YANNA "YANNA Severino? Ikaw ba si Yanna Severino?" tanong ng lalaking sakay ng motorsiklo. Balbas-sarado siya at ngisi pa lang ay parang kaduda-duda na. "Ipinapasundo ka ni Boss Junior Salvacion." Naalala ko ang huling text sa akin ni JR Salvacion kanina. Na may susundo raw sa akin. Balak ko na sanang siguraduhin sa lalaki kung talaga bang inutusan siya ni JR Salvacion. Pero nauna nang tumawag ang kausap ko at kinumpirma ang mukha ng lalaki, pati na rin ang kaniyang motorsiklo. May ginagawa raw siya kaya hindi niya ako masundo. May pag-alinlangan man ay napilitan ako na sumakay sa motorsiklo ng lalaki at sumama sa kaniya. Wala naman kaming imikan hanggang sa makarating kami sa pantalan. "Dito tayo." Itinuro ng lalaki ang isang abandonadong maliit na barko at nauna siyang naglakad.