Sinalubong kaagad kami ng iilang sasakyan na nakaparada sa labas ng bahay ni Damon. Papasok pa lang kami ng gate nang magkatinginan kaming dalawa. Pareho kaming walang idea kung bakit maraming sasakyan na nakaparada sa labas ng gate at maging dito sa loob. "A-anong meron?" hindi ko na napigilan pa na tanungin si Damon. "Hindi ko alam. Wala rin akong idea." sagot niya tsaka napailing. Marami yata siyang bisita. Pero bakit hindi niya alam? Ipinarada ni Damon ang kotse sa loob ng garahe pagkatapos ay pinagbuksan niya rin ako. Natigilan ako nang humigpit ang hawak niya sa mga kamay ko. Magkaharap na kami ngayon kaya naman napatingala ako sa kaniya. "Huwag na natin pag-usapan pa ang nangyari ngayon." panimula niya. Nakatitig siya sa aking mga mata. Nakaramdam ako ng awa kay Damon.