"Napakalalim yata ng iniisip mo, Brianna." Marahas na napalingon si Brianna sa kanyang likuran nang mula roon ay narinig niya ang tinig ng kanyang Tiya Nimfa. Galing ito sa kanilang kusina at nang makita siyang nakatayo pa sa may hamba ng kanilang pintuan ay agad siyang nilapitan sa halip na tumuloy na sa silid ng mga ito. Sa halip na sagutin ang mga sinabi nito ay nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga bago muling ibinalik ang kanyang paningin sa labas ng kanilang bahay. Pasado alas-otso pa lang ng gabi. Katatapos lang nilang maghapunan at inako na nga ng tiyahin niya ang pagliligpit ng kanilang mga pinagkainan. Ang kanyang Tiyo Orlando ay nasa loob na ng silid ng mga ito sapagkat kanina pa ito inaatake ng rayuma. Si Kristy naman ay ipinagpatuloy na ang paggawa ng mga sch