Subalit huli na ang lahat.
"Ano ang nangyayari?" tanong ng reyna.
Naglabas na ng puting liwanag ang lagusan na 'yon. Sa tindi ng liwanag, napatakip at napapikit si Nathan ng mga mata. Ramdam niya ang mahigpit na pagkakahawak ni Xoria sa kaniyang braso. Napaangat ang kanilang mga katawan. Walang magawa si Nathan kundi ang pakiramdaman na lamang ang kaniyang katawan na lumulutang, papasok sa lagusan na 'yon.
Masyadong mabilis ang pangyayari.
Hindi na sila nakapaghanda.
Parang kisapmata lang ang lahat at naglaho ang matinding liwanag na bumabalot sa kanilang katawan. Napatigil sa ere, pero kaagad din silang nalaglag. Bumagsak si Xoria sa kaniyang likuran, habang siya naman ay nakadapa sa tuyong lupa.
"Nasaan na tayo?" tanong ni Xoria. Kaagad itong tumayo at inilalayan siya.
Pero ang mas magandang itanong talaga ay kung sino ang may pakana nito.
Inayos pa niya ang kaniyang sarili at nagtanggal ng dumi sa kaniyang damit.
Una niyang napansin ang isang malaking puno na bukod-tanging kumikinang sa lugar na iyon. Mahahalintulad sa puno ng manga, pero ginto ang lahat ng dahon, at kulay pula ang mga bunga. Hitik ito sa mga bunga at kapansin-pansin na wala man lang gumagalaw ng mga ito. Nagkalat din ang mga hinog na bunga sa paanan ng punongkahoy. Hindi tuloy mawari ni Nathan kung may may-ari ba sa kakaibang puno na 'to o wala.
Kailangan nilang maghanda at manigurong safe silang dalawa.
"Walang lagusan pabalik," mahinang sabi ni Xoria, habang pinupulot na ang gintong prutas sa lupa.
"Nakarating ka na ba sa lugar na 'to?" tanong ni Nathan. "At bakit mo naman pinupulot ang mga prutas na 'yan?"
"Para kainin."
Napataas ang kilay ni Nathan at nilapitan ang reyna. Walang alarmang hinampas niya ang kamay nito at hinayaang malaglag ulit ang mga prutas sa lupa. "Huwag mong pulutin," sita niya. "Hindi natin alam kung may lason ang mga iyan."
Umiiling-iling sa kaniya ang reyna. "Hindi tatalab sa akin ang lason."
"How can you be so sure, na hindi ka malalason? Are you out of your mind? Ang pagkakatanda, puso lang ang nawawala sa 'yo at hindi utak."
Nagtagis-bagang na naman silang dalawa. "Watch your mouth."
"You watch your mouth. Ikaw ang kakain at hindi ako."
Katulad nang inaasahan ni Nathan, hindi man lang nagbago ang expression ng mukha nito. "Pamilyar ang lugar na 'to. Mukhang nakarating na ako rito sa panaginip."
"Panaginip? Hindi ka sure? Magising ka, reyna. Hindi ito panaginip. Huwag mong ikumpara."
"At hindi ko rin alam."
"Hindi mo alam, o ayaw mo lang sabihin kung anong lugar 'to?"
"Palagi na lang ba tayong mag-aaway?"
Napabuntong-hininga na naman si Nathan, bago niya narinig ang mumunting halakhak na nanggagaling sa isa sa mga sanga sa malaking puno. Napahinto silang dalawa at tumingala sa pinanggalingan ng mga tawa na iyon. Wala naman ito kanina. Walang bata. Walang halakhak.
Bumungad sa kanilang dalawa ni Nathan ang batang babae na hindi nalalayo sa pitong taong gulang. Kasing-kulay ng araw ang pagkaginto ng buhok nitong kulot. Hindi katulad sa inaasahan ni Nathan, nakasuot lamang ito ng normal na T-shirt na may disenyo pa ng Hello Kitty at pajama. Pamilyar ang sobrang pagkaitim ng mga bata nitong nakatitig sa kaniya.
"Hindi ka tagarito, bata. Ikaw ba ang nagpapunta sa amin dito?" tanong niya.
Mabilis naming tumango ang bata sa pagsang-ayon habang pangiti-ngiti pa."Opo. Sa totoo po talaga, inutusan lamang po ako ni Kuya para dalhin po kayo. Pero, hindi ko po alam na may kasama po kayong babae."
Napanganga si Nathan sa pagkagulantang. Paano nangyaring may ganito kalakas na kapangyarihan ang isang puslit lang?
"Kilala mo ang bulinggit na iyan?"pagtatakang tanong ng reyna.
Muling humahalakhak ang batang babae at nawala na lang sa sanga. Wala pang isang segundo, nag-teleport na ito sa kanilang harapan nang nakangiti. At dahil sa kaunti na lamang ang kanilang distansiya, doon lang tinititigan nang husto ang mga mata nitong may kahawig.
Hawig na hawig sa dati niyang imortal na kalaban, hindi siya makapaniwala sa kaniyang reyalisasyon.
"Sabi ni Kuya Ivan, mag-usap daw po kayong dalawa. Kaso.. ayaw siyang paalisin ni Papa sa bahay dahil mayroon daw problema, kaya ako na lang ang inutusan ni Kuya. Huwag niyo na lang po akong isumbong kay Papa. Tiyak, sisermunan niya ako." Nakanguso pa ang bata habang napahalumikipkip pa sa kanilang harapan.
"Ikaw ang bunsong anak ni Nyx?" bulalas na tanong ni Nathan.
"Nyx? Tama ang pagkakadinig ko? Si Nyx?" kunot-noong tanong naman ni Xoria.
Napatigil si Nathan.
Kung gano'n, si Nyx ngang talaga ang sinasabi niyang misyon niya.
Para siyang gusto niyang mapangiwi sa realisasyon na iyon.
"Opo! Si Papa Nyx! Ako nga pala si Vicky" pangiting tugon ng bata sa kanilang harapan. "Tara na po. Humanda na kayong dalawa. Pupunta na tayo sa amin!"
Tama na ang kaniyang nadinig? Pupunta siya sa secret island ni Nyx?
Parang hindi pa niya kaya. Parang hindi pa niya kayang harapin ang lahat – ang masaklap na nakaraan, ang nakatagong kabiguan. Na kahit nagbago na ang kaniyang katauhan, mistula pa ring peklat ang sakit at pait ng dati niyang buhay.
At ang batang ito ay anak ng kaniyang kaaway noon na si Nyx. Hindi niya alam kung ano tuloy ang kaniyang nararamdaman sa mga oras na ito.
"Paano kami makakapasok?" tanong ng reyna sa bata. Ang mga mata nitong kumikinang sa kakarampot na pag-asa ang mas nagdala sa kaniya sa mas mainding pressure.
Tunay ba talaga itong nangyayari? Para kasing ayaw niyang maniwala.
"Humawak na lamang po kayo sa aking mga kamay, Ate Ganda. Pinagbabawal sa isla namin ang mga nilalang na hindi bisita. Kaya kailangan niyo pong humawak sa akin para makapasok tayo."
Muli na namang napatigil si Nathan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, pagkatapos ng trahedyang iyon, haharapin na niya ang imortal sa babaeng pinakamamahal niya noon. Ang imortal na siyang dahilan din nang pagkawala ng kaniyang posisyon sa Olympus.
"Naghihintay na si Kuya Ivan." Hinawakan ng bata ang kaniyang kanang kamay, samantalang hawak-hawak naman nito ang kaliwang kamay ni Xoria. "Pumunta na po tayo sa bahay... "