HINDI na mapakali si Alina at paulit-ulit na tinatawagan si Ara ngunit walang tugon. Lumabas pa siya ng hotel suite at halos isang oras na siyang nakaabang sa sagot ni Ara. Bumalik na lamang siya ng kuwarto.
Nadatnan niya si Elias na nakahiga sa kama pero gising pa at nagtitipa sa cellphone.
“Ang tagal mo. Sino ang tinawagan mo?” anito.
“Ah, kinausap ko lang ang caregiver ni Mommy,” pagsisinungaling niya.
“Is your mother okay?”
“Oo. Inalam ko lang kung dumating ang therapist ni Mommy kanina.”
“You should sleep. Late na. Maaga ka pa ka’mo uuwi bukas.”
Lumapit naman siya sa kama at humiga sa tabi ni Elias pero may malaking distansiya. Mabuti malaki ang kama at nilagyan niya ng unan sa gitnan. Nasuyod tuloy siya ng tingin ni Elias.
“Takot na takot ka, ah,” amuse nitong sabi.
“Naniniguro lang ako na hindi mo ako aabalahin.”
“Hindi ako sanay matulog na may katabi at malamang ay mababaw ang tulog ko. Hindi naman ako malikot matulog kaya wala kang dapat ipag-alala.”
“Nag-iingat lang ako.”
“Para namang mapapahamak ka sa akin.”
Hindi siya kumibo at maayos na humiga. Nagtipa pa siya sa cellphone at sinagot ang chat ng katrabaho. Umaasa pa rin siya na masasagot ni Ara ang mensahe niya. Kailangan niyang makabalik sa istasyon ng pulis upang makahingi ng update tungkol kay Ara. Kailangan nilang malaman ang lokasyon nito at matiyak na ligtas ito.
“Bukas na pala ang gala, Alina. Baka may oras ka, sama ka sa akin. Wala pa rin akong date,” basag ni Elias sa katahimikan.
“Hindi nga ako puwede. May gagawin ako sa opisina bukas at deadline na ng designs ko. Baka wala na akong maitulog.”
“Hindi naman tayo magtatagal.”
“Kahit na. Sunday na lang ang pahinga ko. May pupuntahan din ako bukas ng umaga.”
“Okay, huwag na. Pero pupunta ka sa reunion namin, hindi puwedeng wala ka, Alina.”
Matiim siyang tumitig sa binata. Namilog ang mga mata nito na tila batang namimilit sa gusto nito. Nawalan na naman siya ng chance na tumanggi lalo’t related na sa pamilya nito ang usapan.
“Oo na, sasama ako pero hindi ako mangangako na magagawa ko ang gusto mo,” aniya.
“Don’t worry. Ako ang bahala sa ‘yo. Good night!” Pumihit na ito patalikod sa kan’ya.
Sinipat lang niya ito at itinuloy ang pagtipa sa cellphone.
Limang oras lang ang naitulog ni Alina dahil nanibago siya sa presensiya ni Elias. Hindi rin kasi siya sanay na may katabi sa kama. Nang magmulat siya ng mga mata ay bumungad sa kan’ya ang nahimbing na mukha ni Elias, na halos sumadsad na sa kaniyang mukha.
Napapiksi siya nang mamalayan na nakayakap pala siya sa binata. Dahil sa biglang pagkilos niya ay nagising na rin ito pero hindi man lang kumilos. Nakaangkla pa ang braso nito sa kan’yang baywang.
Itinulak niya ito sa dibdib at bumalikwas ng upo. Kinuha niya ang kan’yang cellphone sa mesita at tiningnan ang oras. Pasado alas otso na ng umaga. Tumayo siya at pumasok ng banyo. Mabuti may dala siyang toothbrush. Matapos magsipilyo ay tuloy naligo na rin siya pero mabilisan. Ang problema ay wala siyang nadalang damit sa banyo. Binalot lamang niy ng tuwalya ang kaniyang katawan.
Paglabas niya ng kuwarto ay inaayos na ni Elias sa lamesa ang na-order nitong almusal. Napadoble ang lingon nito nang makita siya. Awtomatikong dumapo ang tingin nito sa kaniyang katawan.
“Let’s have breakfast first,” sabi nito, umiwas din ng tingin.
“Magbibihis lang ako.” Kinuha niya ang bihisang damit sa mesita at muling pumasok ng banyo.
Inapura niya ang pagbibihis nang marinig na may tumatawag sa kan’yang cellphone. Paglabas niya ng banyo ay namataan niya si Elias na hawak na ang cellphone niya. Sumugod siya rito at kinuha ang cellphone.
“Is that your sister Ara calling?” kunot-noong tanong nito.
Hindi na niya naabutan ang tawag ni Ara. “It’s her number but I’m not sure if she’s the one who called,” aniya.
“You mean, may contact na kayo. Bakit hindi mo sinasabi sa akin?” Bahagyang nagtaas ng tinig ang binata.
Inalipin naman siya ng kaba at pilit itinago ang kan’yang pagkabalisa. “Uh, ngayon lang ito. Hindi naman sumasagot sa mensahe ko si Ara. Siguro may sasabihin lang siya.”
“Call her and we will track her location. May na-hire akong police agent na naka-assign para mahanap si Ara. Meron siyang devices para ma-trace ang location ng target niya.”
Sumidhi ang kan’yang kaba dahil tila mauunahan siya ni Elias sa plano niya. “Hindi na kailangan. Wala rin namang magbabago kahit maibalik natin si Ara. Baka may iba pa siyang dahilan kaya siya naglayas. Inako ko na ang responsibilidad niya. At sabi mo nga, kahit pa babalik si Ara, hindi mo na siya pakakasalan.”
“What about my ten million she took?” Humalukipkip si Elias.
“Akala ko ba hindi mo na ‘yon hahabulin dahil magpapakasal na ako sa ‘yo?”
Tumawa nang pagak si Elias. “Hindi biro ang sampung milyon, Alina. Pero kung hindi na ‘yon maibabalik ni Ara, hindi na ako maghahabol pero babawi ako sa ‘yo. You have to pay me, kahit sa anong paraan na worth ten million. Hindi ko ipapakulong ang kapatid mo.”
“Anong kabayaran?”
“Pagsilbihan mo ako bilang asawa, maraming benefits. Wala namang iba sa agreement. Kailangan mo lang mag-effort at kahit anong mangyari, magiging asawa kita habang buhay.”
“So, walang divorce?”
“Hanggat maari ay ayaw ko ng divorce. Pero dahil may trust issue ka pa, pagbibigyan kita. Huwag muna nating pangunahan ang mangyayari. Unahin natin ang kasal.”
She sighed and gently combed her hair with her fingers. Wala rin naman siyang balak umurong dahil nasa iisang direksiyon na lang siya ng buhay. Kailangan din niyang isalba ang kaniyang kapatid sa kung anong pinagdadaanan nito.
“Let’s eat,” paanyaya niya. Nauna na siyang umupo sa harap ng round table.
Umupo na rin si Elias sa kan’yang tapat. Mabilisan siyang sumubo ng pagkain dahil bibiyahe pa siya pauwi ng Pampanga. Dediretso pa na siya sa main office ng auction.
Pagkatapos ng almusal ay naghiwalay na sila ni Elias. May meeting pa umano ito sa staff ng resort. Bago siya tumuloy sa opisina ay dumaan muna siya sa istasyon ng mga pulis.
“May update po kami sa inyong kapatid, ma’am,” sabi ng babaeng opiyal.
“Ano po ang balita? Na-contact n’yo po ba ang number na binigay ko?” eksaherado niyang tanong. Nakatayo lamang siya sa tapat ng lamesa ng babaeng pulis.
“Natawagan po namin ang numero at nakuha ang IP address at current location ng kapatid n’yo, kaso lalaki ang sumagot sa tawag ng staff namin.”
“Lalaki? Saan po ang location?”
“Malayo na sila sa Maynila, nasa Oriental Mindoro.”
“Tumawag po sa akin ang kapatid ko kagabi pero saglit lang. Kanina rin tumawag siya kaso hindi ko nasagot,” aniya.
“Subukan po natin siyang tawagan ulit gamit ang ibang number at tingnan natin kung same location pa rin.”
“Sige po.”
Pumasok sila sa isang silid kung saan tini-trace ang mga IP address ng tinatawagan. May sumagot sa linya ng kapatid niya pero lalaki at saglit lang, sapat na nakuha ang location ng mga ito.
“Iba na naman ang address ng target, ma’am,” sabi ng babae.
“Lumalayo na siya,” aniya nang makita ang address.
“Tatawag kami ulit.”
Ibang numero naman ang gamit ng staff pero sa pagkakataong iyon ay out of coverage area na ang numero ni Ara. Wala ring ideya ang pulisya kung ano ang pinagkakaabalahan ng kapatid niya. Suspetsa ng mga ito ay sadyang naglayas si Ara.
“Pero may kutob ako na nasa panganib siya. Iba ang pakiramdam ko noong tumawag siya kagabi, eh. Hindi kaya may dumakip sa kan’ya?” aniya.
“Wala po tayong ebidensiya, ma’am. Patuloy n’yo lang pong kontakin ang kapatid n’yo baka sakaling may update kayong makukuha. Kung sakaling nasa kamay nga siya ng kidnapper, malalaman natin kung ano ang pakay nila. Handa kaming tumulong sa inyo.”
“Salamat po. Maghihintay ako ng tawag ng kapatid ko. Hindi na po ako magtatagal.” Nagpaalam na siya.
Habang nagmamaneho patungong opisina ay naisip na naman niya ang kaniyang suspetsa kay Elias. Kung babasehan ang huling mensahe sa kan’ya ni Ara at maikling tawag nito, malaki ang chance na may kinalaman si Elias sa pagkawala ng kaniyang kapatid. She needs more evidence to prove her allegation. Mahirap na, abogado pa naman si Elias at maimpluwensiya.
Pagsapit ng hapon ay nakatanggap ng tawag si Alina mula kay Elias at kinulit siya tungkol sa gala na dadaluhan nito. Pinagriinan niya na busy siya at hindi ito mapaunlakan. Kahit tapos na ang ginawa niyang fashion designs ay hindi pa siya umuwi.
Nagsinungaling pa siya sa binata at sinabing mag-o-overtime siya. Ganoon din ang sinabi niya sa kaniyang ina. Ang ending ay nakatulog siya sa opisina, sa may couch. Alas otso ng gabi na siya nagising at hiningal dahil sa masamang panaginip. Nanaginip na naman siya tungkol sa kaniyang ama, na humihingi ng tulong. Ilang ulit iyong sumagi sa panaginip niya kaya lalo siyang nagduda.
Bumili na lamang siya ng pagkain sa restaurant at sa bahay kinain. Tulog na rin ang kaniyang ina kaya wala siyang makausap.
LINGGO ng umaga ay nagsimba pa si Alina kasama ang kaniyang ina. Sa araw na iyon ang reunion ng pamilya ni Elias at sigurado na siyang pupunta. Susunduin lamang siya ng binata sa bahay. Binilhan pa talaga siya nito ng ocean blue dress dahil may color coding umano. Namalengke pa sila bago umuwi.
“Ano’ng oras kayo aalis ni Elias, anak?” tanong ni Clarita.
Kararating lang nila ng bahay at nagsasalansan ng mga pinamili nila.
“Before seven na daw po,” tugon niya.
“Doon na pala kayo kakain sa party. Saan ba gaganapin ang reunion?”
“Sa family house raw ng mga Angeles, sa Clark. Meron silang resort doon, pag-aari ng lolo ni Elias.”
“Ah, baka doon na kayo matutulog niyan. Galingan mo ang pakikisama, anak, para naman hindi ka maliitin ng mga Angeles.”
“Bahala na po si Elias sa akin.”
Mahinang tumawa ang ginang. Halatang tiwalang-tiwala na ito na magiging safe ang future niya kay Elias. Ang hindi nito alam, kabado biyente na siya.
Nakatulog pa sa hapon si Alina, at paggising niya ay alas singko na. May mensahe siyang natanggap mula kay Elias ay sinabing on the way na ito para sunduin siya. Kumaripas naman siya papasok ng banyo at mabilisang naligo.
Saktong alas sais ay dumating si Elias. Nagbibihis pa lang siya. Gusto niya ng light blue sa gamit at nag-match naman ang biniling dress ni Elias sa kaniyang shoulder bag at dark blue na three inches sandals. Light red lipstick lang ang ipinahid niya sa mga labi at konting face powder sa mukha. Natural naman ang haba ng kaniyang pilikmata at maayos na kilay.
Pagbaba niya sa ground floor ay naabutan niya si Elias na kakuwentuhan ang kaniyang ina. Nakasuot ito ng ocean blue suite at bagay na bagal dito.
“Shall we go?” nakangiting tanong ng binata at napatayo.
Tumango siya. Lumapit siya sa ginang at nagpaalam. “Aalis na po kami, Mom. Huwag n’yo na akong hintayin.”
“Sige. Mag-ingat kayo.”
“Opo. Humalik pa siya sa pisngi ng ginang bago sumunod kay Elias. May driver ito at isang bodyguard kaya sa backseat sila umupo.
Napansin niya ang sobrang tahimik ni Elias at nakatutok lang sa cellphone. Pinakiramdaman lang niya ito hanggang makarating sila sa venue ng reunion. Nasa malawak na parking area pa lamang sila ay ayaw na paawat ng puso niya sa kaba.
Marami nang sasakyan sa tapat ng tatlong palapag na mansiyon. Nag-alangan siyang tumuloy nang mapansin kung gaano kagarbo ang damitan ng mga babaeng dumalo sa party. Karamihan pa naman sa kamag-anak ni Mariano ay mga sikat na politician, meron pang senador at mga bilyonaryo.
Napako ang mga paa niya sa sahig habang nakatanaw sa entrance ng mansiyon na nilatagan ng red carpet. Animo dadalo siya sa gala. Kumislot siya nang may kamay na humawak sa kan’yang kanang kamay.
“Let’s get inside,” paanyaya ni Elias, na siyang kumuha sa kamay niya.
Nakailang bumuntonghininga siya bago nagpasyang sumama kay Elias. Habang papasok sila sa entrance ay sumidhi pa ang kabog ng kaniyang dibdib. Nakilala na kaagad ng ibang bisita si Elias at pinag-uusapan. Todo ngiti naman siya kahit tila inaapuyan ang katawan niya sa ilang.
Namangha siya pagpasok sa malawak na bulwagan ng mansiyon. Mistulang ballroom hall ang lawak nito at sobrang ganda, magara ang kagamitan at mga ilaw. Inayusan ang pasilidad na maraming cocktail table sa gigilid, may buffet table kung saan nakalatag ang mga pagkain. Meron namang staff na nagsisilbi sa kanila.
“Relax yourself, Alina. Feel at home. You are part of my family now,” pabulong na sabi sa kan’ya ni Elias.
“Hindi ako sanay sa ganito. Para akong nasa gala. Mga sosyal ang bisita,” aniya.
“Focus ka lang sa akin. Huwag mong pansinin ang mga mapang-usig na mga tao. Hahanapin natin si Lola at ipapakilala kita.”
Humigpit ang kapit niya sa braso ni Elias habang palapit sila sa mahabang lamesa kung nasaan ang elders. Sa halip na mag-focus sa matatandang Angeles ay nahagip ng paningin niya ang pamilyar na lalaking kausap ng daddy ni Elias.
Natigilan siya kaya huminto rin si Elias.
“What’s wrong, Alina?” ‘takang tanong ng binata.
Hindi siya nakakibo dahil sa pagkawindang. Kinumpirma pa niya sa sarili kung tamang tao ba ang nakikita niya. Nang humarap sa direksiyon niya ang lalaki ay sinalakay na siya ng kaba. Hindi nga siya nagkamali sa nakikita.
“S-Stephen?” sambit niya nang makumbinsi na naroon ang kaniyang ex-boyfriend.
Ano naman ang ginagawa nito roon sa reunion ng mga Angeles?”