AQUILINA Hindi ako mapakali. Hindi ko alam kung ano ang namamayani sa aking dibdib. Kinakabahan ba ako? Nananabik? Natutuwa... "Senyorita, masyado ka atang naglalakad-lakad. Baka masira ang iyong tiyan. Dahan-dahan, bababa rin ang iyong kinain," paalala ni Nanay Badeth. Nasa sala ako ngayon, pinagmamasdan ang malaking orasan habang atras-abanteng naglalakad. Natigilan ako saglit at mabilis na tumango. Sinapo ko ang aking noo dahil masyado akong pahalata. Mabuti na lamang at wala ang aking mga magulang, kailangan nilang bisitahin ang kanilang negosyo. Tatlong araw silang mawawala, ngunit sapat na iyon para mamuhay ako nang malaya. Kung dati, hangad kong lagi silang nasa bahay, ngayon, mas nais kong umaalis sila ng bahay. "Ahm, Nanay Badeth. Matutulog na po ba kayo?" tanong ko. Mag-aal