WALA pa rin sa bahay si Jake kaya malaya si Annie na magsinop ng kaniyang importanteng gamit. Alam na niya na magkakagulo kaya dapat ma-secure na niya ang sarili. Naisip niyang maghanap ng bahay na mauupahan na hindi alam ni Jake. Kung hindi siya aalis, baka doon siya mamatay sa stress at nerbiyos.
Kinabukasan ay nagsimula siyang maghanap ng kahit rent to own na bahay. Nilubos niya ang pagkakataon habang wala pa ang kuya niya. Ang problema, hindi pa rin sapat ang pera niya. May pinag-iipunan pa kasi siyang iba, ang hulugang utang sa isang boss ni Jake na matandang bilyonaryo, si Mr. Tan. Ang perang inutang niya ay iyong ginamit sa pagpagamot ni Jake at piyansa rito noong nakulong.
Ilang tawag at text na ni Ingrid ang hindi niya pinansin. Alam niya na kukulitin lang siya nito at pilit siyang tutulungan. Nahihiya na siya rito sa dami ng kaniyang utang. Isa pa, once nalaman ni Jake na humihingi siya ng tulong sa iba, lalo siyang iipitin nito. Wala rin siyang nahanap na bahay at kahit apartment. No choice siya kundi bumalik sa bahay.
Lunes ng gabi pagkatapos ng duty ni Annie sa ospital ay dumiretso siya sa bahay. Doon ay nadatnan niya si Jake, lasing at nagwala. Puro bubog ng bote ang nadatnan niya sa sala. Nang mamataan ang kuya niya na nakasalampak sa sahig, umiral naman ang kaniyang awa rito.
Nilapitan niya ito at inakay patayo, pinaupo sa couch. “Ano, Annie, may balak ka bang iwan ako, ha?” tanong nito sa paos na tinig.
“Kuya, kung hindi ka titino, walang mangyayari sa buhay natin. Ano pa ba ang gusto mo? Okay na nga tayo noong nakaraan, eh. Tigilan mo lang ang kaka-deal sa kung sinong tao. I got a stable job, mababayaran din ang mga utang natin,” aniya.
“Alam mo kung ano ang problema? Si Ingrid. She broke up with me! P*t-t*ngina!”
Natigagal siya. Tinututo na nga ni Ingrid ang pakikipaghiwalay sa kuya niya. Nilamon na ng kaba ang kaniyang puso. Tiyak na babawiin na ng pamilya ni Ingrid ang investment ng mga ito sa negoyso nila at obligahin silang bayaran ang utang. Saan sila kukuha ng dalawang bilyon para mabayaran lahat ng utang? Si Ingrid ay mapapakiusapan niya pa, pero hindi ang parents nito.
Hindi na siya mapakali at lalong inatake ng nerbiyos nang magwala na naman si Jake. Isa sa ikinatatakot niya ay baka babalik ito sa dati at malulong sa bisyo. Kahit anong sama ng mga ginawa ni Jake, hindi pa rin niya ito matiis. Hindi niya ito puwedeng iwan sa ganoong sitwasyon. Gusto niyang baguhin ito ngunit tila huli na.
Dahil sa kalasingan, may mga bagay na nasabi si Jake na lalong ikinawindang niya. Hindi lang pala ito kay Ingrid may utang kundi sa ibang boss nito. Nagamit nito ang isang bilyong utang sa pamilya ni Ingrid para membership sa asosasyon umano na sinalihan nito. Nagduda na siya since she knew that Jake once worked for a syndicate group.
Iyong dating amo nito na inutangan niya ng isang milyon, malakas ang ilegal na negosyo niyon. Buwan-buwan ay nagbabayad siya ng utang at kahit isang beses siyang papalya, may warning na kaagad ang boss. Once hindi umano siya nakabayad sa loob ng dalawang taon, papatayin nito si Jake.
Nang makatulog si Jake ay saka lamang siya naglinis ng bahay. Halos wala siyang tulog pero pumasok pa rin siya sa ospital kinabukasan. May medical mission sila ng dalawang araw kaya kailangan niya ng lakas. May duty pa siya sa dalawang private clinic. Tiniis niya ang pagod para lang makaipon ng pera. Wala na kasi siyang aasahan sa kita ng business nila dahil kulang pa sa utang ni Jake.
Isang linggo siyang nagpakaabala sa trabaho at walang pinansing mga tawag kahit mula kay Ingrid. Sadyang iniiwasan niya ito pero aware siya na nagkakagulo na sa construction company nila. Gusto nang bawiin ng parents ni Ingrid ang mga investment. Naghanap na ng records ang mga ito.
Pero hindi na siya nakaiwas nang magpang-abot sila ni Ingrid sa ospital. Niyaya siya nitong kumain sa labas at inusig siya tungkol sa nangyayari sa kanila ni Jake. Ramdam niya ang pag-aalala nito at gustong-gusto siyang tulungan. Hindi na rin siya nakatiis at nagsabi ng problema niya sa kaibigan. Sinabi na rin niya rito ang utang niya sa dating boss ni Jake.
“Basta, pauutangin kita para mabayaran ang utang sa boss ni Jake. Pero huwag mong ibigay nang biglaan baka hindi maibigay ni Jake lahat once nasilaw siya sa malaking pera,” sabi ni Ingrid.
Pumayag na rin siya sa offer nito. “Gano’n na lang ang gagawin ko, Salamat talaga, Ingrid,” mangiyak-ngiyak niyang wika.
Wala na siyang ibang mapagkakatiwalaan kundi si Ingrid. Nangako itong tutulungan siya sa business pero hindi na siya umasa na mareresolba ang problema at napipintong pagsara ng negosyo. Kahit kasi tutulong ito, hindi basta maisasalba ang kumpanya sa dami ng atraso nito sa ibang company.
“Huwag kang magpadaig sa takot mo, Annie. Alam ko takot ka sa dating boss ni Jake at sa puwedeng gawin sa inyong magkapatid, pero kung magtitiwa ka sa tulong ng iba, mareresolba pa ang problema,” anito.
“Alam ko, pero ayaw ko na gatungan ang gulo. Utang lang naman ang nagpapabigat, eh. Once nabayaran ko na ang mga ‘yon, gagaan na ang lahat. Maliban na lang kung may iba pang pinagkautangan si Kuya.”
“Hindi ba meron pa siyang naka-deal na ikaw ang kapalit once hindi nakabayad si Jake?”
Bumigat na naman ang kaniyang dibdib nang maalala ang deal ni Jake sa isang bilyonaryong foreign investor umano nito at kasama sa asosasyon. Hindi pa niya iyon nakita kaya nababahala siya. Iba pa iyon sa unang naka-deal ni Jake, iyong matandang bilyonaryo na manyakis, gusto kaagad siyang pakasalan. Namatay na ‘yon. Balita niya may naglason umano sa matandang ‘yon.
“Kaya nga dapat mabayaran lahat ng utang ni Kuya para matapos na ‘to,” balisang sabi niya.
Kumislot siya nang hawakan ni Ingrid ang kanang kamay niya. Napatitig siya rito.
“Ayaw mo bang magtiwala kay Vladimir? He can help you,” anito.
Mariin siyang napailing. Halos lamunin na nga siya nang buo ni Vladimir sa galit. Kahit pa nag-offer iyon ng tulong, hindi niya makuha sa sistema ang pagtitiwala sa ibang tao. Natatakot din siyang malaman ni Jake na may ugnayan siya kay Vladimir, tiyak na giyera na naman.
“Please, huwag si Vlad, Ingrid. Wala kang sasabihin sa kaniya tungkol sa mga naikuwento ko, ha?” aniya.
Bumuntong-hininga ito. “Okay. Pero ang offer kong tulong, huwag mong tanggihan. Maliban sa isang milyon, bibigyan kita ng dalawang daang libo para makapagbigay ka kaagad sa dating boss ni Jake.”
She nodded. Kay Ingrid muna siya magtitiwala.
Bago sila umuwi ay naglabas na ng pera si Ingrid, dalawang daang libo pero isang daang libo muna ang ibibigay niya kay Jake para hulog sa utang niya sa dating boss nito. Saka na umano magbibigay ng isang milyon si Ingrid once nakuwenta na ang balanse niya sa utang. Wala pang dalawang daang libo ang naibayad niya sa matanda kaya nag-aalburuto. Isang taon mahigit na kasi ang lumipas. Hindi pa siya sigurado kung naibigay lahat ni Jake ang perang inabot niya.
Gusto sana niyang siya ang mag-abot mismo kay Mr. Tan, ng pera kaso ayaw ni Jake baka umano mapahamak siya. Kaya ito na ang nagbibigay ng bayad niya. Patuloy pa rin ang paghahanap niya ng bahay pero masyadong mahal ang downpayment at monthly.
Pag-uwi ng bahay ay nadatnan na naman niyang lasing si Jake pero nasa wisyo pa naman.
“Kuya, kailangan mong asikasuhin ang problema sa kumpanya bago lumala. Tutulong naman si Ingrid na ma-solve ang problema basta huwag kang gagawa ng gulo. At saka iyong utang ko kay Mr. Tan, magbibigay ako ng isang daang libo, pero ipakuwenta mo ang balanse. Nakaipon ako mula sa side-line at ibang duty ko sa clinic, pambayad lang iyon sa utang ko kay Mr. Tan,” sabi niya. Nakaupo siya sa couch katapat ni Jake.
Kabubukas pa lang ng lata ng beer ay nilaklak kaagad nito. “Tatanggapin ko ang tulong ni Ingrid sa kumpanya, pero hindi ako papayag na makialam si Dywne,” anito.
“Please, lunukin mo na ang pride mo, Kuya. Isa pa, para rin naman sa atin ‘to, eh.”
“Tumigil ka, Annie!” asik nito, dinuro pa siya. “Huwag kang makialam sa plano ko at mag-focus ka sa trabaho mo. Akin na ang bayad kay Mr. Tan!” sabi nito.
Inabot naman niya rito ang sobre ng pera. “Kailangan ko ng resibo at total ng balanse. Please lang huwag mong bawasan ang pera. Lalo tayong pag-initan ni Mr. Tan.”
“Ako’ng bahala.”
Tumayo na siya at sana’y papanhik sa hagdanan.
“Annie!” pigil ni Jake.
Humarap naman siya rito. “Bakit?”
“Alam mo ba na narito sa Pilipinas si Vladimir?”
Natigilan siya. Hindi maaring malaman nito na aware siya kay Vladimir. “Ah, h-hindi. At saka ano naman kung narito siya?” aniya.
“I know you’re still affected with Vladimir’s memories. Kahit pa lapitan ka niya, huwag mo siyang kakausapin. Malaman ko lang na may ugnayan kayo, makikita mo. Isang tawag ko lang sa kakosa ko, kinabukasan malamig na bangkay na ang Vladimir na ‘yan.”
Mariing kumunot ang kaniyang noo. Hindi pa rin niya mahanap ang kasagutan bakit mas matindi ang galit ni Jake kay Vladimir kaysa kay Harry. Si Harry lang naman ang ayaw nito noon kasi mas pinili niya kaysa sa naireto nitong kaibigang negosyante.
“Wala akong ugnayan kay Vladimir,” sabi lamang niya.
“Good.”
Iniwan na niya ito nang tumahimik at nagbibilang ng pera.
Naibsan ang agam-agam ni Annie dahil inasikaso na rin ni Jake ang problema sa kumpanya. Nakapag-focus din siya sa trabaho. Lunes ng umaga ay na-assign siya sa OPD. Tatlo silang doctor ang naroon pero nakahiwalay ang tanggapan niya para sa new patient na wala pang record.
Natapos na siya sa sampung pasyente at gusto munang mag-break, kaso nagpapasok pa ng isa ang nurse. Nagulat siya nang may maligaw na hindi inaasahang pasyente. Awtomatiko namang kumabog ang kaniyang dibdib. Ang pasyente ay walang iba kundi si Vladimir!
“B-Bakit narito ka?” wala sa loob na tanong niya, dala na rin ng kaba.
“Ano’ng klaseng tanong ‘yan, Doc?” At nasungitan pa siya nito.
“Uh…. s-sorry. I mean, ano ang ipapakonsulta mo?” balisang tanong niya.
Umupo ito sa silyang katapat niya. Bumalik naman ang nurse na babae at inabot sa kaniya ang record ng bagong pasyente.
“Sorry, Doc. Nagkamali ako ng lagay ng BP,” sabi ng nurse. Lumabas din ito kaagad.
Tiningnan na niya ang record ni Vladimir. Normal naman ang BP nito. “Ano ba ang nararamdaman mo?” tanong niya rito. Hindi niya ito magawang tingnan sa mukha.
“Biglang sumakit ang tiyan ko kanina after breakfast. Ayaw matigil ng sakit at naninigas ang puson ko,” sabi nito.
“Saan banda ang sakit?” Napilitan siyang tingnan ito.
“Bandang gitna, parang kinakayod ng tinidor ang sakit.”
Tumayo siya at nilapitan ang pasyente. Inisip niya na lang na ibang tao ang kasama niya para hindi siya ma-distract.
“Paki-angat ang laylayan ng shirt mo,” utos niya rito.
Sumunod naman ito. Tuwid itong umupo. Lalo siyang nati-tense nang makita ang batak sa muscles sa tiyan ni Vladimir. Kinapa niya ito at matitigas ang muscles kaya hirap siyang hanapin ang gustong makapa.
“Hingang malalim,” aniya.
Sinusunod siya nito. “Masakit kung ginagalaw ang tiyan. Parang may nasasaging sugat sa loob, palipat-lipat,” sabi nito.
Inalis niya ang kamay sa tiyan nito at bumalik sa kaniyang silya. Alam na niya kung ano ang dahilan ng sakit sa tiyan nito. Base sa discription nito at sentomas, maaring nagasgas na lining ng bituka nito dahil sa acid. Maybe he had gastric ulcers, but needs to be examined first.
“Nagka-kape ka pa rin ba?” tanong niya.
“Yes, palagi.”
“Okay. Matitiis mo naman siguro na walang kape. Wala munang acidic drinks, bawas din sa maaasim na prutas, at huwag mag-skip ng meal lalo sa umaga. Nagyo-yosi ka ba?”
“Alam mo namang ayaw ko ng yosi,” padaskol nitong wika.
Sinipat niya ito pero tuloy ang pagsusulat sa prescription booklet niya. Nagsulat din siya ng referal para sa gastroscopy nito. Alam naman niya na hindi nagsisigarilyo si Vladimir, pero mahilig talaga ito sa kape, kahit barako.
“May reseta akong gamot to ease symtoms at sundin mo ang tamang dosage. At habang nagti-take ng gamot, iwasan ang mga bawal. Bago kita bigyan ng tamang gamot para sa problema ng sikmura mo, you need to do the gastroscopy to know what kind of ulcers you have. Once may result na ang test, balik ka sa akin,” aniya. Inabot na niya rito ang reseta, may listahan din ng bawal nitong kainin at kung ano lang ang puwede.
“Ang dami namang bawal. Kailan ako puwede magkape?” reklamo nito.
“I know you can’t stop drinking coffee, mas mainam kung bawasan mo next time at huwag sobrang tapang. Acidic ka, at kung uulit ka sa pagkain o inumin na magti-trigger ng acidity, babalik-balik lang ang sakit mo.”
“I can’t afford to stop drinking coffee, but I can afford to hire my private doctor. Magkano ba ang sweldo mo rito?” seryosong sabi nito.
Natigilan siya at ilang sandaling napatitig kay Vladimir. Hindi niya malaman kung tatawa siya o kung ano. Seryoso naman ito.
“You’re kidding right?” amuse niyang sabi.
“No,” mariing turan nito.
Nakuha na niya ang ibig sabihin ni Vladimir. He was trying to win her attention and offer her help again.
“I don’t know what you're trying to do, Vlad, but you don’t need to help me. Ang laki pa ang atraso ko sa ‘yo,” she said.
“Takot ka lang kay Jake.” Tumayo na ito. “Keep refusing me, but you can’t stop me. Thank you, anyway.” Humakbang ito palapit sa pintuan. “Hindi ko susundin ang payo mo para magkasakit ako at babalik-balikan kita,” sabi nito. Kinumot nito ang reseta niya pero ibinulsa naman.
Napatda siya at walang kurap na napasunod ang tingin kay Vladimir na palabas ng pintuan. She doesn’t know how to react to his odd behavior. Maybe Vladimir was just acting sick to get a chance to talk to her.