FAYE Nadatnan kong seryosong nag-uusap ang aking ina at si Sir Adi dito sa sala habang may malamig na inumin sa baso sa harap ng asawa ko. Kinabahan ako dahil hindi ko alam kung anong pinag-usapan nilang dalawa. Hindi ko sila marinig kanina habang nasa loob ako ng silid ng aking mga magulang, kaya wala akong ideya kung ano ang kanilang pinag-uusapan. Iniwan ko muna sa loob ng silid ang aking ama dahil mahimbing siyang natutulog at hindi man lang nagising kahit ilang sandali akong namalagi doon. Ang sabi ni Mama, hirap daw matulog si Papa, kaya ayaw ko siyang gisingin para makabawi siya ng tulog at makapagpahinga na rin. “Nandito ka na pala, Anak,” sabi ni Mama nang napansin niyang nakatingin sa akin si Sir Adi, kaya lumingon sa direksyon ko ang aking ina. “Tulog pa ba ang Papa mo?”