KEISHA
'Tagu-taguan, maliwanag ang buwan. Wala sa likod, wala sa harap. Pagkabilang kong tatlo, nakatago na kayo—isa, dalawa, tatlo.'
Ahhhhh!!! Grabe, hindi ako makapaniwala na isang buwan na akong nasa impyerno, mga mare! Biruin niyo 'yon, naka-survive ako rito nang gano'ng katagal and still counting, hehehehehe.
So, ayon an Balik tayo. Gusto ko lang sabihin sa inyo na lahat ng stupident ngayon ay excited. Sa katunayan nga, hindi magkamaliw ang pagbalik-panaog ng mga itik ng SAA na mukhang maraming pinagkakaabalahan. Susko, to be honest, ako na 'yong nahihilo sa kanila. Ang ganap lang naman kasi today is isang pa-welcome party ang mangyayari maya-maya lamang to welcome the new comers. Oha! Ang taray, ano?!
At syempre, kung excited ang mga bubwit ng SAA, mas lalo na ako. Dahil alam niyo naman, isa akong party people, at naalala niyo? Hindi ko na-enjoy 'yong acquaintance dahil kay Kamatayan kaya ngayon, babawi talaga ako. Hindi ko hahayaan na may kumabog sa akin. Rarampa ako nang bongga, later!
"Shane, marunong ka bang mag-ayos? If hindi, si Venus, marunong 'yon. Sa kaniya na lang tayo magpaayos ng aura para mamaya," sabi ko kay Shane. Nginitian lang ako nito bago tumango. Kakatapos lang namin pumunta sa grocery para mamili ng mga pagkain dahil paubos na ang laman ng ref ko.
Haysss, alam niyo ba, the struggle is real sa pag-usap dito kay Shane. 'To kasing babaeng 'to, mala-Kamatayan ang peg, napakatipid ding magsalita! Akala mo naman eh, may quota words lang siyang pwedeng sabihin sa isang araw.
"By the way, kumusta 'yong pakiramdam mo? Nahihilo ka pa rin ba?" tanong ko. "Uhm, ayos naman na ako. Medyo nawala na rin 'yong hilo ko. Salamat sa pag-aalala. Masyado ko na ata kayong nape-perwisyo," nahihiyang tugon niya.
"Naku! Ano ka ba, walang problema. Wag kang mahihiyang perwisyuhin ang buhay ko because I'm willing, basta ikaw," smooth kong banat l. Tumawa lang siya nang mahinhin tapos wala na.
'Yon na yon?
'Ano bang kailangan kong gawin, para hindi maputol agad ang conversation namin? I want to hear her voice more. Feeling ko, kapag galit ako, marinig ko lang boses niya, mawawala 'yong demonyo sa katawan ko,'
Char.
Pagkarating namin sa aking room, nando'n na ang bruhang si Venus. Aba, early bird ngayon ang bruha, ah! Iba talaga pag-inspired, susmiyo!
"Besh, ano pala, hindi ko nadala lahat ng gamit ko kaya hihiram na lang ako sa'yo ng ibang brushes, ah?" ani Venus. Tumango lang ako at pinauna na si Shane na ayusan.
Naisip ko na, 'yong gown na ginamit ko no'ng acquaintance na lang ang gagamitin ko. Hindi naman kasi kami pwedeng lumabas at ayaw ko rin namang abalahin ang buang kong kapatid so ayon. Besides, trip ko naman 'yong gown na 'yon kaya keri lang.
Ang ganda ng feslak ko naman ang magdadala mamaya, kaya wakoker kung recycled ang aking gown.
"Shane, 'yong gown mo nasaan? Si Vince na ba ang magdadala dito? Anong oras ba pupunta 'yon? Dapat pala dinaanan na natin kanina," ani ko. "Eh, ang sabi niya kasi, siya na lang daw ang magdadala kasi mabigat. Bago naman daw mag 7:30 nandito na raw siya no'n, may tatapusin lang daw sila," mabilis nitong tugon. "Hmmm, siguraduhin niya lang."
Habang inaayusan ni Venus itong si Shane, naisipan kong ayusin rin muna itong mga pinamili namin. Habang ako ay busy sa paglabas ng mga cup noodles, natigilan ako saglit dahil biglang nag-vibrate 'yong aking phone. "Uhm excuse muna ah, sagutin ko lang 'to," paalam ko. Biglang nalukot ang aking magandang mukha noong makita ang pangalan ng demonyo sa aking phone screen.
Ano na naman kayang problema ng kumag na 'to?
"Hello?" inis na tanong ko sa kabilang linya. "Keisha, kumusta ang sugat mo?" patay na tanong ni Kamatayan. Napairap ako nang wala sa oras dahil taray! Wala raw siyang gusto sa akin pero concern? Pwede ba 'yon?
"Okay lang. Bakit ka ba tumawag? 'Pag ikaw nahuli na naman ng tatay mo, ikaw pa mapapasama, sinasabi ko sa'yo. At saka, ayos lang ako at magiging ayos ako hanggang sa mamatay ka," mataray kong sagot.
Ilang segundo ang lumipas at walang boses akong narinig mula sa kabilang linya.
Kumunot ang noo ko noong halos mag-iisang minuto na, wala pa rin. Baka may ginagawa na siya ngayon? Angas niya naman kung gano'n! Talagang pinaghihintay niya ako rito?! Bwesit!
"Oy ano? Buhay ka pa ba? Na-confiscate ba phone mo? Oy g*go, sagot!" halos sumigaw na ako dahil napakatagal mag-respond ng kumag.
Nagsimula na akong kabahan dahil baka nahuli siya ng Tatay niya at kung ano nang ginawa.
"Hoy, Ka--", "Pfft, may kinuha lang ako saglit. Come again? May na-miss ba akong importante?" tanong niya.
Bwesit talaga!! Tarantado! Hindi man lang nagpapaalam!
"Ewan ko sa'yo, wag na wag ka na kakong babalik! Che!" bulyaw ko tapos, ie-end ko na sana ang tawag nang bigla ulit itong magsalita. "Enjoy the night, and take care," pahabol niya at siya pa ang nagbaba ng tawag. Kapal ng mukha, ano? Ayaw talaga magpatalo.
'Take care kang apog mo! Ikaw dapat ang mag-ingat shunga---'
Ay shuta!! Anong pumasok sa kokote ko? Umayos ka, Keisha! Wala kang gusto kay Kamatayan, ha!
Huminga muna ako nang malalim at tinapik-tapik ang mukha ko bago pumasok sa loob. Pinaalis ko lang ang bad vibes na umaaligid sa katawan ko ngayon dahil sa pakikipag-usap sa bwesit na Kamatayan. Mahirap na, baka hindi tumalab ang make over na gagawin ni Venus kapag stress ang aking skin.
Pagkabalik ko, hindi pa rin tapos na ayusin si Shane, kaya ipinagpatuloy ko na ulit ang naiwang trabaho sa kusina. After ng ilang minuto at hindi pa rin, nilinis ko na lang ang aking damitan, dahil talo pa 'yong gusot ng relasyon niyo sa sobrang lukot ng mga damit ko.
Charot lang, labyu!
"Yayyyy tapos na!!!" bulalas ni Venus. Kaagad ko silang pinuntahan and then halos malaglag ang panty ko sa sobrang ganda nito ni Shane.
Hindi ko tuloy napigilang hindi tanungin ito kung sure na siya kay Vince, na talagang ipapaubaya na niya ang kaniyang beauty sa isang ehem-- ayaw ko na lang mag-talk.
Tumawa ito nang mahina tapos sumagot ito, "Ano ka ba, Keisha. Gwapo naman si Vince, ah? Bagay naman kami sa isa't-isa." Ay wow! Okay, respetuhin natin. Sa sobrang hiya, dahil hindi niya siguro maatim na naging corny siya for seconds, ginagawa niyang pantakip sa mukha 'yong kamay niya.
"Ano ka ba! Napakaganda mo, wag mo ngang takpan," ani ko. "Mas maganda pa rin kayo sa'kin," humble na sagot nito. Pinalo ko ang balikat niya, pero mahina lang, hahahaha! Masyadong mabait eh, sarap isako at ibigay na kay Lord.
Char.
"Oh ikaw naman ang pagagandahin ko lalo Beshy. Upo ka muna d'yan Shane, text mo na rin 'yong boyfriend mo kasi 7:10 na ohhh," ani Venus. Tumango si Shane tapos naupo muna do'n sa kama ko.
"Vianca—este Venus, simplehan mo lang ah! Alam mo naman, baka may magwala kapag nasapawan ng ganda ko. Baka gumulong sa sahig si Kate dahil sa inggit," pakiusap ko. Nag-thumbs up lang si Venus tapos sinimulan niya na ang orasyon. May pagkakataon na napapaidlip ako dahil sa tagal ng proseso. Dumating at nasuot na lamang ni Shane 'yong gown niya't lahat-lahat, hindi pa rin tapos 'tong bruhang 'to.
Magpapasko na, ano na, Venus!
"Haaa! Tapos na!!" maligalig na sigaw nito. Kukusutin ko sana ang mata ko dahil sa gulat, buti na lang at natapik niya iyon sa tamang oras.
"Ay sorry, ikaw kasi, masisira 'yong gawa ko ano ka ba!" ani ya. "Wala naman akong sinabi ah? sapakin kita d'yan," inis kong sagot. Tumayo na ako tapos niyakap ito nang mabilisan. Napakagaling kasi ng bruhang 'to! Pero hindi pa rin ako papayag kapag pinormahan siya ni Finn, hmfp!!!
"Magbihis ka na Besh, retouch lang ako nang mabilis," ani Venus. Tumango na lang ako at sinamahan na si Shane do'n sa kwarto. Nadatnan ko itong namimilipit na naman kaya agad kong hinagod ang likod niya.
"What's wrong?" alalang tanong ko. "Wala, sumasakit lang ang puson ko. Dadatnan na siguro ako kaya ganito," ani 'ya. "Gano'n ba? Kaya mo ba?" tanong kong muli. Tumango lang siya tapos sinenyasan akong wag na siyang alalahanin pa. Tumayo na ako tapos isinuot na ang gown. Sakto naman, pagkatapos kong magbihis, tapos na rin sa pagre-retouch si Venus at inaya na akong magmadali na dahil kanina pa raw naghihintay sa labas 'yong mga escort nila.
"Putang*na, gan'tuhan pala? So ako ang fifth wheel ngayon? Napakababastos niyo!" inis na bulalas ko habang 'yong apat akala mo naglalakad sa cloud nine dahil ninanamnam talaga nila 'yong bawat hakbang na kanilang ginagawa.
"Pwede naman naming sabihin kay Kamatayan na wala kang escort. Malay mo mag-ala The Flash 'yon para sa'yo," pang-iinsulto ni Vince. "Hehehehe, saya ka? Bwesit ka!" bulalas ko. Nanatili akong nasa hulihan no'ng apat dahil nakakahiya naman kung umunahan ako't magbida-bida, eh wala naman akong partner.
Pagkarating namin sa venue, marami nang nakaupong stupidyante. Nakuha rin ng apat na ito ang atensyon ng lahat na hindi ko naman na ikinagulat. Bukod sa natural beauty, pinatungan pa ng magic ni Venus, voila! Mala dyosa ang partner nina Finn at Vince! Pero syempre naman, mas maganda pa rin ako, ano, hahahaha!
As usual mga mare, mga inggit na mata na naman ang sumalubong sa'kin. Nagpapasalamat naman ako do'n dahil ibig sabihin lang no'n, maganda talaga ako. Ako ang pinakamaganda! Hahahaha pang-ilang beses ko ng sinabi na maganda ako? Kayo na ang magbilang.
Naupo na kami at sinolo namin 'yong isang round table with 8 chairs, kahit lima lang kami. Hindi nakaligtas sa'kin 'yong katapat naming table kung saan nakaupo 'yong mga baguhan, kasama syempre 'yong mukhang unggoy na si Kate. Katabi no'ng bruha 'yong walang bayag na si Dylan, 'yong kakambal nito tapos may isa pa. Ngayon ko lang siya nakita kaya medyo nagulat ako. Napangiwi ako dahil nangahas na kindatan ako no'ng bagong kumag.
'Taray! Lakas ng loob, ah?!' asik ko deep in side.
Naputol 'yong pakikipagtitigan ko do'n sa apat na bagong salta dahil tumayo bigla si Vince. "Let's dance?" alok nito kay Shane. Syempre itong si Finn, na first time lang din ata maglandi, gumaya rin. At itong bruhang si Venus naman, aba hindi man lang natakot sa pandidilat ko at kumagat din sa matamis na ngiti ni taong palikpik.
At ayon na nga, ang ending ay naiwan akong mag-isa, habang 'yong apat, halos patayin ko na sa isip ko dahil sa panta-traydor. Takte!!! Respeto naman sana sa'kin na walang ka-partner, ano? Sana nakisama na lang sila at nag-inuman na lang kami dito! Bakit kasi kailangan pang sumayaw, tsk! Sa sobrang badtrip ko, nilaklak ko 'yong alak na nasa mesa.
Lahat ng 'yon, take note.
40% alcohol content? Pshhh.
Naka-limang shot na ako, pero hindi pa rin talaga tumitigil sa kakasayaw 'yong apat. Kahit anong genre ng tugtog pinapatulan talaga nila! Ibang klase!!! 'Pag talaga bumalik sila dito, tig-iisang sapok sa bumbunan ang ibabato ko sa kanila. Mga lapastangan!
Anim...
Pito...
Magbibilang na ako.
Walo...
Syam...
Sampu...
Handa na ba kayo?
Hindi ko namalayan na sumusubsob na pala ako sa lamesa. "Aish, hindi parin tapos?" ani ko. P*ta, lasing na ata ako. Medyo dumodoble na ang paningin ko, pero nadadaan pa naman sa papikit-pikit ng mata, kaya keri lang.
Habang inggit na inggit na pinagmamasdan sila na nagsasayaw, nakaramdam ako ng panlalamig ng kalamnan. Oh shoot! Tinatawag ata ako ng kalikasan ngayon. Kaagad akong tumayo at dahan-dahang naglakad palabas. Buti naman at nagsi-gilidan ang stupidents sa pagdaan ko dahil pagsasampigain ko sila! Magbiro na sila sa lasing, wag lang sa taong natatae.
Kumukulo na ang tyan ko kaya wala na akong ibang nagawa kun'di ang magsimulang tumakbo. Sa pagtakbo ko patungo sa malawak na field, napansin kong may tumatakbo rin sa gilid ko.
Hindi ko maaninag kung sino ito sapagkat hindi ko kayang tumitig nang matagal gawa ng dumodoble nga 'yong paningin ko.
"Brrrrr--" hindi pa naman Ber months pero saksakan ng lamig ang dala ng hangin! Shet naman!
Tagu-taguan maliwanag ang buwan...
Natigilan ako saglit dahil sa maliwanag na liwanag na isinasaboy ng buwan no'ng sumilip ito sa makapal na ulap.
"Ehhh—full moon?" bulalas ko habang nilulunod ng buwan ang mga mata ko sa angkin nitong kagandahan. Bigla akong nakaramdam na tila hinihigop ako aking kaluluwa patungo sa itaas.
Wala sa likod, wala sa harap...
Akala ko nga magpapatuloy akong nakatingala ngunit no'ng sumigaw na ang aking tyan at may kasama pang utot, ayon! Doon ako nagising at dali-daling tumakbong muli.
Pagkabilang kong tatlo, nakatago na kayo...
Takbo Keisha, lalabas na siya omaaaaay!!!
Isa...
Hooooo, kaya ko 'to, kaya ko 'to.
Dalawa...
Malapit na, omaygas! Kalma ka muna poppies ahhh, malapit na.
Tatlo...
Natigilan ako sa pagtakbo at bigla na lang napasalampak sa lupa habang tinatakpan ang dalawang tenga nang umalingawngaw sa kawalan ang malakas na sigaw.
Nanlaki ang mga mata ko at nakalimutan saglit na natatae ako dahil ilang segundo lang ay napagtanto ko na pamilyar sa akin 'yong boses.
Kunot noo kong hinalungkat sa aking isip kung kaninong boses iyon at no'ng makuha ko na ang sagot, taranta akong tumayo at iginala ang mga mata
Hindi nagtagal, unti-unting naglaho ang boses nito at tanging mga huni ng kuliglig na lang ang pumalit. Kaagad akong tumakbo kahit hindi ko alam kung saan tutungo. "Shane!!!" malakas na sigaw ko.
"Shane!! Where are you Shane!!!" tawag kong muli, pero bigo pa rin akong makakuha ng sagot.
Tumakbo ako kung saan sa tingin kong nanggaling ang sigaw at dinala ako ng aking mga paa sa likod ng school. Madilim at nagtataasang kahoy ang tumambad sa'kin habang ikikiskis ang mga palad sa nangangatog kong balikat. "Shane!!!!" buong lakas kong sigaw, pero wala pa rin talaga. Inilibot kong mabuti ang aking mga mata, nagbabakasakaling mahagip ng paningin ko ang suot nitong gown.
"She's gone," kaagad akong napalingon nang biglang may bumulong sa aking tenga.
Halos atakihin ako sa puso no'ng makita ang mukha no'ng lalaking pangahas na kumikindat sa akin kanina. P*ta!!! Gusto niya ba akong patayin? Paano siya nakasunod? Bwesit! Hindi ko man lang naramdaman ang presensya niya.
"What? Narinig mo rin ba 'yong sigaw?" tarantang tanong ko. "Yeah, from Shane right? " cool niyang sagot. Tumango ako nang mabilis, nagbabaksakaling baka alam niya kung saan ito tumakbo. "May alam ka ba? Nakita mo ba siya?" Kaagad itong umiling tapos pinagmasdan ang mga puno sa harapan namin.
"Maybe she got eliminated. She's weak, who knows, baka nasa byahe na siya ngayon pabalik sa Society nila," ani ya, na nagpagulo ng utak ko. "What? I don't get you, anong na-eliminate? May labanan ba?" Tang*na, parang hindi lang 'yong pagtae ko ang naurong kung hindi pati ata 'yong pagkalasing ko.
"I have no idea, it's just my hunch tho. Don't worry, kung kagagawan 'to ni President Hernandez or ni Kamatayan, they will keep her alive," ani 'ya and then mabilis na naglakad palayo.
Tsk, ba't nadamay na naman si Kamatayan?
Nilingon kong muli ang kakahuyan at naghintay ng ilang segundo. "Shane!!!" sigaw kong muli.
Anong gagawin ko?
Anong sasabihin ko kay Vince ngayon?
Kalma, Keisha.
Sa ngayon, kailangan ko munang bumalik para ipaalam kay Vince ang nangyari. Sana naman, sana talaga walang masamang nangyari kay Shane. Sana guni-guni ko lang ang lahat. Sana nagjo-joke lang 'yong lalaki kanina na galing nga kay Shane 'yong sigaw.
Kaagad akong tumakbo pabalik habang nananalangin nang mataimtim.
Tagu-taguan, maliwang ang buwan.
Wala sa likod, wala sa harap.
Pagkabilang kong tatlo nakatago na kayo...
Isa...
Dalawa...
Shane, taya!