PAKIRAMDAM ni Jove ay inaapuyan ang kanyang katawan. Kahit hindi niya nakikita ay ramdam niya ang init ng tingin ni Serron sa kanya. Magmula nang umalis si Jegs ay wala nang umiimik sa kanila. Nagpapakaabala siya sa pagluluto, habang si Serron ay tahimik na nakaupo sa tapat ng hapagkainan. Pagkatapos niyang maluto ang ulam at kanin ay inihain na niya ang mga ito sa mesa. Kahit papano ay nag-abala pa si Serron na maghanda ng plato at iba pang kobyertos. Umupo siya sa katapat nitong silya at tahimik na kumuha ng pagkain. “May bawang ba itong niluto mo?” sa wakas ay wika ni Serron. Napilitan siyang tingnan ito. “Ahm, w-wala,” tipid niyang sagot. Saka lamang sinalinan ni Serron ng pagkain ang plato nito. Pagkatapos ay namayani na naman ang katahimikan. Naiilang siyang kumain sapagkat ramda