"Kumusta ang pakiramdam mo? Gutom ka ba? Anong gusto mo?" sunod-sunod na tanong ni Yaya Chadeng kay Andy na gising na nga talaga. Kalalabas lang ng doktor na sumuri rito at ang mga nurse. At awa ng Diyos ay maayos na raw ang kalagayan ng binata. Umiling si Andy sa kanyang Yaya at parang walang gana niyang ipinikit ang kanyang mga mata. Umayos siya ng higa. Kagigising lang niya, at naroon agad ang inis niya nang maalala niya ang nangyari ng gabing iyon. Na naaksidente siya dahil sa matinding galit niya kay Yolly. "Tumawag na ako sa Mommy mo. Papunta na raw sila rito," sabi pa ni Yaya Chadeng niya na inayos-ayos ang kinahihigaan niya. Hindi pa rin siya umimik. "Ano bang nangyari sa 'yong bata ka? Akala ko ba ay maingat ka sa pagmamaneho? Paano kung hindi lang ito ang nangyari sa 'yo? Ik