ANG NGITI sa labi ni Zebianna ay abot pa rin sa mga mata niya habang pauwi siya sa mansiyon. Nag-aagaw na ang dilim sa kalangitan nang makauwi sila ni Azriel sa Pagbilao City mula sa Tagaytay. Hinding-hindi niya malilimutan ang araw na iyon. Isa rin iyon sa pinakamasayang araw para sa kaniya dahil buong araw silang magkasama ni Azriel. Nabura lang ang ngiti niyang iyon nang makita si Samarrah na tila inip ng naghihintay sa may labas ng gate. Ang kotse ng mga magulang nito ay nasa tapat ng gate na maliit. Naningkit pa ang mga mata nito nang makita siya. “Maggagabi na, ah. I wonder kung saan ka galing,” wika pa nito sa kaniya. Humigpit ang kapit ni Zebianna sa handle ng kaniyang backpack. Hindi niya magawang sabihin dito kung saan siya galing. Pinili na lamang niya ang hindi magsalita.

