"Nanay Cita, ipa-aircon na kaya natin itong bahay?" out of nowhere ay sabi ni Randell. Nasa mesa na kaming lahat at naghahapunan.
Napatingin ako sa kanya. Ano na naman kayang pakulo nito? Mabilis itong sumulyap sa akin. "Ang alam ko, may spare pa akong mga aircon doon sa office. Bago pa ‘yun. Hindi pa na-install," segunda niya sa unang sinabi niya.
Pasimple akong napangisi sa sinabi niya. Office mo ‘yun, ha… Siguraduhin mo lang na office mo talaga ‘yun.
"Naku! Malakas sa kuryente ‘yun! Wala akong pambayad. Ayoko!" sagot naman ni Aling Cita, na may kasamang pang pag-iling, at muwestra ng kamay.
"Kasi ‘Nay Cita, no offense meant ha. Para kasing medyo amoy maasim dito. Hindi ko lang alam kung ngayon lang ba. O, baka naman iyung katabi ko lang pala ‘yun. Pinagpawisan kasi itong si Yoseph sa paggawa dun sa sirang tubo Ninyo, ‘Nay," natatawang sabi ni Randell, sabay tingin sa akin.
So, ako pala ang tinutukoy ni kulugo…
“Joke lang pare, ha…” tumatawang sabi nito sa akin.
Pasimple kong tiningnan ang suot nitong t-shirt. Makapagyabang naman, ito! Eh, pangsuot ko lang sa construction site iyung t-shirt niyang suot ngayon!
"Uy, pare! Joke lang talaga, ha...." tumatawang sabi nito, pero bukod-tanging siya lang sa mesa ang tumatawa.
Kaya nang mapansin niya na siya lang ang nakaka-apreciate sa biro niya ay bigla siyang huminto sa pagtawa, at saka kumambiyo. "Pwera biro, pare. Thank you. May tubig na. Ang galing n’yo niyang alalay mo!" sabi pa nito.
Babarahin ko sana siya sa sinabi niya nang biglang tumunog ang cellphone niya. Maingat na dinukot ni Randell iyung phone niya sa bulsa ng pantalon niya, at saka pasimpleng sinipat iyung screen. Nakakapagtakang agad din niya itong ibinalik sa bulsa niya, nang hindi man lang sinagot o nireplayan iyon.
“Ah, wala lang iyon. Advisory lang ng network provider ko. Xyrene, ulam ka pa?” baling nito kay Xyrene, kahit pa wala namang nagtatanong sa amin sa mensahe sa phone niya.
“Ay, hindi na. Tama na ‘tong nasa plato ko. Busog na ko,” sagot sa kanya ni Xyrene, na nasa kabilang side niya naka-upo.
Nagpatuloy lang ang lahat sa pagkain. Halos si Aling Cita at Reggie na lang ang nag-uusap. Dinig ko rin ang hindi humihintong pagtunog ng phone ni Randell na hindi naman nito sinasagot. Paminsan-minsan, kapag nakakahanap ng tiyempo ay palihim niyang pinipindot iyong gilid, para mapunta sa silent mode.
"Bakit hindi mo sagutin ‘yung phone mo? Baka importante," hindi na ako nakatiis na sabi ko sa kanya.
"Ahh... mga... text lang ‘yun. Mga report sa office. Hindi mo alam ‘yon, kasi hindi ka naman gumagawa ng mga reports. Paghahalo ng semento at pagpapalitada ang alam mong gawin, di ba? Expertise mo ‘yun, eh..." sagot nito.
“Okay. Sinabi mo, eh…” sagot ko habang tumango-tango sa kanya.
Hanggang sa matapos na ang hapunan namin. Tumayo na kami ni Reggie para magligpit ng pinagkainan. Ganito kasi ako sinanay ni Mommy. Sobrang yaman namin pero marunong ako sa mga gawaing bahay.
"Ay, naku... huwag na kayong magligpit na dalawa diyan. Ako na! Kayo na nga ang gumawa ng tubo sa labas, eh. Umuwi na kayo, para makapagpahinga na kayo," sita sa amin ni Aling Cita.
"’Nay Cita, ako rin po uuwi na. May... may nakalimutan pala ako sa office. Babalikan ko pa," paalam ni Randell na naririnig ko pa rin ang pagtunog ng phone nito sa bulsa.
"Ay sige. Mag-ingat ka," sagot dito ni Aling Cita.
"Xyrene... mauuna na ko. Sunduin kita bukas sa school n’yo," baling nito kay Xyrene.
"Ay, sasaglit lang ako sa school bukas. Tapos na kasi ang Finals. May kailangan lang akong pirmahan sa Registrar, kaya sandalling-sandali lang ako dun bukas," sagot ni Xyrene.
Beh! Buti nga sa ‘yo!
"Sa graduation pala ni Xyrene, punta ka rito sa bahay, Randell. Tayo-tayo lang naman. Meryenda lang, mairaos lang iyong graduation niya. Konting handa lang. Kayo rin, Yoseph… Reggie. Sa Biyernes na ‘yun," sabi ni Aling Cita.
"Ah? Ganun po ba? Eh, bakit hindi na lang tayo kumain sa labas? Magpapa-reserve ako sa isang restaurant. Saan n’yo ba gusto? Ah, dun sa lagi naming kinakainan na restaurant ni Xyrene, masarap ang mga pagkain dun. Italian restaurant ‘yun. Mahal ang mga pagkain dun," sagot ni Randell na pasimpleng pinindot ang phone niya para tumahimik uli iyung alert tone.
"Naku, huwag na! Huwag ka nang mag-abala. Tayo-tayo lang naman. Tama na ‘yung dito na lang. Magluluto na lang kami dito. Masarap namang magluto si Nanay. Para matikman n’yo na rin," sabi dito ni Xyrene.
"Basta... akong bahala...." mayabang na sagot ni Randell, pero napangiwi ito nang tumunog uli ang phone nito.
"Ah, sige. Kailangan ko na talagang umalis. Mauuna na ako. Pare, ikaw? Hindi ka pa ba uuwi? Maligo ka na...." baling nito sa akin.
"Huwag kang mag-alala. Pauwi na rin kami," malamig na sagot ko.
"Joke lang ulit ‘yun! Masanay ka na sa akin, ha?" sagot nito, at saka tumawa na naman.
Sino naman ang may sabi sa iyong gusto kong masanay na nakikita ka?
“Alis na talaga ako.”
"Ihahatid na kita sa labas--"
"Huwag na, Xyrene! I mean... okay na ko. Dito ka na lang. Huwag mo na akong ihatid sa labas. Eto naman... para naman akong others dito. Sige na. Huwag ka nang lumabas, at malamok na," sabi nito kay Xyrene.
"Alis na po ako, Nay!" malakas na sabi nito, at saka derecho nang lumabas ng kusina.
Maka-Nay naman ‘to… Feeling close agad?
"Aling Cita, Xyrene... tutuloy na rin po kami ni Reggie,” pagpapaalam ko.
"Ay sige, Yoseph. Salamat uli sa paggawa ng tubo namin, ha. Naku! Paano na lang kung wala kaming tubig ngayon hanggang magdamag?" sagot ni Xyrene.
"Wala ‘yun! Maliit na bagay. Sisiw lang sa amin ‘yun ni Reggie. Building nga, nagagawa namin,” sagot ko kay Xyrene, na sinagot naman nito ng ngiti.
Buo na ang araw ko!
“Ila-lock na lang namin ‘yung gate, Xyrene. Huwag ka nang lumabas. Aling Cita, tutuloy na po kami.”
“Oh, sa graduation ni Xyrene sa Biyernes, ha. Kailangan, nandito kayong dalawa, ha. Hindi pwedeng wala kayo, naku… malilintikan kayo sa aking dalawa!”
Napangiti ako kay Aling Cita. “Sige po, pupunta kami ni Reggie. Kami na lang uli ang maghuhugas ng mga pinggan. Iyon na lang po ang regalo ko kay Xyrene."
"Ay naku, Yoseph... ewan ko sa iyo. Bahala ka na nga! Siya, sige. Mag-ingat kayong dalawa ni Reggie pauwi...."
Nang lumabas kami ni Reggie sa gate nila Xyrene ay nakita pa namin sa di-kalayuan iyung kotse ni Randell.
"Oh, nandito pa si kulugo? Akala ko ba nagmamadali siya?" wala sa sarili na sabi ko.
“Baka pinapaalis lang talaga tayo. Tapos, babalik uli siya sa bahay nila Xyrene,” sabi naman ni Reggie.
Hindi, eh. Panay ang tunog ng phone niya kanina, kaya alam kong may kailangan siyang puntahan.
Sasagot na sana ako kay Reggie nang nang may napansin akong babaeng lumapit sa sasakyan ni Randell. Tumayo ito sa tabi ng pintuan sa side ni Randell. Mabilis kong hinawakan sa braso niya si Reggie para pahintuin ito sa paglalakad. Hinila ko ito sa tabi ng kalsada, sa bandang madilim na parte.
Kitang-kita ko nang ibaba ni Randell ang bintana sa tabi niya. Parang nagtatalo silang dalawa nung babae. Mayamaya ay nagmamadaling umikot iyung babae sa kabilang side, at saka sumakay sa kotse ni Randell. Pagkasakay nung babae ay mabilis na humarurot paalis na ang sasakyan ni Randell, sakay iyung babae.
"Reggie...." pagtawag ko kay Reggie, habang tanaw-tanaw ko pa rin ang papalayong sasakyan ni Randell.
"Bakit”?
Nilingon ko si Reggie. "I-research mong mabuti iyang kulugong Randell na yan. ASAP. Hindi talaga maganda ang kutob ko sa kanya. Parang may hindi ginagawang maganda."
"Sure! Bukas na bukas din. Sisiw…"
***