"Lolo Tacio pupunta na po ba kayo sa palengke?" wika ko habang pababa ako ng hagdan at nakita kong paalis na siya.
"Oo apo kailangan kong makabenta at maubos ang mga panindang isda para may maibayad sa utang"
"Samahan ko na po kayo lolo tutal wala naman po akong gagawin eh"
"Aba apo napaka-aga pa, alas-kuwatro pa lang ng madaling araw bakit ang aga mong magising?" Gulat niyang wika sa akin.
"Nasanay na rin naman po akong maagang nagigising saka tatlong linggo na kong namamalagi rito nakakasanayan ko na rin naman po"
"Apo iba kasi ang trabaho roon at isa pa mangangamoy isda ka ganda mo pa naman tapos amoy isda ka," biro ni lolo Tacio na ikinatawa namin pareho.
"Si lolo talaga. Sige na lolo gusto ko rin naman pong makatulong saka bakit si Rocky guwapo rin naman pero okay lang mag-amoy isda?" Kita ko ang mapanuksong tingin niya sa akin na ikinataka ko.
"Apo anong tingin mo kay Rocky?"
"H-ho? A-ano pong ibig niyong sabihin lolo?"
"Ang ibig kong sabihin, okay lang ba siya para sa'yo?"
"Mabait po siya lolo at higit sa lahat masarap siyang kasama," tumango lamang siya sa akin at saka ngumiti.
"O siya halika na apo at baka dumating na 'yong magbabagsak ng isda sa palengke." Umalis na kami at sumakay na lamang ng tricycle papunta sa palengke.
At nang makarating na kami kung saan ang puwesto niya ay naabutan naming nagbabagsak na ng mga panindang isda. Inayos na namin ni lolo ang mga isda na nakalagay sa palanggana at ako na rin ang naglagay ng yelo sa mga isda.
"Apo ako na riyan baka napapagod ka na"
"Okay lang po lolo, nag-eenjoy nga po ako eh!" Nakangiti kong wika sa kan'ya.
"Ano namang nakaka-enjoy sa paglilinis ng isda?!" Napatingin ako sa aking bandang likuran at napansin ko ang medyo may katangkaran sa aking babae na hindi nalalayo ang edad sa 'kin. Tinignan ko naman siya mula ulo hanggang paa. Nakasuot siya ng maiksing short at naka-off shoulder na kita pa ang pusod. Mas lalo na nagpataas ng kilay ko nang makita na sobrang kapal ng make-up niya at ang nguso akala mo'y sinuntok ng ilang beses dahil sa pulang-pula ang labi nito.
"Excuse me? Who are you?"
"Hoy! Huwag mo nga akong maingles-ingles diyan ha! Anong sinasabi mong nakaka-enjoy? Sinong taong tanga ang mag-eenjoy sa ganitong klaseng trabaho aber?"
"Bakit ano bang masama sa ganitong klaseng trabaho? Marangal naman 'to ah, walang masama kung nagtitinda lang ng isda ang kinabubuhay namin. Ang masama 'yang itsura mo! Sa palengke lang naman ang punta mo pero parang naligaw ka yata?" Mapang-asar kong saad sa kan'ya.
"Aba ang tarantadang ito!" Lumapit naman sa kan'ya ang may edad na babae at inawat siya ng akmang susugurin niya ako. Ganoon din si lolo Tacio na lumapit sa kinaroroonan ko.
"P-pasensiya na kayo hija ah? Ganito talaga itong anak ko"
"Bakit ba kasi sinama-sama mo pa ako rito?! Ang baho-baho wala rin naman akong gagawin dito!" Tumalikod na siya at padabog na bumalik sa kanilang puwesto.
"Pasensiya na talaga kayo lolo Tacio sa anak kong 'yon ha?"
"Naku ayos lang Sonia"
"Hija pasensiya ka na sa inasal ni Jenny," baling naman sa akin ng kaniyang ina.
"Pasensiya na rin po kayo kung napagtaasan ko siya ng boses hindi ko lang gusto iyong mga sinabi niya eh"
"Ganoon talaga siya pero mabait naman siya noon nagkaganiyan lang siya noong__"
"Ma ano ba?!" Tsismis ka ng tsismis diyan! Tapusin na natin ito dahil ayoko ng manatili rito!" Sigaw ng kaniyang anak. Kung hindi lang talaga dahil sa mama niya baka binato ko na siya ng isang palangganang isda. Nalungkot naman ako ng bigla kong maalala si mama. Namimiss ko na siya at iniisip kung kumusta na ang kalagayan niya. Sana ay okay na siya at tatawagan ko na lamang mamaya si River upang makibalita sa kanila mamaya.
Pagpatak ng liwanag ay dumadagsa na rin ang mga namimili rito sa palengke. Tinutulungan ko naman si lolo Tacio at tinuturo rin sa akin kung paano ang tamang pagkaliskis at paglilinis ng isda. Sa totoo lang mahirap ang trabaho niya pero marami rin naman akong natututunan dito na hindi ko nararanasan noon. Ang pagiging simple sa buhay at kumayod para lang may makain sa pang araw-araw. Ngayon, alam ko na kung ano ang gusto ko sa buhay ang mamuhay ng simple kasama ang magiging pamilya ko.
"Isda kayo riyan! Isda!" Sigaw ni lolo Tacio. Pinagmamasdan ko lamang siya habang nagtatawag para bumili ng kaniyang paninda. Ito ang madalas niya sigurong gawin sa araw-araw. Naaawa naman ako sa kaniya dahil sa matanda na rin siya ay kinailangan niya pang magtrabaho para sa kanilang dalawa ni lola Minda. Ito rin siguro ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang malasakit ni Rocky sa dalawang matanda. Bukod sa walang anak at apo sila, si Rocky na rin ang itinuring nilang apo. Ipinapangako ko naman sa aking sarili na kapag nakabalik na ako sa amin at natapos ang problema ko ay tutulungan ko sila lolo at lola.
Lumapit ako kay lolo Tacio na nasa harapan habang patuloy pa rin siya sa kaniyang pagsigaw. Pansin ko naman na medyo hinahapo na rin siya dahil sa kakasigaw.
"Lolo Tacio magpahinga na muna po kayo ako na ang bahala rito"
"Naku apo huwag mo akong alalahanin kaya ko pa naman"
"Lolo sige na po ako na ang bahala maupo na muna kayo riyan," pinaupo ko muna siya sa isang tabi at ako na mismo ang nagtatawag tulad ng ginagawa ni lolo Tacio kanina.
"Isda! Bili na kayo ng isda! Kapag bumili kayo may libreng power hug ko!" Tumingin naman ako kay lolo Tacio at nanlaki pa ang mga mata niya dahil sa gulat. Kinindatan ko naman siya at nagpatuloy sa aking ginagawa.
"Miss kapag maraming binili dapat may libreng kiss!" Wika naman ng medyo bata-batang lalaki.
"Okay sige sa pisngi lang ha?" Dahil sa sinabi kong iyon ay nagsilapitan naman ang mga customer at halos lahat ay puro kalalakihan. Nanlaki ang mga mata ko at napangiti na lamang dahil effective pala ang tricks ko na 'yon.
Si lolo Tacio ang naglilinis ng mga isda at ako naman ang tiga-bigay at syempre ang free nila. Nakakatuwa lang dahil hindi rin naman sila mapagsamantala tulad ng iba.
"Ate may boyfriend ka na ba? Baka puwede akong mag-apply?" saad sa akin ng isang customer at napangiti naman ako dahil sa ka-cutan niya.
"Ilang taon ka na ba? Tuli ka na ba?"
"Si ate talaga! Binibiro lang kita," natawa naman ako dahil may pagnguso pa siyang hinarap ako. Ginulo ko naman ang buhok niya at hinalikan na lang siya sa kaniyang magkabilang pisngi. Pansin ko naman ang pamumula ng kaniyang pisngi dahil sa kilig.
"Sige na umuwi ka na at baka hinahanap ka na sa inyo"
"Sige ate babalik ulit ako para may libre kiss ulit," tumalikod na siya at bitbit na ang binili niyang isda. Naiiling na natatawa na lang ako dahil sa kaniyang tinuran.
"Apo, naubos na ang lahat ng paninda natin," masayang wika sa akin ni lolo Tacio. Lumapit naman ako sa kaniya at tinanggal ko muna ang suot kong apron.
"Ayos ba ang pakulo ko lolo?"
"Naku apo baka magalit na sa atin ang ibang nagtitinda rito"
"Well, well, simpleng maharot ka rin pala ano?" Napabaling naman ang tingin namin ni lolo Tacio sa kung sino ang nagsalita. Napairap na lang ako dahil sa klase ng tingin niya. Mukhang mapapa-away na naman yata ako sa isang ito.
"Tinutulungan ko lang si lolo okay!"
"Ang sabihin mo maharot ka lang talaga! Ginagamit mo 'yang itsura mo para makalandi!" Susugurin ko na sana siya ng pigilan ako ni lolo Tacio at huminga na lang ako ng malalim para pakalmahin ang sarili ko.
"Kung naiinggit ka puwede mo rin namang gawin 'yong ginawa ko! Kung tutuusin nga mas bagay sa'yo 'yon eh!"
"Aba ang tarantadang ito! Hoy bagong salta ka lang dito at kilalanin mo kung sino ang binabangga mo ah!"
"Jenny anak! Puwede ba tumigil ka na! Nakakahiya na sa mga tao," saway ng kaniyang ina.
"So ako na naman ang masama?! Puwede ba huwag kang maglinis-linisan diyan at huwag mo akong tatawaging anak dahil hindi kita ina!" Sabay alis niya pagkasabi niyang iyon. Pareho naman kaming nakatanaw sa mag-ina nang sundan niya si Jenny na palabas na ng palengke.
"Bakit ganoon na lang ang trato niya sa mama niya lolo? Tapos sinabi niya pa na hindi niya raw nanay si aling Sonia.
"Sinisisi kasi ni Jenny ang mama niya sa pagkamatay ng tatay niya. Close kasi sila ng papa niya kaya ganoon na lamang ang galit niya sa kaniyang ina," paliwanag naman ni lolo Tacio. Naalala kong bigla ang mga magulang ko. Napayuko na lamang ako at nagbabadya nang pumatak ang aking mga luha. Lumapit akin si lolo Tacio at niyakap ako na tila alam niya ang aking nararamdaman.
"Miss ko na sila lolo pero hindi pa ako puwedeng umuwi. Gusto ko na silang mayakap," umiiyak kong wika sa kaniya. Hinarap naman niya ako at pinunasan ang luha ko sa aking pisngi.
"Apo, huwag kang mag-alala magiging maayos din ang lahat magtiwala ka lamang. At sana magtiwala ka rin kay Rocky." Hindi ko maintindihan pero parang may laman ang sinabing iyon ni lolo Tacio. Magsasalita pa sana ako ng may biglang lumapit sa aming tatlong lalaki na malalaki ang pangangatawan.
"Hoy tanda! Maniningil na kami ng pagkakautang mo!"
"P-pwede bang kalahati muna ang ibigay ko sa inyo?"
"Hoy tanda! Nawawalan na kami ng pasensiya sa'yo ah!" Sigaw niya kay lolo Tacio na nanlilisik pa ang mga mata.
"Teka nga lang wala kang galang sa nakakatanda sa'yo ah! Puwede ka namang maningil ng maayos eh"
"Huwag kang makikialam dito kung ayaw mong madamay!" Duro niya pa sa akin.
"Apo, hayaan mo na sila ayos lang ako"
"Lolo hindi na makatarungan 'yong ginagawa nila"
"At ano ang makatarungan ha miss beautiful? Kung hindi siya makakabayad sa susunod na araw, puwede naman ikaw ang kapalit," tumawa pa silang tatlo pagkasabi niyang iyon.
"Pakiusap Roque huwag mo siyang idamay, magbabayad naman ako pero bigyan mo pa ako ng ilang araw para makaipon"
"Tanda matagal ka na naming pinagbigyan kaya ang huling palugit na lang namin ay sa susunod na araw na lang, nang dahil kay Gascon muntik na kaming mapatay ng boss namin! dahil kung hindi ka pa makakabayad," putol niya sa sasabihin ng nagngangalang Roque at tumingin pa siya sa akin ng nakakaloko. "Alam mo na ang magiging kapalit tanda." Pagkasabi niyang iyon ay umalis na sila at nakatanaw naman akong masama ang tingin sa kanila.
"Huwag po kayong mag-alala lolo gagawa po tayo ng paraan.
"Apo pasensiya ka na pati ikaw nadamay pa"
"Ayos lang po lolo. Hindi ko nga po alam kung bakit ang gaan-gaan ng loob ko sa inyo ni lola Minda eh. Sana nga totoo ko kayong mga lolo at lola." Napansin ko naman ang panunubig ng mata niya na ikinataka ko.
"Lolo ayos lang po ba kayo? May masakit po ba sa inyo?" Umiling lang siya at pilit na ngumiti sa akin.
"Masaya lang ako kasi dumating ka sa amin ng lola Minda mo, napaka-bait mong bata. Maganda ang pagpapalaki sa'yo ng mga magulang mo." Ngumiti ako sa kan'ya dahil tama ang sinabi niya. Maayos akong pinalaki ng mga magulang ko at masasabi kong napaka-suwerte ko dahil sa kahit anong busy nila sa trabaho ay naiisingit pa rin nila ang oras nila sa akin. Hindi ko naman maiwasan ang mag-alala dahil alam kong hindi lang ako ang pinagbabalakan ng masama ni tita bridgette kun'di pati na rin ang mga magulang ko.