ang pag iyak nito. “Dapat kasi kinilala mo munang mabuti yung pen pal mo bago mo imeet, saka di ka naman siguro mapapagkamalang mababang uri ng babae dahil sobrang pormal at desente ng itsura mo. In fact, mukha ka ngang madre sa suot mo. Huwag ka na umiyak malamang ay hindi pa lang dumarating yung tamang lalaki para sa iyo,” ang tugon ko naman sabay akbay sa kanya dahilan para lalo itong umiyak. “Kasi jowang jowa na ako! Winner na winner sana ako sa darating na Valentines!” ang pag iyak pa niya. “Kahit naman anong magandang payo ang ibigay ko sa iyo tiyak na hindi mo rin naman kakagatin kaya ang masasabi ko lang ay “try and try until you succeed.” “Bakit ganon?” tanong niya na may halong pagtataka. ”Kasi kahit naman sabihin ko huwag ka na muna mag boy friend at ipahinga mo muna yang sarili mo ay hindi ka rin naman mapipigilan kaya humanap ka na lang ng bago at subukan ulit hanggang sa magtagumpay ka,” ang tugon ko habang nakangiti. “Ganoon ba iyon?” tanong niya habang nagpapahid ng luha. “Yes, kaya huwag ka na umiyak dahil lalo kang pumapanget,” ang sagot ko dahilan para matawa siya. “Panget ba ako?” tanong niya ulit. “Katulad ng sinasabi ng nanay mo na si Aling Marites, maganda ka at maniwala ka sa sarili mo. At para sa kanya ay ikaw ang pinakamaganda sa lahat. Para sa akin ay ganoon rin, meaning same kami ng findings ng nanay mo tungkol sa kagandahan mo which is very rare type,” ang wika ko habang nakangiti. “Heh, ginawa mo naman ako alien species o dinosaur kaya?” ang pagmamaktol niya. Tawanan kami.. Itutuloy..
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD