"NAKU ngayon pa lang sasabihin ko na ang totoo, maswerte ang lalaking mapapangasawa mo dahil napakasarap mong magluto!" si Aling Malou iyon nang magkakaharap na silang kumakain ng hapunan. Sa sinabing iyon ng ginang ay nagulat na lamang siya nang bigla ay magkakasunod na umubo si Jason. Hindi nagtagal ay inabot nito ang baso ng tubig saka uminom. Bahagya pa siyang nagulat nang biglang mag-angat ng tingin ang binata saka nito sinalubong ang mga titig niya nang may amusement sa mga mata. "Talagang maswerte," si Mama Loida iyon na sinagot ang sinabi ni Aling Malou. Nahihiyang ngumiti lang si Jenny at pagkatapos ay ipinagpatuloy ang tahimik na pagkain. Kanina sa kusina habang nagluluto siya ay mas pinili niyang huwag nang masyadong kibuin si Jason. Naiinis kasi siya sa inasal nito kanina