MATULING LUMIPAS ANG mga araw. Halos isang buwan na ang nakalilipas ng ipinagkatiwala ni Noah ang mga gadyet ng kaniyang kinumpuni kay Manolito. Nainip na siya kahihintay sa kaibigan“titimbrehan kita” aniya Lito ngunit hindi na ito nagpakitang muli.
“Saan ang lakad mo apo?” tanong ng kaniyang Imang.
“Diyan kina Lito, Imang. Isasama ko na ho si Ethan. Hindi po kami magtatagal.”
Kahahatid lamang ni Leandro kay Ethan galing matapos itong hiramin sa kaniya. Nagmamadali ito kaya hindi na sila nakapagusap. Ang ilang araw nitong paalam na hihiramin ang anak ay naging halos isang buwan.
Parang mamatay si Noah sa pag-aalala dahil hindi man lang makontak si Leandro. Maging si Paloma ay hindi na nagawi pa sa kanilang barong-barong. Panay naman ang kuwento ni Ethan patungkol sa Enchanted Kingdom at sa mga laruan nitong dala-dala.
“Anak sama ka kay Papa. Puntahan natin si Ninong Lito mo.”
Agad naman lumapit si Ethan at iniwan ang mga laruan.
“Papa, karga,” ani Ethan.
“Ang laki mo na anak. Magpapapasan ka pa?”
Ngumuso ito at napalitan ng lungkot ang mga mata.
“Oh, siya. Sampa na sa likod ko lilipad na si Kapitan Ethan!”
Takbo-lakad ang ginawa ni Noah habang papunta sa iskinita nila Manolito. Tuwang-tuwa naman ang anak. Maya-maya pa ay pinaupo na ni Noah ang anak sa kaniyang balikat. Ang maliliit nitong braso at mumunting kamay ay nakapulupot sa kaniyang ulo habang nagpatuloy silang tahakin ang tahanan ng kaibigan.
“Amboy! Saan ang punta mo?” bati ni Aling Lagring. Isa rin ito sa mga kasambahay ng mga Verdadero ngunit uwian lamang.
“Kanila Lito ho, Aling Lagring. Kumusta ho kayo? Sumeksi tayo, ah,” bati ni Noah sa matandang dalaga.
“Binola mo pa ako, Amboy.”
“Si Aling Lagring talaga. ‘Di ako nagbibiro. Kayo’y nagbawas ng timbang.”
“Oh, siya,alam ko ‘yang pasakalye mo, Amboy. Daraanan ko si Simang mamaya.”
“Maari ho bang pakisamahan na rin sila buong araw? Dalhin n’yo na rin iyong sira n’yong electric fan. Libri ko ng aayosin.”
“Iyan ang gusto ko sayo, Amboy. Saan ba ang lakad mo?”
“May natanggap ho akong telegrama kahapon sa kumpanyang gusto kong pasukan.Eh, kaso wala akong maiwanan kay Imang at Ethan. Hindi po nagawi si Paloma sa bahay. Nakita n’yo ho ba?”
“Aba’y mag-iisang buwan na hindi umuuwi sakanila. Kawawa nga ang mga kapatid nito. Ayon at nakapisan sa barong-barong ko iyong tatlong bunso. Ay, ‘di ko alam anong nangyari sa batang iyon. Dangan walang pakialam ang ama nito. Wala naman magawa si Unding,” wika nito habang nagsasampay ng nilabhan,” Aba’y walang hiyang Dolfo. Ni hindi man lang ipagtanong kung napaano na ang kaniyang dalaga. Kagandang dilag pa naman aba’y baka napano na iyon. Mahabaging Dios ‘wag naman sana.”
Nangagamba si Laguardia Porisima na baka ay nahalay na ito o ‘di kaya’ napatay. Huli niya itong nakita sa mansion ng mga Verdadero.
“’Wag naman sana? Na ho Aling Lagring?”
“Iyong gabi na nagpunta kayo sa kaarawan ni Señorito Leandro. Natatandaan mo ba, Amboy?”
“Aling Lagring kusa pong nagpaiwan si Paloma. Akala ko naman ay doon na sa mga Verdadero magpapalipas ng gabi.”
“Amboy, noong pauwi na ako ay nakita kong tumatangis si Paloma. Akala ko’y umuwi na sa bahay nila. Aba’y ‘di na nagawi rito.”
Kapitbahay nila Paloma si Aling Lagring. Siya ang naging takbohan ng kaibigan sa tuwing nag-aaway ang mga magulang nito. Ito rin ang paminsa’y nagbabantay kay Ethan at sa kaniyang Imang kapag walang trabaho sa mansion ng mga Verdadero.
“Iniisip ko ay baka kako ay may naglapastangan na kay Paloma.”
Madaraanan ang bahay nila Paloma at ni Aling Lagring bago makarating sa iskinita nila Manolito. Nagpasiya si Noah na sumaglit sa bahay ng kaibigan upang makibalita.
“Sige, ho, Aling Lagring. Ako’y sasaglit kila Paloma. Harinawa’y wala naman masamang nangyari sa kaibigan ko.”
Labis ang pag-aalala ni Noah sa kaibigan. Di sin sana’y hindi niya ito pinayagang magpaiwan. Tiwala naman siya na makikipagbalikan si Leandro rito.
“Ano kayang nangyari? Nasaan ka na, Paloma?” Pabulong na tanong ni Noah sa sarili. “Bakit ba puro kamalasan yata ang dumaan sa buong buwan ng Mayo?”
“Oh, siya. Taposin ko lang itong sinasampay ko’t magawi na ako sainyo. Anong oras ba ang lakad mo?”
“Alas-dos pa naman po iyong pagpapulong ko sa may-ari ng SamTel. Isama n’yo na lang iyong mga kapatid ni Paloma para may kalaro si Ethan. Baka ho gabihin ako.”
“Walang problema. Akong bahala sa Imang at anak mo.”
“Sasaglit ho ako sa Pegasus matapos ang lakad ko. Magtatanong ho ako sa mga kasamahan ni Paloma. Baka naman nakipisan sa kanila o ‘di kaya’y may alam ang mga ito.”
“Sige, Amboy. Ingat kayo ni Bait.”
“Salamat ho, Aling Lagring.”
“Makakaasa ka.”
Dumaan si Noah sa bahay nila Paloma pinagbuksan naman siya agad ni Aling Unding.
“Magandang – araw ho, Nay. Si Paloma ho nariyan ba?”
Hindi ito umimik bagkus ay nagsimulang tumangis. Dinulog ito agad ni Noah. Niyakap at inalo ang ginang. “Nay, si Paloma ho? Ay, bakit ho kayo naiyak, Nay?”
“Isang buwan ng ‘di nauwi ang anak ko. Gustohin ko mang hanapin siya. Paano naman ang mga kakain ang mga kapatid niya. Kailangan ko maglabada. Alam mo naman ang asawa ko. Ni hindi man lang mag-abot kahit isang gantang bigas.”
“Bakit hindi n’yo ako pinuntahan?”
“Ayoko naman gambalain ka, anak. Alam ko namang marami kang trabaho.”
“Eh si Manolito ho, Nay Unding. Nagawi ba rito?”
“Aba’y hindi nagawi rito, anak.”
“Daraan ho ako sa Pegasus at magtatanong baka sakaling may alam sila. Ipasama mo na lang ho muna sila Joy, Lenlen at Popoy kay Aling Lagring mamaya. Doon na muna sila sa bahay namin.”
“Kung ‘di makakabigat at abala saiyo ang mga anak ko, Noah. Malaking pasasasalamat ko sayo. Ay, ‘di ko sila mapakain ng sapat,” anang Aling Unding na nangangayat at na lubog na rin ang mga mata. Payat na payat na ito at tila hindi nalamanan ang sikmura ng ilang araw.
“Ako na ho bahala sakanila, Nay. Wala rin hong kalaro si Ethan. Maasahan na naman ng magbantay si Joy. Baka ho makuha ko itong trabaho ay araw-araw ho akong wala sa bahay. Maiigi na rin iyong may kasama si Imang.”
“Si Popoy ay napakakulit ng batang iyon. Baka maging sakit sa ulo mo lamang,” nag-aalang turan ni Unding habang hawak-hawak pa rin ang bareta ng sabon.
“'Wag na kayo mag-alala, Nay Unding. Ako na ho muna mag-aaruga sa kanila. Nakikinig naman ho si Popoy sa akin.”
Dumukot si Noah ng isang daan sa bulsa. Inabot iyon ng kapitbahay niya sa pagpapaayos ng surplus na telebisyon.
” Nay Unding , iyo na ho ito. Mukhang ‘di pa kayo nag-aagahan.”
“'Wag na anak. Hindi naman ako nagugutom.”
“Nay, magagalit si Paloma. Kunin n’yo na ho, maliit na bagay lamang ito.”
“Maraming salamat rito. Oh, siya ako’y magpaalam na. Marami pa akong labada.”
“Papa, Ninong,” anas ni Ethan na hinila ang tainga ni Noah.
Nagmamadaling tumalililis si Manolito pagkakita kay Noah. Nakaturo pa rin ang mga kamay ni Ethan kung saan iskinita lumiko ang kaibigan.
“Nay, alis na ‘ko!”
“Mag-iingat ka, anak. Sana’y mahanap mo si Paloma ko.”
Sing bilis ng kidlat na tumakbo si Noah para habolin si Lito. Para silang nagpapantentero at naglalaro ng taguan. Sana’y naabotan niya na ito kung hindi niya pasan-pasan ang anak.
“Ninong,Papa,” turong muli ni Ethan.
Inabotan ito ni Ethan matapos makita ng mga tambay na tinatakasan si Noah.
“Saan ang punta natin, parekoy? Mukhang tinatakasan mo si Amboy,ah?”
“Hindi ah, nagmamadali lang ako,” sagot ni Manolito kay Makisig.
Isa sa mga tambay na parating nag-papakumpuni ng kung ano-anong kagamitang elektroniko kay Noah. Ang bawat piraso ng ipinaayos nito ay may partida ito sa bayad. Iyon naman ang raket ni Makisig.
Hindi naman ito matatawag na kaibigan ni Noah ngunit ang pagbigay sa kaniya nito ng mga kukumpunihin ay malaking tulong sa pang-araw-araw nilang gastosin.
“’Tol,” bati ni Noah rito,” salamat, parekoy. Ako na bahala rito.”