FAYE Hindi mawala sa isipan ko ang nangyari sa akin kanina sa shopping mall na pinuntahan namin ng mga kaibigan ko. Parang isang palabas sa telebisyon na bumabalik sa memorya ko ang naging ekspresyon ng babaeng lumapit sa akin sa loob ng banyo habang naghuhugas ako ng aking mga kamay. Nakaawang ang kaniyang mga labi at bakas ang pagkagulat sa kaniyang mga mata, maging sa ekspresyon habang kaharap ako at nakatitig siya sa mukha ko. Nanginginig pa ang kanyang kamay at tila ba hindi siya makapaniwala sa nakita, kaya gusto niya akong hawakan, pero dahil natakot ako sa kaniya, humakbang ako paatras at dali-daling niyaya si Lorabel na lumabas ng banyo. Nanghinayang ako sa pagkakataon na makilala ko pa si Mira. Batay sa naging reaksyon ng babaeng nakausap ko, kilala niya ang ex-girlfriend ni