Pagod na ako sa kakaiyak pero hindi ko pa rin kayang pigilan ang sarili kong umiyak.
Pati ang utak ko ay hindi na yata gumagana dahil sa aking natuklasan.
Pakiramdam ko ay hindi na kayang mag-isip kung ano ang tama at mali sa aking pasya.
"You just killed me instead!" mahina ngunit may diin kong turan at pati ang sarili ko ay sinasaktan ko na rin.
Wala na akong pakialam kong magmukha akong pangit sa harap niya.
Kahit magmukha man akong baliw at tanga ay hindi ko na iniisip pa.
Mabilis niya akong pinigilan at hinawakan ang mga kamay ko upang hindi ako makagalaw.
Kahit ilang beses man niya ako subukang yakapin ay nagpupumiglas pa rin ako.
Umiiyak ako nang malakas na para bang namatayan ng mahal sa buhay.
Dahil sa totoo lang parang hindi ko na alam dahil kahit sukatin ko pa kung gaano kasakit ay hindi ko magawa.
"Dawn, patawarin mo ako," umiiyak niya ring sabi at halatang nakokonsinsiya sa kaniyang ginawa.
Umiiling ako. "Petrus paano mo ako nagawang saktan ng ganito? Paano?" patuloy kong tanong at ang paghikbi at nagpatuloy pa rin.
Hindi ko rin alam kung alin ang totoo at hindi sa pinapakita niya sa akin.
"Dawn, hindi ko sinasadya," malungkot niyang sabi at parang natatakot sa inasta ko.
"Hindi sinsadya." Sinampal ko ulit siya sa mukha. "Hindi mo sinasadya pero paulit-ulit mong ginagawa!" Malakas kong sigaw habang nagliliparan ang mga hampas ko sa mukha niya. "Minahal mo ba talaga ako Petrus?" patuloy kong tanong sa kaniya at umiiyak na rin ito sa harap ko.
Hanggang sa hindi ko na nakayanan ang sakit. Ang huli kong natatandaan ay bumagsak na ako sa sahig dahil sa pagod at nawalan na lang bigla ng malay.
Nagising ako ng madaling araw at nakita kong hindi pa natutulog si Petrus.
Nakaupo siya sa gilid at mukhang binantayan niya akong buong gabi.
Nang makita niya akong nagising ay kaagad siyang tumayo sa silyang inuupuan niya.
Lumapit siya sa akin at pinigilan akong bumangon.
"Please, magpahinga ka muna," malungkot niyang mando sa akin.
Pero nagmatigas ako bumangon ako at bumaba ng kama.
Dahan-dahan akong naglakad dahil medyo nahihilo pa ako.
Napansin ko rin na malinis na ang paligid tanda na nilinis niya ang lahat nang ginawa kong kalat kagabi.
Napahinto ako saglit dahil wala pa akong masyadong lakas kaya bawat hakbang ay pinapakiramdaman ko ang aking sarili.
Hinanap ko ang aking maleta ngunit hindi ko na ito makita.
Nang tinungo ko ang walking closet naming dalawa ay naka-lock lahat.
Kaya bumalik ako sa kaniya at hiningi ang susi.
Nilahad ko ang kamay ko at alam kong naiintindihan niya ang ibig kong sabihin.
"Dawn, please." Niyakap niya ako nang mahigpit at nakita ko ang pagtulo ng kaniyang mga luha. "Please... huwag kang umalis. Mahal na mahal kita, Dawn. Please huwag mo akong iwan ng ganito. Alam kong nagkamali ako pero bigyan mo pa ako ng pagkakataong ipakita sa iyo kung gaano kita kamahal," nagsusumamo niyang wika at puno ng pagmamakaawa ang kaniyang boses.
Napapikit na lang ako dahil sa tuwing nakikita kong nasasaktan siya ay nasasaktan din ako.
At sa tuwing nakikita ko siyang nahihirapan ay nahihirapan din ako. Pero ang hindi ko alam ay kung kakayanin ko pa bang magtiis kasama siya.
"Pangako puputulin ko na kung ano man ang namamagitan sa amin. Huwag mo lang akong iwan, kahit ngayon lang pagbigyan mo ako ulit," madamdamin niyang sabi at gumagalaw na rin ang kaniyang mga balikat habang yakap ako.
Gusto ko mang tapangan ang sarili ko pero pagdating sa kaniya ay lumalambot pa rin ito.
At tuluyan na ngang nag-uunahan ang pagbagsak ng aking mga luha sa mata.
Hinayaan ko siyang yumakap sa akin habang umiiyak ito at hindi ko na siya sinaway sa ginawa niya.
Buntonghininga ako. "Mahal mo nga ba talaga ako, Petrus?" malamig kong tanong sa kaniya.
"Mahal na mahal kita, Dawn. Sobra at hindi ko kakayaning mawala ka sa akin," sabi niya at mas humigpit pa ang kaniyang yakap sa akin.
"Kung mahal mo ako bakit nagmahal ka pa ng iba? Alam mong isa lang ang puso mo, Petrus!" mahinahon kong sabi pero malungkot pa rin ang aking boses.
"Pinagsisihan ko na 'yon, Dawn patawarin mo ako. Isa iyong pagkakamali at inaamin kong kasalanan ko. Pangako gagawin ko ang lahat mapatawad mo lang ako. Huwag ka lang umalis, pinapangako kong hindi na 'to mauulit," pagsusumamo niyang ani.
"Masaya ka pa ba sa relasyon nating dalawa, Petrus? Mukhang napapansin kong hindi na kaya huwag mo ng ipilit ang hindi na kayang ayusin. Kung masaya ka sa kaniya malaya kang iwan ako."
Tinulak ko siya nang mahina para matanggal ang yakap niya sa akin.
Siya naman ay nakayuko lang sa kinatatayuan niya at wala ng nagawa pa.
Naglakad ako patungo sa banyo at sinigurong naka-lock ang pinto.
At doon ako nagpatuloy sa pag-iyak, pinipigilan ko ang sariling makagawa nang inggay pero hindi ko magawa kahit na ano'ng subok ko.
Kusang lumalabas sa bibig ko ang inggay at para na akong mamatay sa sobrang sakit.
Madaling araw pa lang akong pumasok sa banyo ngunit naglaan ako ng mahabang oras para manatili sa loob.
Nang tingnan ko ang wall clock na nakasabit sa dingding ay nakita kong alas nuebe na ng umaga.
Kumakalam na rin ang aking sikmura pero wala akong ganang kumain.
Mas gusto ko pang uminom na lang ng alak ng ganito kaaga.
"Dawn, kumain ka na," aya sa akin ni Petrus at sinalubong ako paglabas ko ng kwarto.
Tinitigan ko lang siya at ilang sandali ay napabuntong hininga na lang.
"Busog pa ako," pagsisinungaling ko rito.
Dumiretso na ako sa kusina at kumuha ng malamig na tubig.
Masyado ng tuyo ang aking lalamunan dahil sa walang tigil na pag-iyak.
Matapos magsalin ng tubig sa baso ay dinala ko ito sa sala at doon umupo.
Nakatulala lang ako roon at hindi ko namamalayang lumapit pala sa akin si Petrus at binuksan ang TV.
Hindi ko siya tiningnan at naglakad ako patungo sa veranda para iwasan siya.
Tinitigan ko ang labas at nakitang napakaganda ng panahon ngayon.
Kulay asul ang langit at presko rin ang ihip ng hangin.
May mga ulap rin na kay puti na mas lalong nagpaganda sa langit.
Ngunit kahit ano'ng ganda ng nakikita ng aking mga mata ay hindi ko pa rin magawang ngumiti at pumuri.
Dahil sa nangyari ay hindi na ako nakapagpaalam sa kaibigan na hindi ako makakapasok sa trabaho.
Kaya bumalik ako sa kwarto at hinanap ang cellphone ko dahil nakalimutan ko kung saan ko ito nailagay.
Hinalungkat ko sa aking shoulder bag pero hindi ko pa rin makita.
Naglakad ako patungo sa laundry basket at kinapkap ang sinuot ka kahapon ngunit hindi ko nakita.
Bumalik ako sa kwarto at tinignan sa kung saan. Binuklat ko ang malambot at makapal na comforter pero wala pa rin doon sa kama.
Iniisa-isa ko ang drawer, nang bigla kong maalala na nagbasag ako ng mga gamit kagabi.
Dali-dali kong tinungo kong saan nakalagay ang trash bin at doon ko nakitang wasak na wasak na ang cellphone ko.
Nawala na ako sa huwisyo ko kagabi kaya lahat ng nahahawakan ko ay wala akong naipalampas.
Napasabunot na lang ako sa aking buhok at walang nagawa kundi pulutin ito upang makuha ko ang sim sa loob.