Daniel Sinalubong ako ng iyakan at malulutong na tawanan. Masayang-masaya si Manang Miding nang makita ako, umiiyak naman si Salve at emosyonal din si Celso. Nagkakamot na lamang ako ng ulo. Ipinakilala ng mga ito ang sarili sa akin dahil sinabi ni Penelope na mayroon akong temporary amnesia. Bumabalik naman ang aking mga alaala dahil patuloy pa rin ang pag-inom ko ng mga gamot. Si Rux ang unang sumalubong sa akin. Tuwang-tuwang ito nang makita ako na may bitbit na paper bag. Hindi ko naiabot dito ang binili kong bagong set ng Lego. Yumuko ako at niyakap si Rux nang mahigpit. "Like I always thought. Superhero doesn't die. They hide." Umarko ang labi ni Rux. "I am happy po to see you again. Hindi na po iiyak si Mommy, bestfriend. Ayokong magkaroon ng kapatid na iyakin dahil kay Mommy."