MAAGANG nagising si Nash kinabukasan. Halos hindi rin naman siya nakatulog ng maayos dahil sa naging presensiya ni Joanna. Ipinilig niya ang ulo. Sumasakit na rin ang ulo niya kakaisip dito. Kahit idinaan na niya sa paliligo ay wala pa ring nangyari. Sinuklay niya ang buhok at binilisan na ang paglalakad papunta sa may komedor kung saan nakahanda na raw ang agahan. Ang Kuya Nathan lang niya ang naabutan niya roon. Wala ang mga magulang niya. Baka napuyat dahil sa party kagabi. Balak sana niya itong tawagin nang mapansin na may tinititigan ito sa cellphone nito. Tahimik na nilapitan niya ito at buhat sa likuran nito ay sinilip niya kung ano ang kanina pa nitong tinititigan. Kumunot ang noo niya nang makita ang larawan nito kasama ang isang cute na cute na batang babae na sa tantiya niya