NAGLALAKAD-LAKAD si Tami nang umagang iyon sa may driveway ng bahay nila. Ganoon ang routine niya sa umaga para matagtag siya at hindi mamanas ang mga paa. Nakakailang pabalik-balik siya habang mabagal lang na naglalakad. “Mommy, ilang balik pa po?” ani Kennedy na nakakapit sa kaniyang isang kamay. “Lima pa po,” nakangiti niyang wika rito. Kahit na mapapagod si Kennedy sa pabalik-balik na paglalakad nilang iyon ay hindi siya nito iniiwan sa paglalakad. Anito ay gusto nito na alalayan siya para daw hindi siya mahirapan at mainip sa paglalakad. “Kaya pa ba?” aniya rito. Buong pagmamalaki pa na ipinakita nito ang muscle sa braso nito kahit na wala naman siyang nakikita roon. “Kayang-kaya pa po, mommy,” buong giting pa nitong wika. “Hindi ka pa pagod?” Umiling si Kennedy. “Hindi pa po,