Halos lahat ng tauhan namin ay naririto na sa aming mansyon. Marami kaming pinahanda para sa kanila at kita ko ang kasiyahan sa kanilang mga mukha. Maya-maya ay dumating naman si Mang Abner kasama si Charisse at ang lola niyang si Manang Gloria. Sinalubong ko naman sila at nagmano kay Manang Gloria.
"Halina po kayo para makakain na po kayo," yaya ko naman sa kanila. Ilang minuto pa ang lumipas ay dumating naman si Lolo Tacio na may bitbit na isang tupperware.
"Lolo Tacio ano po iyang bitbit niyo?" Salubong ko sa kan'ya at kinuha ang bitbit niyang tupperware.
"Para sa iyo 'yan apo"
"Naku Lolo nag-abala ka pa"
"Alam ko kasing matagal ka ng hindi nakakatikim niyan kaya niluto ko 'yan para sa'yo"
"Sinantolan lolo?" Tumango naman siya at malapad na ngumiti sa akin. Madalas niya akong igawa ng sinantolan sa tuwing uuwi ako rito sa amin. Naging paborito ko na rin ito dahil sa sarap niyang magluto nito. Naupo naman kami kasama sila Mang Abner sa iisang lamesa at katabi ko naman si Charisse.
"Sir Roco bakit hindi niyo po ligawan si Charisse? Tutal bagay naman po kayo at isa pa matagal niyo ng kilala ang isa't-isa," tanong sa akin ng isa sa aming tauhan. Tinignan ko naman si Charisse at tipid na ngumiti.
"Magkaibigan lang kami ni Charisse"
"Ikaw talaga kung ano-ano ang sinasabi niyo sa amo natin nakakahiya," saway ni Mang Abner.
"Okay lang po Mang Abner"
"Naku Abner masyadong loyal itong si Roco sa apo ko," sabat ni Lolo Tacio.
"Lolo naman"
"May kasintahan ka na?" napatingin akong bigla kay Charisse na malungot ang kaniyang mukha.
"Ahm, Cha-charisse hindi ko naman siya kasintahan"
"Pero gusto mo siya?" Hindi kaagad ako nakasagot at sinulyapan naman sila Mang Abner na matamang nakatingin din sa akin. Marahan naman akong tumango at mapait siyang ngumiti sa akin.
"Ah, sir siyanga pala bukas na bukas dadating na po iyong kukuha ng mga prutas para maideliver sa Maynila," pag-iiba naman ni Mang Abner.
"Ah, s-sige ho maaga na lang po ako pupunta bukas doon para asikasuhin ang mga idedeliver"
"Sige po Sir Roco."
Hindi ko naman namamalayan na marami na palang naiinom si Charisse na alak at halata sa mukha niya ang pamumula.
"Charisse ayos ka lang? Saka ang dami mo ng naiinom ah." Tumingin naman siya sa akin na namumungay na ang mga mata.
"Ayos lang ako Roco." Iinumin pa sana niya ang isang bote ngunit pinigilan ko na ito. Nauna na sila Mang Abner at Manang Gloria umuwi dahil maaga pa raw pupunta ng bayan si Manang Gloria para magtinda.
Inihabilin na lang nila sa akin si Charisse para ihatid ko na lamang siya pauwi sa kanila.
"Naku apo mukhang lasing na si Charisse, ang mabuti pa ihatid mo na lang muna siya sa kanila," baling sa akin ni Lolo Tacio. Napabuntong hininga na lang ako at inalalayan na si Charisse makatayo.
"Lolo hintayin niyo po ako ihahatid ko lang siya sa kanila," tumango lamang siya at inalalayan ko namang maglakad si Charisse papunta sa aking sasakyan.
Nang makapasok na kami sa sasakyan ay sinulyapan ko muna siya na nakasandal at nakapikit na ang mga mata. Papaandarin ko na sana ang sasakyan ng magsalita siya.
"Bakit hindi mo 'ko magustuhan? Mahal kita matagal na. Sana ako na lang." Kasabay noon ay pagpatak naman ng kaniyang mga luha. Pinunasan ko naman ito gamit ang aking hinalalaki at hinawakan ang kaniyang pisngi.
"I'm so sorry Charisse," nasabi ko na lang sa kaniya. Matapos kong ihatid si Charisse sa kanila ay hinanap ko naman kaagad si Lolo Tacio at nakita kong kausap na niya si Lucas at Gascon kasama pa ang iba naming tauhan. Naupo naman ako sa tabi ni Lolo at kaharap naman namin ang dalawa kong kapatid.
"Teka nasaan si Trevor?" Nagpalinga-linga pa ako para hanapin ang isa kong kapatid.
"Kausap ni mama," sagot ni Gascon at sumimsim ng kaniyang alak.
"Bakit daw?"
"Pinapapunta na siya ng London ang kaso ayaw naman ni Trevor"
"Bakit biglaan naman? May ginawa na naman siguro iyang si Trevor?" Nagkibit balikat lang si Lucas.
"Ikaw hinatid mo na ba 'yong best friend mo?" Nakangising tanong ni Lucas.
"Yes," irap ko sa kaniya.
"Bakit kasi apo hindi mo na lang ibaling sa kaniya ang pagtingin mo?" Hinarap ko naman si Lolo Tacio na seryosong nakatingin sa akin.
"He's right Roco, mahal mo nga si Ianne pero may mahal naman siyang iba," wika naman ni Gascon.
"Apo, sa totoo lang botong-boto ako sa'yo para sa kaniya kaya lang baka ikaw naman ang masaktan"
"Lo, 'wag po kayong mag-alala hindi naman po ako umaasa eh. Gusto ko lang siyang mahalin kahit na walang kapalit." Marahan naman niya akong tinapik sa aking balikat at ininom ang natitira kong alak sa aking baso.
Kinabukasan ay maaga akong nagtungo sa aming lupain dahil ngayon nila ikakarga ang mga naani para ideliver sa Maynila. Naging abala naman ako simula ng dumating ako dito sa aming probinsya. Ako na ang nag-aasikaso ng mga negosyo namin dito dahil ang tatlo kong kapatid ay may sari-sarili rin silang pinagkakaabalahang negosyo sa iba't-ibang lugar.
Tanghali na ng umuwi ako ng mansyon ay naabutan ko naman si mama sa kusina na nagbebake. Napahinto naman ako ng mapansin si Charisse na kasama ni mama. Sabay pa silang napatingin sa akin at nakangiti akong binalingan ni Charisse. Lumapit ako sa kanila at naupo sa counter.
"Anong binebake niyo ma?"
"Nagpapatulong kasi akong gumawa rito kay Charisse ng chiffon cake, balita ko kasi masarap daw siyang gumawa no'n"
"Talaga?" Binalingan ko naman si Charisse na tila nahihiya pa akong tignan. Bigla ko namang naalala ang sinabi niya kagabi kaya napaiwas na lang din ako ng tingin.
"Naku anak, kapag natikman mo baka ma-in love ka na sa kaniya niyan!"
"Ma!"
"Sige na anak maligo ka na muna at pagbaba mo tiyak tapos na rin kami." Napailing na lang ako at nagtungo muna sa aking kuwarto para maligo.
Mabilis lang akong naligo at nagsuot lang ako ng black t-shirt at khaki short. Nang makababa na ako ay naabutan ko ng nag-aayos si mama at Charisse sa dining.
"Wow! Mukhang masarap 'yang ginawa nio ah!" Umupo naman ako sa tabi ni mama at sa harap ko naman si Charisse.
"Syempre anak tinuruan ako ni Charisse eh," masayang wika niya sa akin. "Ang gusto ko sanang mapangasawa mo anak iyong marunong magluto katulad niyang si Charisse," nasamid akong bigla pagka-inom ko naman ng tubig at tinitigan si Charisse.
"Ma naman__"
"I know hijo na magkaibigan lang kayo nitong si Charisse, malay mo naman 'di ba? What do you think Charisse?"
"P-po? Tumingin muna siya sa akin at binalingang muli si mama. "Ahm, t-tita may iba po kasing gusto si Roco eh"
"Totoo hijo?" Gulat akong tinignan ni mama at napabuntong hininga naman ako dahil hindi ko alam ang sasabihin sa kan'ya. Mabuti sana kung pareho rin kami ng nararamdaman. E ang kaso mahal ko s'ya pero hindi niya ako kilala. Minamahal ko lang siya ng hindi niya alam.
"Yes ma," malungkot kong wika sa kan'ya.
"Anak mabuti naman! Kailan ko siya makikilala?!" Kita ko sa mga mata niya ang saya. Hinawakan ko ang mga kamay niya at ngumiti sa kaniya.
"Soon ma, medyo busy pa po kasi siya ngayon eh"
"Basta I want to meet her soon hijo. Excited na akong magkaroon ng maraming apo." Narinig naman namin ang pagtikhim ni Charisse kaya nabaling sa kaniya ang atensyon namin.
"Kain na po tayo, baka kasi lumamig na eh"
"Ah oo nga pala, tikman mo lahat 'yan anak masarap yan. Basta si Charisse ang gumawa"
"Oo naman, masarap talagang magluto si Charisse. Swerte ang mapapangasawa niya," tipid naman siyang ngumiti sa akin. Pagkatapos naming kumain ay naglakad-lakad muna kami ni Charisse malapit sa mansyon. Pumunta naman kami sa dati naming tinatambayan noong mga bata pa lang kami. Naupo kami sa ilalim ng puno at pinagmamasdan ang lawak ng lupain.
"Bakit mo siya mahal?" Mabilis akong napatingin sa kaniya at siya naman ay malayo ang tingin.
"I don't know Charisse, basta ko na lang naramdaman ito sa kaniya una ko siyang makita"
"Puwede ba 'yon? Una mo pa lang siyang makita mahal mo na siya kaagad?"
"I know her for so long, pero hindi niya alam. Matagal ko na siyang sinusubaybayan, kung tutuusin nga kiala ko na halos ang buong pagkatao niya"
"Pero bakit hindi ka magpakilala sa kaniya? Para ka tuloy stalker niya. Mahal mo siya pero hindi mo masabi sa kaniya.
"Because she have someone else." Natahimik kaming pareho at ako nama'y napayuko. Sa tuwing makikita ko siyang masaya sa boyfriend niya ay parang pinipiga ang puso ko. Alam kong wala akong karapatan dahil hindi naman siya naging akin.
"Matagal na kitang gusto Roco, gusto kong sabihin na sana ako na lang. Sana ako na lang siya. Sana__" hindi na niya naituloy ang sasabihin niya ng bigla niya akong halikan na siyang ikinagulat ko. Mabilis ko siyang inilayo at kunot noong tinitigan siya.
"Charisse! What do you think you are doing?!"
"Mahal kita Roco! Bakit hindi na lang ako? Bakit siya pa na hindi ka naman mahal! Ano bang nagustuhan mo sa kaniya? Kung gusto mo magiging katulad niya rin ako mahalin mo lang ako," garalgal niyang wika sa akin.
"Charisse you don't understand"
"Ano ba ang dapat kong maintindihan? Ikaw ang hindi nakakaintindi Roco! Hindi ka niya mahal!" Natigilan naman ako at umiwas ng tingin sa kaniya. Maya-maya pa ay tumayo na rin ako.
"Let's go baka hinahanap ka na sa inyo" hindi ko na siya hinintay pang makapagsalita at nauna na rin ako sa kaniya maglakad palayo.