Humahangos na tumakbo si Isabela nang may isang kaklase ni Uno ang tumawag sa kaniya at sinabing ang anak niya ay nawalan ng malay sa gitna ng klase. Nanghihina at nanginginig ang mga tuhod niya sa matinding nerbiyos. Para siyang unti-unting nauupos na kandila at nawawalan ng lakas ngunit hindi niya ininda ang nararamdaman, sinikap niyang makarating sa classroom upang madaluhan ang anak. "Mommy, bigla na lang po siyang nawalan ng malay, mabuti na lang po at hindi siya bumagsak sa kaniyang upuan," pagbabalita ng guro ni Uno na noon ay naabutan ni Isabela na pangko-pangko ang kaniyang anak. "Dadalhin ko po siya sa ospital, Ma'am," aniya. "Narito na po si Mr. Sanchez, siya na po ang magbubuhat kay Uno hanggang sa sasakyan." Agad dumalo ang sinabing guro at maingat na kinuha si Uno sa te

