Chapter Eight
Araw na ng kapistahan. Maaga pa lang ay gising na kami ni ina. Nakaligpit na ang mga gamit namin pero ang dadalhin lang ni ina ay ang bag kung saan niya inilagay ang perang galing sa kahon.
"Hindi kayo pwedeng pumunta sa mga area kung saan target ng grupo na pasabugin. Alam n'yo naman iyon, Manika. Bantayan mo rin ang iyong ina. Minsan ay nakakalimot iyan," bilin ni ama sa akin.
"Opo, ama. Ang galing po 'no. Iyong boses n'yo nakakarating dito. Buhay pa po ba talaga kayo o minumulto n'yo na ako?" malakas na natawa ang aking ama.
"Ikaw talaga, Manika. Aking prinsesa, mag-iingat kayong mag-ina. Alam n'yo na kung saan kayo pupunta kapag pumatak ang alas-12 ng tanghali 'di ba?" pati ang pagtakas ay planado.
"Opo, ama. Nakahanda rin po kami ni ina." Gagawin namin ngayon araw ang plano. Hindi kami pwedeng magkamali ni ina.
Pagkatapos kong nakipag-usap kay ama ay ipinatong ko sa lamesa ang cellphone at tinignan ko si ina. Ngumiti ito sa akin at naglahad ng palad niya. Tinanggap ko iyon at sabay kaming lumabas. Yakap ko ang teddy bear ko na si Princess.
"Mag-iingat kayo, Lourder," ani ni Manang Malena na nasa pinto. Tumango naman ang aking ina.
"Aalis na kami. May ilan pang kasapi ang tutunguhin namin, Malena. Maraming Salamat sa pagpapatuloy namin dito," ngumiti ang ginang.
"Tiyak na maraming tao ang mamamatay sa gagawin mamaya. Pero kailangan iyong mangyari para maipagsigawan natin sa gobyerno na mali ang pamamalakad nila."
Agad akong nakaramdam nang pagtutol. Hindi ko talaga masikmura na marinig iyon. Nasa utak at puso ko ang kagustuhan kong tumutol. Pero hindi ko maisatinig lalo na sa harap ni Manang Malena.
Nang lumabas na kami ng tahanan ng ginang ay kumaway pa ito sa amin. Sobrang daming tao sa kalsada. Nagkakasiyahan na ang lahat. Maingay. May musikang pagkalakas-lakas na tumutugtog.
"Ina," tawag ko sa aking ina. Hindi ko maiwasang maluha.
"Bakit, Manika?" tanong nito sa akin.
"Ina, tama ba talaga itong gagawin natin?" may isang butil na ng luha ang pumatak sa mata ko. Napakaraming tao. Pati nga mga bata ay narito rin. Ang saya-saya nilang lahat.
Hinila ako ni ina at dinala sa parteng walang tao.
"Manika, gusto ko nang maganda at payapang buhay para sa 'yo. Nag-usap na tayo 'di ba? Gagawin natin ang plano natin ngayon," ani nito.
"Ina, napakaraming tayo!" napahikbi pa ako. "Maraming madadamay sa gagawin nila ama. Maraming bata, mga matatanda, pati na mga babae. Ina, tatakas tayong dalawa... pero paano ang mamamayan ng San Gabriel? Ina, hindi kaya ng puso't isip ko na tanggapin na lang ito. Hindi kakayanin ng konsensya ko na mangyari ang lahat ng ito," napahagulhol ako nang iyak. Agad akong kinabig ni ina.
"Manika, alam mo naman na hindi lang ang ama mo ang gumagawa ng lahat ng ito 'di ba? Hindi rin natin sila mapipigilan. Nakaayos na ang lahat. Hinihintay na lang ang tamang oras para pasabugin ang mga bombang nagkalat sa kapitolyo ng San Gabriel. Manika, wala na tayong magagawa pa. Ngayon ang tamang oras para umalis tayo ng San Gabriel at magpakalayo-layo para matupad ang buhay na pinapangarap ko sa 'yo," lumuluha na rin ito. Mas lalo pa nang umiling ako.
"Hindi, ina. Hindi tama ito. Mali po eh. Sobrang daming madadamay. Ano pang dahilan ni ama sa ipinaglalaban niya kung maraming tao ang mapapahamak? Sino ba talaga ang ipinaglalaban niya? Ikaw na lang po ang umalis, ama. Kailangan mabalaan ang gobernador sa panganib na dala nating mga rebelde---" agad nitong hinawakan ang magkabilang balikat ko.
"Magtigil ka, Manika! Ang tagal nating plinano ito! Kailangan mong natauhan. Kailangan mong magising sa gagawin mong katangahan. Hindi ka superhero, anak. Kailangan mong iligtas ang sarili mo. Tayo muna. Gusto ko nang lumayo rito... lumayo sa ama mo... lumayo sa bundok. Parang awa mo na, Manika. Huwag mong sirain ang plano nating dalawa." Hinawakan ko ang kamay ni ina saka pinatakan iyon ng halik. Pareho kaming luhaan.
"Sa tingin mo po ba'y magiging masaya tayo sa malayo kung hahayaan natin ang trahedyang ito na mangyari? Ina, may magagawa pa tayo. Parang awa mo na. Kung ayaw mo... ako na lang po. Baka sakaling pakinggan ako ng gobernador. Pupunta po ako sa kanya."
Akmang tatalikod na ako ngunit pinigilan ako ng ginang. Mahigit niya akong niyakap at humagulhol siya nang iyak.
"Hindi mo ako iiwan, Manika. Aalis na tayo," sabay hawak niya sa braso ko at hinila na ako paalis sa lugar na iyon. Ilang beses akong nagpumiglas. Pero nagmatigas si ina.
Nagkalat ang napakaraming tao. Kapistahan kaya makulay ang paligid. Ganito sila kasaya. Walang kamalay-malay na napakaraming pampasabog ang nakakalat na sa paligid.
"Ina," niyakap ko si ina para hindi ito makalakad. "May oras pa tayo para gawin ang tama. Hindi magiging tahimik ang buhay natin sa malayo kung hindi natin gagawin ang tama. Tumatakbo ang oras. Parang awa mo na po. Kailangan nating kumilos. Nagmamakaawa ako sa 'yo, ina."
Mas lalong lumakas ang pag-iyak ko. Pero kinalas lang niya ang pagkakayakap ko sa kanya at muli akong hinila. Malayo ang nilakad namin. Nagbingi-bingihan si ina. Tulala na lang ako't wala nang bumabagsak na luha.
Nalalapit nang sumabog ang unang bombang nakaplanta sa isang parte ng plaza. "Ina," muling tawag ko. Bigla nitong binitiwan ang kamay ko. Pagalit pa iyon kaya medyo masakit.
"Sobrang tigas ng ulo mo, Manika! Bakit? Bakit hindi ka marunong makinig? Ilang taon nating binuo ang planong pagtakas. Tapos ngayon nakababa na tayo mula sa bundok at may tiyansa na tayo ay bigla ka na lang magkakagayan? Anak, ito na ang chance natin para sa bagong buhay na pinapangarap natin. Pinapangarap ko. Ano ba? Huwag nang makulit!" pero buo na ang loob ko. Kailangan may gawin ako.
"Gusto ko pong gawin ang tama, ina. Ikapahamak ko man o kahit ano pa man ang mangyari. Gusto ko pong pigilan sina ama sa balak nila." Napasabunot si ina sa buhok niya. Saka siya tumalikod. Nasa terminal na kami ng bus. Iyon daw ang sasakyan para makaalis sa lugar na ito. Papasok na si ina roon. Aalis ba siya at iiwan na ako rito? Kung iyon ang balak niyang gawin ay tanggap ko.
Pero nakita ko itong nakiusap sa isang ale. Mukhang nanghihiram ng telepono si ina. Hindi naman nag-alinlangan ang babae. Pinahiram si ina. Ilang minutong gamit nito iyon saka binawi ng babae. Tumakbo si ina palapit sa akin.
"Walang sumasagot sa mga numerong tinawagan ko, Manika. Kailangan nating magtungo sa sentro," hinila ako nito at tumakbo kami pabalik. Paulit-ulit na sinipat ni ina ang relo.
"Limang minuto na lang bago pa pumutok, Manika," seryosong ani nito. Ngunit Wala pang limang minuto ay isang malakas na pagsabog ang narinig namin. Naghiyawan ang mga tao. Nagtakbuhan. Huli na. Sumabog na ang unang bomba. Hindi alam ng mga tao kung saan sila tutungo. Natulala kami ni ina. Nasa gilid man kami pero may nakakabunggo pa rin sa amin. Mga taong takot na takot.
"Diyos ko! Sobrang daming patay," hiyaw ng isang ginang.
Halo-halo na ang ingay. May mga naghihiyaw sa takot, umiiyak, tinatawag ang kanilang mahal sa buhay.
Sobrang sikip sa dibdib ng tanawin.
"Ina, saan ang susunod?" tanong ko.
"Sa p-alengke," sagot nito. Pero katatapos lang nitong sabihin iyon ay muli na namang may sumabog. Ngunit ngayon ay sunod-sunod. Parang ayaw na iyong huminto.
"Diyos ko!" bulalas ko.
"Anak, mayroon pang lugar na tiyak mas maraming tao." Hinila ako nito patakbo sa kung saan. Hinayaan ko si ina. Mas kabisado nito ang lugar. Pagdating sa lugar ay natanaw ko ang napakaraming tao. Mukhang dito gaganapin ang mga palaro. May nakahandanh entablado. Sobrang dami ng tao.
Maingay na sa lugar. Mukhang nakaabot na sa kanila ang nangyaring kaguluhan sa plaza at palengke.
"Manika, ilang minuto na lang at sasabog na rin ang mga bomba rito. Wala na tayong magagawa. Umalis na tayo rito, Manika," pagmamakaawa ni ina. Pero may ilang minuto pa. Kailangan kong gumawa ng paraan. Hindi makakaalis ang mga tao rito kahit pa sabihin kong may bomba rin sa lugar na ito dahil sobrang dami talaga ng tao. Kaya kumawala ako kay ina. Tumakbo ako patungo sa gitna. Hindi pa nakuntento at umakyat pa ako sa entablado.
Kinuha ko ang mikropono. No'ng una ay hindi gumana no'ng nagsalita ako pero may napindot akong parte no'n.
"Ama!" malakas kong hiyaw. "Ama, nandito ako. Nagmamakaawa ako sa 'yo. Huwag mong ituloy. Parang awa mo na, ama," napahagulhol ako nang iyak. Tiyak na may ideya na ang mga tao sa sinasabi ko.
Nagkakagulo na rin sila.
Iginala ko ang tingin ko.
Nakita ko ang ilang kasapi. Nakita ko rin si ama.
"Ama, huwag mong ituloy. Tama na, ama." Hindi ko alam kung pakikinggan ako nito. Nagkakagulo na ang mga tao. Sinubukan nilang makaalis sa lugar na kinaroroonan namin. Ang ilang kasapi ay umatras na rin. Si ama ay nakita kong patungo na sa direction ko. Ngunit bago pa ito makarating ay pinalibutan na ako ng mga kalalakihan na hindi ko kilala.
Si ina ay nakita kong napaatras na dahil sa mga taong sinusubukan lumabas ng lugar na ito. Si ama... hinila na ito ng mga kasapi.
Dumating ang oras na dapat ay sasabog ang mga bomba. Pero walang bombang sumabog. Sa dami ng mga pumalibot sa akin ay may dalawang lalaking kumilos at humawak sa akin.
Bago pa man ako makapagsalita sa kanila ay may panyo silang idinikit sa ilong ko. Nang nalanghap ko ang amoy ng panyo ay agad akong nawalan ng malay.