YANNA AYAW talaga ni Lola Salud na mag-enjoy ako sa fiesta. Kaya nang maging abala sina Auntie Marge at Uncle Jaxx sa pagharap sa mga bisita, pinadala niya ako sa kusina para tumulong sa mga kasambahay. “Yanna, hija, ano ang ginagawa mo rito sa kusina?” nagtatakang tanong ni Lola Esme nang makita niya ako na naghuhugas ng mga pinggan. Si Lola Esme ang mayordoma at malayong kamag-anak ng mga Aragon. Pero baby pa lang daw si Uncle Jaxx ay yaya na niya ito. Kaya nang maulilang lubos siya, si Lola Esme na ang itinuring niya na parang pamilya. Napakabait niya na pati ako, itinuturing na niyang parang tunay na apo. Mas close pa nga ako sa kaniya kaysa sa tunay na lola ko. “Medyo naiinip po ako sa labas, Lola Esme. Wala naman po akong gaanong kakilala roon kaya tumulong muna ako dito sa kusi

