HINAPLOS niya ang kaniyang mukha habang pinagmamasdan ang repleksiyon sa salamin. Hindi siya lubos makapaniwala na maibabalik pa ang kaniyang dating anyo. Muli siyang sumalang sa isa pang surgery dahil sa malalim na hiwa at nag-iwan ng malaking pilat sa kanang pisngi noon. Siya na muli si Aleli. Wala na ang bakas ng mukha ni Elaine sa kaniya. Wala na ang hiram na mukha. Pagkatapos ng operasyon, ginanap ang kasal nila ni Clint. Engrande at talagang ginastusan iyon ng asawa. Hindi raw ito makapapayag na hindi bigyan ng magarbong kasal ang nag-iisang babaeng minamahal. Sa paglipas ng araw, lalong minamahal niya si Clint. Buo na ang pamilyang pinangarap nila noong teenager pa lamang sila. Isang buwan matapos ang kasal, nalaman nilang isang buwan na siyang buntis. Wala nang mas liligaya p