Saktong pagkalulan nina Philipp at Lorraine sa sasakyan ng una ay siyang pagpatak ng maliliit na butil ng ulan. Mukhang tama ang sinabi ni Salvacion na uulan kaya minabuti na nilang magsimulang magbiyahe. "Sabihin mo lang kung nagugutom ka para makadaan tayo sa restaurant o mag-drive thru tayo sa fast-food," aniya kay Lorraine na noon ay tahimik na tahimik. Hindi ito sumagot bagkus ay nakatingin lang ito sa kanya. "Kung hindi naman ay itulog mo na muna, medyo malayo-layo pa ang biyahe natin," aniya nang magsimulang lumakas ang ulan. "Alam kong pagod ka," dagdag pa niya. Halos hindi pa rin kasi makahuma si Lorraine sa dami at bilis ng mga pangyayari. Hindi nga pala sila nagtanghalian pa at napasabak sa makatotohanang laban dahilan upang masawi ang ilang kasamahan at mabaril si Menardo.