DERALD
Lahat ay natigilan noong iluwa kami ng malaking pinto. Kaagad na nagbigay pugay ang mga nilalang na nasa loob kahit na labis ang pagtataka nila kung bakit ang isang katulad ko ay nasa pipitsuging bulwagan.
"Prinsipe Derald! Ikinagagalak kong makita ngayong gabi!?" rinig kong sabi ni Fernando. Dumagundong ang kanyang boses sa apat na sulok ng bulwagan. May hawak itong baso, at base sa kanyang mukha, mukhang tinamaan na ito ng alak.
Nakangiti akong lumapit sa kanya tapos nagsalin din ng inumin dahil curious ako kung ano ba ang lasa ng inumin dito sa mundong ginawa ni Takahashi Sensei. Kuminang ang aking mga mata at dali-daling nilagok nang diretsuhan ang alak.
Sa pagkakataon na dumampi iyon sa aking lalamunan para akong masusuka.
"ヤバい!(Yabai!)" bulalas ko dahil sa labis na pagkagulat. Parang gusto kong tanggalin ang dila ko't hugasan dahil sa bangungot na natamo. Shutek! Akala ko naman napakaganda ng lasa dahil kulay pink pa naman iyong inumin tapos 'yon pala lasang panis na gatas!!!
Hayyys! Naniniwala na ako na looks can be deceiving talaga.
Pilit kong itinago ang pagkalukot ng aking mukha dahil hanggang ngayon ay hina-hunting ako ng aftertaste. Ito pa naman ang unang pagkakataon na makatikim ako ng alak tapos ganito pa ang mangyayari.
"Nagustuhan mo ba ang lasa? Iyan ay ang pinakasikat at pinakamahal na alak sa buong Phorian!" taas noong sabi ni Pranses, 'yong malapit na kaibigan at kanang kamay ni Fernando. Inakbayan ako nito tapos inilalapit pa sa akin ang hawak niyang baso.
Awkward ko itong nginitian dahil ayaw ko na. Hindi na ako uulit kahit magbale-balentong pa siya.
"Gano'n ba? Paanong naging mamahalin iyan?" tanong ko dahil hindi ako sang-ayon sa pagmamayabang niya.
"Hahahaha! Buti na lang at naitanong mo dahil noong hindi pa ako pumapasok bilang kawal, isa akong mag-aalak. Itong iniinom natin ay gawa sa purong luha ng Agroda na inimbak ng apat na taon. Kaya naman kahit ito ay matapang ubod naman ito ng sarap," masaya nitong paliwanag.
Ano raw? Luha ng Agroda? 'Yong malaking ibon na Agroda?!!!
"A-Agroda? Hahaha! Hindi ba mahirap hulihin iyon dahil sa labis nitong laki at ilap? Paa--"
"Kaya nga ito mahal dahil sa katotohanang iyan. Ang isang bote ay nagkakahalaga ng apat na buwang sahod naming lahat kung pagsasama-samahin, hahahahaha! Ayos lang namang mabutas ang bulsa namin ngayon dahil espesyal ang gabing ito. Baka ito na ang huling beses na makakatungtong kami sa Phorian kaya nilulubos na namin ang pagiging buhay," pamumutol nito. 'Yong ngiti sa mukha ni Pranses ay napawi at napalitan ng lungkot.
Saglit na natigil sa pagsasaya 'yong mga tao dahil sa tinuran nito. Talagang tinanggap na nila sa kanilang mga sarili ang malaking posibilidad na hindi na sila makakabalik pa. Isa lang ang ibig sabihin no'n, lubhang delikado ang kaharian ng Lithele.
"Masyado ka nang lasing, Pranses. Dahil masyadong malalim na ang gabi, dito na nagtatapos ang ating kasiyahan," pambabasag ni Fernando ng katahimikan. Nagsimulang magsitayuan 'yong mga kawal at isa-isang nagsilabasan. Nilapitan ako nito tapos kinuha ang nakapakit na si Pranses. Inakay niya iyon palayo sa akin tapos nagbitaw ng ilang mga salita.
"Kung nagpunta ka rito upang sumama sa ekspedisyon, alas kwatro ng madaling araw ang aming pagtitipon-tipon. Ayaw ko nang taong nahuhuli," ani ya bago maglakad palayo.
Nanlaki ang aking mga mata at umawang nang bahagya ang aking bibig.
"はいい!!(Hai!!) Ah--Opo! Makakaasa kayo!" taranta kong bulalas.
FALKOR ECSTART
"Mavena, hindi ko alam kung ako ba'y nasa tamang landas pa. Ngayong wala na ang nag-iisang talang gumagabay sa akin, sino na ang aaakay sa akin?" tanong ko sa litrato sa aking kamay.
Inilapit ko ito sa aking mukha at ginawadan ng halik.
Kung maibabalik ko lang sana ang panahon, gagawin ko ang lahat upang maprotektahan kayong pareho ni Derald. Inaamin kong pinangunahan ako nang labis na takot noong kayo ay inuusig ng mga hiyas. Kahit alam kong sinakripisyo mo ang iyong lahat para lamang makasama ako, wala akong nagawa para suklian iyon, hanggang ngayon.
Kung nasaan man ang iyong kaluluwa ngayon, siguro'y labis ang iyong galit sa akin dahil pinabayaan ko ang ating Anak. Kakagaling niya lang sa bingit ng kamatayn, heto't sasabak na naman siya sa panibago.
Ano ang gagawin ko? Hindi ko magawang harapin si Derald upang tutulan siya sa kanyang nais dahil takot akong ipagtabuyan niya.
"Mavena...bigyan mo ako ng senyales, kahit ano. Ayaw kong mawala nang tuluyan sa akin ang ating Anak, ngunit makikinig ba siya sa akin?"
Sunod-sunod na luha ang pumatak sa aking mata at nagsimulang bumalot sa litratong hawak0hawak ng nanginginig kong kamay. Hindi ko mapigilan ang labis na kalungkutan na unti-unting lumamon sa aking katawan.
"Falkor..." Isang malumanay na tinig ang pumasok sa aking tainga kasabay ang pag-ihip ng malakas at malamig na hangin. Iniangat ko ang aking ulo at pinagmasdan ang maliwanag na buwan. Hindi ko alam kung ako ba ay pinaglalaruan ng aking mga mata dahil nakikita ko sa aking harapan ang imahe ni Mavena.
"Falkor..." muli nitong tawag. Mas lalong bumuhos ang aking luha, pilit na inaabot ng aking mga daliri ang mukha nito ngunit bigo kong maramdaman ang mainit nitong katawan katulad ng dati.
"Ibigay mo ang iyong buong tiwala sa kanya, panalangin ang magigi niyang sandata. Huwag kang mabagabag, mahal ko, sapagkat siya ay kalahati ng iyong kaluluwa at kalahati ng aking pagkatao."
Pagkatapos kong marinig ang mga katagang iyon, naramdaman ko ang pagdampi ng kanyang kamay sa aking pisngi. Hinawi nito ang luha sa aking mata bago tuluyang dinala ng malakas na hangin ang liwanag sa aking harapan.
"Mavena...Mavena!" tawag ko, ngunit ito'y tuluyan nang naglaho.
Ako'y nawalan ng lakas, dahilan upang mapaluhod ako sa sahig. Yakap-yakap ang litrato ni Mavena habang karga-karga ang sanggol na si Derald, humikbi ako hanggang sa wala na akong luhang mailalabas pa.
Makalipas ang mahigit tatlumpong minutong pakikiisa sa kalungkutan, pinawi ko ang sarili kong luha at inayos ang aking sarili.
Tinawag ko ang aking personal na kawal na si Akda.
"Alam kong narinig mo ang propesiya. Nais kong ihatid mo itong singsing sa aking Anak na si Derald at sabihin sa kanya na pinahihintulutan ko ang kanyang paglalakbay. Gabayan naua siya ng nag-iisang diyos ng Phorian at sabihin mo rin na ako ay maghihintay sa kanyang pagbabalik upang ipasa ang korona."