Nakataas ang kilay niya habang hinihintay si Gavin sa pintuan ng sala. Hinihatid kasi nito si Sabrina hanggang sa kotse. Nakita rin niyang nagbulungan pa ang dalawa bago tuluyang umalis si Sabrina — lalo siyang kinainis. Pinagsalikop niya ang mga kamay sa dibdib at lalong itinaas ang mga kilay habang papalapit sa may pintuan si Gavin. Nakita niyang tumingin si Gavin sa kanya. Pinanatili niya ang tigas ng mukha. “Bakit siya pumunta rito?” hindi matagong inis na tanong niya. Huminto si Gavin sa tapat niya. Nagtaas siya ng kilay. Ewan niya kung bakit, pero naiinis siya. Naiinis siya nang sobra. “Ano bang pinag-usapan ninyo? Bakit kailangan pa niyang pumunta rito? Hindi ba’t magkasama na kayo kagabi? Hindi pa ba sapat ang magdamag na magkasama kayo, at kinailangan ka pa niyang puntahan

